KAHIT paano, may improvement naman sa ikalawang araw ng pagpasok ni Regine. Dalawa sa kanilang mga professor ay sumipot at ang mas maganda ay nagbigay na kaagad ng task ang isa. Kailangan na kaagad nila na mag-research.
Noong hapon, maaga silang dinismiss ng kanilang guro matapos sabihin at ipaliwanag ang mga house rules pagdating sa subject nito. Mukhang terror ang dating ng matandang dalaga nilang guro. Quantitative Techniques in Business pa naman ang subject nila at sa pagkakaalam ni Regine ay may pagka-Math iyon. May math anxiety pa naman si Regine.
Nang walang maisip na gawin si Regine at upang hindi rin masayang ang oras ay inaya na lamang niya si Therese na tumambay sa library. Sabi ni Therese ay sa internet na lamang daw sila kumuha ng isasagot sa isang assignment nila subalit nakumbinsi din niya ito na magpunta sa library.
Naiwan niya si Therese sa may reading area ng aklatan. Nagbabasa ito ng pocketbook. Mahilig ang kanyang kaibigan sa mga fantasy novel.
Siya naman ay pumasok sa display area kung saan naroroon ang mga aklat na nakaayos base sa kategoryang kinabibilangan. Hinanap niya ang section para sa economics.
Hindi naman naglaon at humuhugot na ng isang makapal na aklat si Regine. Binuklat niya ang pahina at mabilis na pinasadahan ang nakasulat doon.
Seryoso siyang nagbabasa at nakakailang pahina na nang may marinig siyang nagsalita nang mahina sa kanyang gawing likuran.
"Regine."
Napalingon ang dalaga.
Namangha siya nang makita ang lalaking tumawag sa kanya, si Error. Katulad kahapon, magulo ang pagkakaayos ng buhok nito. Subalit bagay naman yata kahit anong gawing ayos ni Error sa buhok nito.
"Error . . ."
Lumapit ito kay Regine, matamis ang ngiting sumisilay sa mga labi.
Malakas na naman ang kabog sa dibdib ni Regine.
"Ang sipag mo pala," puna nito sa kanya. Bahagya itong sumandal sa shelf at nakangiti pa ring nakatitig kay Regine.
Ganito ba talaga kalagkit tumingin si Error, naiisip ni Regine.
"Nasasayangan lang ako sa oras. Tinatamad pa rin kaming umuwi ni Therese," aniya na pilit iwinawaksi ang pagkaasiwang nararamdaman. Kung bakit bahagya lamang naman niyang sinulyapan ang lalaki ay kaagad na itong nakarehistro sa kanyang balintataw.
Kunwari ay bumalik siya sa pagbabasa subalit ang mukha pa rin ni Error ang nakikita niya sa pahina ng aklat.
"Parehas pala tayo," ani Error. "So nagreresearch ka na for Microeconomics?"
"Nagbabasa-basa lang."
Hindi pa rin inaalis ni Regine ang mga mata sa binabasa subalit nahahagip ng kanyang paningin ang mukha ni Error. Ramdam niya na nakatitig pa rin ito sa kanya kaya higit na tumitindi ang pagka-asiwang nararamdaman niya.
"Magre-research ka din ba sana?" untag niya kay Error maya-maya pa. Isinara na niya ang aklat. Wala din naman siyang maintindihan dahil sa hindi makapokus.
"Sana," sagot nito.
"Sana? Bakit sana lang? Andito ka na rin lang e di magbasa-basa ka na rin." Iniabot niya ang aklat kay Error.
Naglakad siya palayo sa lalaki.
Mabilis na ibinalik ni Error ang aklat sa dati nitong puwesto sa shelf at humabol kay Regine.
"Regine, sandali lang."
Napatigil sa paglalakad si Regine.
"Ang tagal ko kasing nawala dito sa Bukidnon. At wala talaga akong maituturing na kaibigan pa."
BINABASA MO ANG
Always Be My First
Mystery / ThrillerWalong taon nang huli silang magkita. At nang magkrus muli ang kanilang landas ay ikakasal na si Error Rebellon. Si Error na sa pangalan pa lamang ay isa ng malaking pagkakamali. Si Error na ang pinagmulan ay hindi matatanggap ng kanyang angkan. Si...