New face

630 33 113
                                    


EIGHT years ago...

"May bago tayong classmate!" balita ni Therese sa kanya nang magkita sila sa sumunod na klase. Hindi nakapasok si Regine sa unang subject dahil tinanghali siya ng gising. Unang beses na nangyari sa kanya iyon na ma-late sa unang araw ng pasukan. Madaling araw na rin kasi nang makabalik sila galing sa Manila. Naroroon kasi ang mga pinsan niyang bakasyunista na mula pa sa Canada. Umuwi na rin ang mga ito pabalik sa Canada samantalang sila naman ng kanyang pinsang si Valerie ay umuwi na rin sa probinsiya. Na-delay ang flight nila pabalik sa airport sa Misamis at pagkatapos ay halos apat na oras pa silang nagbiyahe pa-Bukidnon.

Third year na sa kursong Business Management si Regine. Sabi niya sa sarili, konting kembot pa at magmamartsa na sa entablado.

Kahit paano ay nagseseryoso si Regine sa pag-aaral. Hindi man siya ang pinakamagaling sa klase, disente naman ang kanyang naging grado at hindi pasang-awa.

"Talaga?" aniyang hindi naman talaga interesado. Inaantok pa rin siya habang nakaupo sa may bahaging likuran ng classroom.

"Andiyan siya kanina kaso lumabas kaya hindi mo nakita."

"Hayaan mo, makikilala ko din siya. Babae ba o lalaki?"

"Lalaki," anito. "At ang guwapo!"

"Ows?"

"Basta ikaw na ang bahalang humusga kapag nakita mo."

Matagal pa silang naghintay sa loob ng classroom. Halos kalahating-oras na rin at wala pa ang kanilang guro para sa klaseng iyon. Sabagay ay nasanay na naman sina Regine na siputin-dili sila ng kanilang mga instructor sa unang araw ng klase.

Excited lamang silang pumasok dahil magkakasama-sama na naman silang muli ng mga kaibigan.

May maingay na grupo ng limang kalalakihang pumasok. Nangunguna doon si Xavier. Ito ang pinakamatangkad sa klase nila sa height na 5'10". Makinis pero may kaitiman ang balat ng lalaki. Tall, dark and handsome ang deskripsyon ng mga kababaihan sa katangian ni Xavier. Maraming nagkakagusto dito lalo pa at nanalo ito noong nakaraang taon bilang Mr. University.

Nagningning ang mga mata ng lalaki nang mahagip ng tingin si Regine.

Masugid na manliligaw ni Regine si Xavier. Kahit ang mga magulang niya ay aprubado ang lalaki. Hindi lang daw maganda ang angkang pinagmulan, mabait at maginoo din daw si Xavier. Alam ni Regine, totoo iyon.

Ginantihan din ni Regine ng ngiti si Xavier. Magaan naman ang loob niya sa lalaki. Kahit paano, natutuwa siya na kahit may pagka-chubby siya ay napansin pa rin siya nito. Ang dami kaya sa paligid nila na nagtataas ng kilay kung bakit siya ang pinili ni Xavier.

Well, sorry sa kanila, maganda naman kasi talaga si Regine. Hindi pa lamang siya ganoon ka-conscious sa pangangatawan niya. Wala pa sa kaniyang immediate plan ang magdiyeta at rendahan ang sarili sa mga nais kainin.

Palapit sa kanyang kinaroroonan si Xavier. Magbababa na sana siya ng tingin nang masulyapan ang pigurang nasa likuran ni Xavier, nakatungo ito bago dahan-dahang nag-angat ng mukha.

Bahagyang magulo ang buhok ng lalaki, sa tingin niya ay sinadya nito iyon.

Nanlaki ang mga mata ni Regine.

Hindi niya sigurado subalit napakapamilyar ng mukha nito.

Hindi niya alam kung saan sila nagkita.

At mabilis ang pagtibok ng puso ni Regine!

Tila parehas sila ng reaksyon ng lalaki. Para itong nahipnotismo at bahagya pang nakaawang ang bibig sa pagtatama ng kanilang mga paningin.

Hindi nakaligtas kay Xavier ang matagal na pagtititigan nila ng hindi kilalang lalaki. Naroon na si Xavier at nakatayo sa tabi ng upuan niya.

Nagbaba si Regine ng tingin. Lumapit naman ang lalaki sa kanila

"Regine, this is Error," pakilala ni Xavier sa bagong dating. "Error, si Regine."

"Regine, hello." Inilahad ni Error ang kanang palad sa kanya.

Tinanggap iyon ni Regine. Mas lumakas ang pagkabog sa dibdib niya sa pagdadaiti ng kanilang mga palad. Matagal siyang hinawakan ni Error.

"Error ang pangalan mo, as in?" ani Regine.

"Yup, as in," tugon ni Error na hindi pa rin bumibitaw sa pagkakakapit kay Regine.

Nakaawang ang mga labi ni Regine. Iisang Error lamang naman ang nakilala niya sa mundo. Diyata't ang Error na kilala niya at ang kaharap ngayon ay iisang tao. Posible kaya?

"Ehem," untag ni Xavier sa atensyon nilang dalawa. "Si Regine ang prinsesa ng buhay ko."

Naghiwalay ang kanilang mga palad at halatadong napahiya si Error sa narinig.

Si Regine naman ay bahagyang namula at sa unang pagkakataon ay tila gustong tumutol sa sinabi ni Xavier. Nasanay na si Regine sa pagka-vocal ng lalaki sa nararamdaman nito sa kanya. Subalit bakit ba gusto niya ngayong sawatain si Xavier?

"Regine, makikisabay ako mamaya sa lunch, ha." Si Xavier muli iyon.

"Ha? Ikaw," aniya.

"Transferee si Error, galing siya sa Bohol. Pero tumira na rin siya dito dati," sabi ni Xavier.

May gusto sanang itanong si Regine sa lalaki subalit naaasiwa siya dahil sa presensya ni Xavier. Kahit hindi pa niya ito sinasagot ay naging malapit na sila sa isa't isa. Ang alam nga ng mga magulang niya ay may unawaan na sila ni Xavier.

Ang totoo, kung may isang lalaki na pinakamalapit sa puso ni Regine, iyon ay walang iba kundi si Xavier. Kung malapit na ba sa puntong sasagutin niya ang heartthrob ng eskuwelahan, hindi pa iyon napagpapasyahan ni Regine.

"Now he is back and he will be part of my gang." Tinapik ni Xavier sa balikat si Error.

"At kailan pa kayo naging gangster?" panunudyo ni Regine.

"Kanina lang," natatawang ganti ni Xavier.

"Good luck sa 'yo, Error," ani Regine sa lalaki.

"Salamat," nakangiting tugon naman nito.

"So paano? Iwan na muna namin kayo dito. May mga pag-uusapan lamang kami ni Error at ng barkada," paalam ni Xavier.

Minsan pa ay nagkatitigan sila ni Error. Tila may gusto itong sabihin sa kanya ngunit malungkot na ngumiti na lamang ang lalaki.

Hinila na itong palayo ni Xavier at pinuntahan ang tatlo pang kaibigang lalaki na nasa teacher's table sa unahang bahagi ng classroom.

Manaka-naka ay nahuhuli ni Regine ang panakaw na pagsulyap sa kanya ni Error. Paulit-ulit na nagkakatitigan sila at nagngingitian.

Malaki ang hinala ni Regine na minsan na nga silang nagkita ni Error. Nasasabik siya na makumpirma ang hinala.

Subalit naging mailap ang araw na iyon upang makapag-usisa siya sa lalaki. Kahit pa nga hindi sila sinipot ng isa man sa kanilang mga instructor para sa araw na iyon. At aywan kung sinasadya ngunit palagi na lamang nasa paligid si Xavier.

***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!

Always Be My FirstTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon