FRIDAY...
Kinailangan ko nanaman pumasok, masyado na akong maraming absent at dahil doon, ang dami kong kailangan gawin. Mabuti at hindi na ako pinag-report ng bongga sa main-office. Sinabi ko kasi emergency kaya napahaba ang leave ko.
Dito na ako ngayon sa opisina, kanina pa nga ako tahimik e, parang wala ako sa mood kausapin silang apat. Naka-tutok lang ang buong atensyon ko sa laptop.
Ang dami ko na tuloy iniisip ngayon, hindi parin ako nakakasimula mag-ipon. Kanina lang siningil ako ng may ari ng apartment ko. May palugit pa akong dalawang buwan para mag-stay at para bayaran ang kulang ko sa renta.
Gusto ko narin malimot ang mga problema ko. Naalala ko sina mama, tumawag rin sila sa'kin kagabi, kailangan nila ng pera.
Nangako na lang ako, kapag dumating ang sahod magpapadala ako. Kahit si Isabel, iniisip ko rin. Hiyang siya sa mamahaling gatas kaya mas lalo ako nalalagasan ng pera. Oh, Lord! Please... Enlighten me.
"Bruha, ano na naman ba 'yang senti mo? Ikaw, ngayon ka na nga lang pumasok, ang tahimik mo pa?" Ngumiti lang ako kay Carl tsaka inikutan ng mata. Hindi uubra ang katarayan niya ngayon.
"May gana pang umirap ang gaga? Pumasyal na lang ulit tayo mamaya pag-out." Kinikilig niyang sabi. Hindi ko parin siya pinansin, ewan... wala talaga ako sa mood.
Ilang sandali ang lumipas at si Jen naman ang nangulit sa'kin. Inusad niya ang swivel chair sa pagitan namin ni Carl. "Mag-bar nalang tayo. Ano? deal or no deal? 'Wag na tayo sa mall, mamaya makapulot na naman ng bata si Sab at iuwi niya ulit."
"Oo, tapos maging orphanage ang bahay niya at hindi narin makapag-asawa. Sige, go ako! Bar na lang tayo, baka sakaling lalaki naman maiuwi ni Sabrina." Sabay hagalpak nilang dalawa ng tawa.
"Sige, pagtawanan niyo ako. Oo na, sasama na ako sa bar!" Pagalit kong sabi.
"O, seryoso na 'yan ha?" Tanong ni Jen.
Hindi na ako umimik at sinundan ko na lang sila ng tingin, habang abala narin sa plano mamayang gabi. Napasubo na lang ako sa trip nila pero ayos narin, tiwala naman ako sa kanila. 'Yun nga lang, first time kong mag-punta sa gano'ng lugar.
Lumipas ang maghapon, wala silang pinag-usapan tungkol sa pagpunta namin sa bar. Napailing ako. Mula kaninang umaga 'yun na topic nila, ngayon uwian na gano'n parin? Naisip ko na lang tumawag kay Ate Meg para magpaalam.
"Hello, tuloy ka talaga sa bar? Sorry ha? Wala naman problema sa'kin kung mag punta ka doon." Masayang sambit ni Ate Meg mula sa kabilang linya.
"Talaga? Okay lang sa'yo ate? Thank you, hindi naman ako magpapagabi e." Pagkaraan namin mag-usap ni Ate Meg, nabigla ako nang mabilis nila akong hilahin.
Nakarating kami sa ladies room at agad silang nag-ayos ng sarili. Naiwan ako sa likuran ng pinto habang pinapanood ko ang bawat kilos nila. Gusto kong matawa dahil mayroon silang malaking bag at punun puno iyon ng ka-kikayan.
"O, saluhin mo, Sabrina!" Sigaw ni Jen sa'kin at mabilis akong lumingon sa kanya.
Pinagmasdan kong mabuti ang binigay niya sa'kin. Kulay silver na cocktail dress, walang strap at manipis ang tela. Napaisip ako kung paano iyon suotin? Hindi naman ako sanay sa mga gano'ng damit, lalo na't public place ang pupuntahan namin.
"Suotin mo nalang 'yan loka, ganyan talaga style niyan, for sure fit 'yan sa'yo dahil payat ka naman." Confident si Tere habang nag-e-explain sa'kin.
Wala na akong nagawa kundi sundin sila. Hinila nila ako sa bakanteng cubicle at pilit inaalis ang uniform ko. Iniisip ko palang, gusto ko nang umuwi. Hindi ko talaga kayang masuot ng mga ganitong klase ng damit.