Alas-tres ng hapon ay nagpasya na si Regine at ang iba pang kaklase na umuwi na. Tutal ay nasulit nila ang panahong wala ang mga guro sa pagkukuwentuhan.
Nasa harapan na ng main gate ng university si Regine. Kasama niya sina Therese at Xavier na naghihintay ng tricycle. Hinihintay lamang ng dalawa na makasakay si Regine. Pareho ang destinasyon nina Xavier at Therese kaya nagkasundo ang dalawa na sabay na uuwi.
Hindi pa katagalan ay lumabas mula sa gate at humimpil sa tapat nila ang isang motorsiklo. Naka-helmet ang pasahero at naka-itim na leather jacket. Tinanggal nito ang helmet. Si Error pala iyon.
"Regine, taga-San Jose ka nga ba?" tanong nito sa kanya.
Nagulat si Regine sa tanong na iyon ni Error. Hindi naman nga kasi sila nagkakakuwentuhan pa.
"Oo, paano mo nalaman?" usisa niya.
"Hinulaan ko lang," sabi ni Error sabay bumaling sa dalawang kasama niya. "Kayo, Xavier, Therese, taga-saan ba kayo?"
"Sa Kalasungay kami," sagot ni Xavier.
"Taga-San Jose din ako. Baka gusto mong sumabay na sa akin, Regine."
Napaawang ang bibig ni Regine. Mas lalong tumitindi ang hinala niya sa pagkatao ng lalaki.
"'Tol, hindi na. Salamat na lamang. Ihahatid ko si Regine," maagap na kumontra si Xavier.
"Akala ko ba . . ." Maging si Therese ay nagulat sa pagbabago ng plano ni Xavier.
"Hinihintay lamang namin na makasakay si Therese," paliwanag pa ni Xavier kay Error.
"Sigurado kayo?" paniniyak ni Error. Sinulyapan nito si Regine na para bang hinihingi ang opinyon niya.
"S-sige na, Error. Maraming salamat na lamang," aniya sa lalaki.
"Okay, ingat kayo," anito at muli nang isinuot ang helmet.
Nakatanaw na lamang sila habang palayo si Error. Maya-maya pa ay naisakay na nila sa isang tricycle si Therese. Gusto sana ni Regine na pasabayin na sa kaibigang babae si Xavier subalit pinanindigan nito na ihatid siya.
Tumambay pa ng halos isang oras ang lalaki sa bahay nila. Kasundung-kasundo kasi nito ang Papa niya. Idagdag pa na mag-bestfriend pagdating sa sabungan ang mga tatay nila ng manliligaw.
Nang makaalis si Xavier ay hindi mapakali si Regine na naghalungkat sa mga lumang photo album ng pamilya. Tiyak niya ang hahanapin pero sa dami ng mga lumang koleksyon ng mga lumang larawan nila ay hindi niya maalala kung saan eksakto nakalagak ang pakay. Nasa isang shelf sa may salas nila ang mga photo album.
"Ano bang hinahanap mo?" Naabutan siya ng kanyang Mama na nakasalampak sa sahig at nagbubuklat-buklat ng album.
"Wala, Ma. May kailangan lang akong old picture noong bata pa ako."
"Para sa school?"
"Hindi, Ma. May naalala lang ako. 'Yung picture ko nung naging flower girl ako sa kasal nina Ate Liza at Kuya Sonny."
"Ah, eh, nandiyan lamang naman lahat ng pictures natin. Hindi ko nga lang alam kung saan-saan diyan nakatabi."
Iniwan na siya ng kanyang ina.
Nagliwanag ang mga mata ni Regine nang sa wakas, sa ikalimang album ay nakita niya ang hinahanap.
Wedding picture iyon. Naroroon ang buong entourage at nasa unahan ang dalawang batang magkapareha. Si Regine ang flower girl. Ang ring bearer ay ang nag-iisang Error na naaalala niya. Actually, kaya natanim sa kanyang utak ang pangalan nito ay dahil palagi siyang tinutukso ng Ate Maxene habang lumalaki siya. Sabi nito, si Error daw ang papakasalan niya kapag naging binata at dalaga na sila.
Nakalakihan niya tuloy na naniniwala na ito nga ang lalaking gusto niya kahit pa nga isang beses lamang naman niya ito nakita. Pero siyempre, nang lumaon ay unti-unting nagkaroon ng reyalisasyon si Regine na panunukso lamang talaga ang lahat.
Gayunpaman, hindi na nawaglit sa kanya ang pangalan nito. Nakakatawang bago pa niya nalaman ang tunay na kahulugan ay alam na niya ang salitang Error.
Tinititigan ni Regine ang wedding picture ay pilit na inaanalisa kung may pagkakahawig nga ba ang batang Error sa binatang nakilala kanina sa school.
Hindi niya sigurado. Napaka-cute ng batang iyon. Ang binatang Error ay hindi niya mailalarawan na basta cute lamang. Malaki ang lamang nito kay Xavier kung kaguwapuhan ang pag-uusapan. Magkasing-katawan lamang ang dalawa at halos magkasing-height.
Mamula-mula ang kutis ni Error, mukhang bilad ito sa araw. Sa tingin niya ay may halong dayuhan sa dugo nito.
Well, kung ito nga ang batang Error na una niyang nakita mahigit isang dekada na ang nakalilipas, may pagkakataon naman siguro na makikilala na niya ito.
Kinuha ni Regine ang isang picture na nakadikit sa pahina ng photo album. Iyon ang picture kung saan hinalikan siya sa lips ng batang Error.
***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!
BINABASA MO ANG
Always Be My First
Mystery / ThrillerWalong taon nang huli silang magkita. At nang magkrus muli ang kanilang landas ay ikakasal na si Error Rebellon. Si Error na sa pangalan pa lamang ay isa ng malaking pagkakamali. Si Error na ang pinagmulan ay hindi matatanggap ng kanyang angkan. Si...