Outcast

267 21 15
                                    



NAPAKABILIS ng paglakad ng oras. Dumating na ang linggo kung kailan sa susunod na tatlong araw ay magdaraos sila ng Foundation Anniversary Week. Malaki ang espasyo ng eskuwelahan nila. May mga booth na isa-isa nang itinatayo sa mga bakanteng lote ng school. May mga tarp na rin para sa pagwe-welcome sa mga mahahalagang panauhin.

Nagpa-excuse na rin ang section nila sa subjects nila ng Lunes at Martes para makapag-set up na ng props at maisaayos ang venue ayon sa plano.

Madalas ay nanggagalaiti si Therese sa pagmamando sa mga kaklase at madalas pang magparinig sa ibang walang kontribusyon lalo pa sa ibang tumatakas. Kahit si Error ay hindi nito nagawang palampasin.

"Ano ba'ng plano mo? O wala ka lang talagang kayang gawin?"

Narinig niyang sabi ni Therese kay Error bago pa siya hinila ni Xavier palabas ng classroom.

Hindi na niya nakita pa kung paano nagreact si Error.

Nagulat din si Regine nang sa parking lot siya dalhin ni Xavier at pinasasakay na siya sa motorsiklo nito.

"Ayoko nang magreview. Umay na umay na ako. Gusto ko naman na makarelax. At nakaka-stress kung makikisali pa tayo doon kina Therese. Nakita mo naman kung gaano kasungit ngayon ang bestfriend mo," sabi ni Xavier.

"Mukhang si Therese ang dapat mong isama para maka-relax. Hindi yata tamang iwanan ko siya sa oras na ito."

"Sandali lang tayo, Regine. Gusto ko lang magpalamig doon sa bagong coffeeshop sa bayan." Nakikiusap na naman ang tingin ni Xavier.

Hindi na tumutol pa si Regine.

Nang bumalik sila ay wala pa ring pagbabago sa mood ni Therese. Tahimik na lamang na kumikilos ang kanyang mga kaklase. Nakakalat ang mga diyaryo, mga magasin, mga plastic bottles, lata at kung anu-ano pa. Ginawa nilang working area ang isa nilang classroom. Sa pagkakaalam ni Regine ay may mga kaklase na silang gumagawa na ng props since Saturday.

May isang group na nagpipintura pa doon.

Hinarap siya ni Therese maya-maya.

"Bes, kailangan mong mag-overnight mamaya sa bahay. May mga tatapusin pa kasi kaming mga designs doon. Masakit na ang mga kamay ko sa paggu-gupit. Kailangan namin ng additional workforce. Baka isipin nilang dahil bestfriend kita ay pinapaboran na kita. Isasama din natin ang anti-social mong manliligaw na si Error. Naiirita na ako sa kanya, walang naitutulong."

"S-sige, bes. Pasensya ka na talaga."

Tinalikuran na siya ni Therese.

Hinanap niya sa paligid si Error. Naroroon naman ito sa isang sulok, nagpipintura ito ng mga lata. Gusto niyang maawa sa lalaki. Mukhang tumutulong naman pala ito. Bakit kaya ang init ng ulo ni Therese pagdating kay Error? Naalala pa niya noon na guwapong-guwapo ang kaibigan noong unang makita ang lalaki.

Tumulong na rin si Regine sa mga kaklase sa paraang alam niya.

At dahil alam niyang isa siya sa may maliit na contribution, sinagot niya ang meryenda ng mga ito kinahapunan. Mabuti at may dala siyang pera. Malaki man ang nabawas sa iniipon niya, sulit na rin nang makita niyang ngumiti ang pagod na mga kaklase.

Alas-singko y media ng hapon ay isa-isa nang nagsisiuwian ang mga kaklase ni Regine. Iilan na lamang silang naiwan sa classroom. Hindi din namalayan ni Regine na nakaalis na pala si Therese. Ang sabi nito kanina ay makikipag-usap lamang daw sa dean. Subalit hindi na niya namalayan pa ang pagbabalik nito.

Nakapagpaalam na siya sa ina na doon siya matutulog kina Therese ngayong gabi.

Napansin niyang patuloy pa rin si Error sa pagpipinta ng mga lata. Nakarami na pala ang lalaki at tila wala pa itong plano na umalis.

Sa unang pagkakataon ay nilapitan niya ang lalaki.

"Error, tama na 'yan."

Napatingala sa kanya ang lalaki. Pawisan na pala ang mukha nito. Tila may ningning sa mga mata ni Error.

Gusto niyang pahirin ang umaagos na pawis sa noo ni Error.

"Kaunti na lang at matatapos na 'to," sabi ng lalaki.

"Regine, mauuna na kami. Hindi pa ba kayo uuwi?" isa sa mga kaklase nilang babae iyon. Kasabay nito ang apat pang kaklase na bitbit na ang mga gamit.

"Pupunta ba kayo kina Therese?" tanong niya sa mga ito.

"Hindi, may group na naka-assign na mag-o-overnight ngayon. Nakaalis na yata sila kanina pa," sagot ng isa.

Hala, naiwan yata sila ni Error. Ang bilin sa kanya ni Therese ay kailangan niyang sumama at pati si Error ay dapat ding magpunta.

"Paano, mauuna na kami. Kayo na ang bahalang magsarado sa room."

Naiwan silang dalawa ni Error sa classroom.

"Error, kailangan nating magpunta kina Therese ngayon," kapagkuwa'y nasabi niya sa lalaki.

"Yap, sinabi nga niya sa akin kanina," anitong hindi pa rin tumitigil sa ginagawa.

"Error, naiwan na tayong dalawa dito. 'Yung mga kasama natin ay dumiretso na yata kina Therese."

Natigilan si Error. "Hindi ko alam kung saan ang bahay nina Therese."

Hindi makasagot si Regine. Siyempre ay alam niya ang address ng matalik na kaibigan at ilang beses na rin naman siyang nakarating doon. Subalit hindi siya makapagprisinta na sabay silang pupunta ng lalaki.

"Hindi na lang ako siguro sasama, Regine."

"No, hindi puwede!" maagap na tutol niya.

Maang na napatitig sa kanya si Error.

"Kapag hindi ka sumama, magagalit lalo si Therese sa 'yo," aniya.

Itinuloy ni Error ang pagpipinta ng lata.

"Sasamahan kita, Error. Sabay tayong pupunta kina Therese."

Parang iyon lamang ang hinihintay na hudyat ng lalaki. Mabilis itong tumayo sa harapan ni Regine.

Hindi niya inaasahan ang mabilis na pagtibok ng puso niya sa mga sandaling iyon. Hindi niya maalis ang titig sa mga mata ni Error. Kahit pawisan ito at medyo marungis na sa pawis at dumi ang suot na puting t-shirt , tingin niya ay mas gumuwapo pa ang lalaki. Nasamyo din niya ang natural na amoy nito, gusto iyon ng kanyang pang-amoy.

Napaatras si Regine.

"Tara na?" aniya.

"Ayusin ko lang ang gamit ko."


***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!

Always Be My FirstTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon