PATAGO ang relasyon nila ni Error. Sa mga sumunod na araw ay gumagawa ng paraan ang binata upang magkasama sila. Ngunit ingat na ingat si Regine upang hindi makahalata ang mga kaklase nila. Kung minsan nga ay para siyang naiinis kay Error dahil pasimple itong kumikindat sa kanya kapag nagtatama ang mga paningin nila.
Ilang beses ding nagtatangka si Xavier na lumapit sa kanya. Alam niyang nagtataka si Xavier sa muling paglamig ng pakikitungo niya dito. Tapos na naman ang responsibilidad niya sa lalaki. Panalo na ito at ginawa niya ang tulong na hiningi nito sa kanya.
Nahihirapan din naman siya. Subalit mahirap ipaliwanag kay Xavier ang sitwasyon niya.
Nakahanap siya ng kakampi kay Therese. Hindi na niya magawang maglihim dito.
"Ang hirap ng sitwasyon mo, bes," malungkot na sabi ni Therese. "Ayaw ng papa mo kay Error, mas gusto niya kasi si Xavier. Pero sa huli ay ikaw ang pipili kung sino ang gusto mong makasama."
"Hanggang kaibigan lang kasi si Xavier para sa akin," pag-amin niya.
"Nakakaawa din si Xavier, napakabuti niya kasi kahit kanino. Saka obviously, love na love ka nu'n."
Napabuntung-hininga si Regine.
"Pero dapat maging honest ka rin kay Xavier. Sabihin mo na kung bakit hindi na siya dapat pang umasa. At least, makapag-move on na rin siya."
"Sa tingin mo?"
Tumango si Therese.
May punto ang kaibigan, subalit may hesitasyon si Regine na gawin iyon. Natatakot siyang kapag nagtapat siya kay Xavier ay makarating sa kanyang papa ang tungkol sa relasyon nila ni Error. Naalala niyang matapos niyang bastedin ang manliligaw, nalaman ng tatay nito ang tungkol doon at naikuwento pa sa kanyang papa.
"Hahanap muna ako ng tiyempo. Hindi ko alam kung ito ang tamang panahon para malaman niya ang tungkol sa amin ni Error," desisyon ni Regine.
"Ikaw ang bahala. Ang sa akin lang naman, mas pinapatagal mo, pareho lang kayong mahihirapang tatlo."
Hindi lamang si Therese ang naging kakampi ni Regine.
Maging si Valerie ay tumulong sa kanya upang magkaroon sila ni Error ng panahon na makapagkita.
Isang araw ng Sabado, isinama siya ni Valerie nang dumalaw ito sa isang tiyahin na nakatira sa Cagayan de Oro. Walang kamalay-malay ang kanyang mga magulang na sa isang mall doon ay magkikita sila ni Error. Maghapon silang magkasama ng lalaki habang si Valerie ay naiwan sa bahay ng tiyahin nito.
Masayang-masaya si Regine. Kumain sila ni Error, nanood ng sine at namasyal sa magagandang lugar ng nasabing lungsod. Kahit paano, walang makakakilala sa kanila doon. Halos hindi nagbitaw ang mga kamay nila habang magkasama.
Bago dumilim ay nagkita sila ni Valerie sa terminal ng bus pabalik sa Malaybalay. Dala ni Error ang kanyang motorsiklo. Gusto sana ng lalaki na umangkas na lamang siya dito pauwi subalit nakumbinsi niya ang nobyo na mas mabuti na ang mag-ingat sila.
Hindi napagod si Regine kahit mahigit tatlong oras ang naging biyahe nila pauwi. Ang laki ng pasasalamat niya sa pinsan sa malaking pabor na ginawa nito para sa kanila ni Error.
Ang hindi inaasahan ni Regine ay malapit na palang matuldukan ang masasayang sandali sa pagitan nila ng lalaki.
***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!
BINABASA MO ANG
Always Be My First
Mystery / ThrillerWalong taon nang huli silang magkita. At nang magkrus muli ang kanilang landas ay ikakasal na si Error Rebellon. Si Error na sa pangalan pa lamang ay isa ng malaking pagkakamali. Si Error na ang pinagmulan ay hindi matatanggap ng kanyang angkan. Si...