Masaya kung iisipin, ang pag-ibig ng isang tao para sa kanyang minamahal ay hindi naghahangad ng kapalit.
Anuman siguro ang mga naidulot niya sa'yo, materyal na bagay o kahit moral support, malaking kahalagahan na 'yon para masabi mong... ito na. Ito na talaga.
Ayaw ko na sanang magising sa isang masayang bangungot na tulad nito. Kahit alam ko sa sarili ko, hindi pa ito ang end-up ng fairy tale sa buhay ko. Umaasa parin ako darating ang tamang oras at panahon para sa'ming dalawa...
Tulad ng sinabi niya.
Gaya ng mga pangako niya.
*
Nanatiling tikom ang bibig ko habang naglalakad kami sa Baywalk. Tamang-tama sa oras na pwedeng mag-moment dahil kitang-kita ang sunset. Nahinto kami saglit. Naupo kami sa wooden bench na sinadyang ilagay para doon.
"Hon, pagod ka na ba? Maupo tayo sandali." Nabigla ako nang magsalita si Darius habang nauna rin siyang maupo sa bench.
"Hindi naman ako pagod. Ayos lang sa'kin maglakad-lakad, mas relax kasi sa pakiramdam. Bakit ikaw? Pagod ka na? Gusto mo narin umuwi?" Tanong ko sa kanya. Mabilis siyang umiling at hinawi ang hibla ng buhok na tumakip sa kanan kong pisngi.
Tipid akong ngumiti at mabilis kong hinabol ang palad niya para damhin iyon. Sandali akong pumikit. Parang ayaw kong matapos kami agad sa ganitong eksena.
Hindi naman siya naging madamot dahil nagawa niyang idampi sa pisngi ko ang isang palad niya. Agad niya akong hinagkan sa noo at mabilis na niyakap. Hindi ko tuloy alam kung sa pagkakataon na 'yon, mangingilid ulit ang mga luha ko. Masaya. Maligaya ang kalooban ko sa tuwing ganito kami.
"Ayokong umiiyak ka, sinabi ko na sa'yo diba? Makakasama kasi 'yon kay baby? Stop crying... I love you." Bulong niya sa'kin. Sunod-sunod akong tumango at mas lalo ko siyang kinulong sa mga yakap ko. "Mahal kita, gusto kong masaya ka palagi. Tama na 'yan okay? Magagalit na ako sa iyo sa oras na umiyak ka ulit." Dugtong niya.
Marahan akong humiwalay at inayos ko ang sarili ko. "Oo, hindi na ako iiyak. Sorry, ayoko rin magalit ka sa'kin."
Hindi ko maiwasan ang mga mata niyang nakatitig sa'kin. Kaswal din akong tumingin sa kanya. His deep brown eyes parang tumatagos hanggang laman kung mangusap. Kahit sa ngiti niya, kitang-kita kong sincere ang buo niyang pagkatao. Para bang walang pwedeng maitago sa oras na pagmasdan ko rin siya.
"Hi, baby. Sobrang iyakin si mommy, hindi naman mawawala sa kanya si daddy." Sinundan ko ang kamay niya habang humahaplos iyon sa tiyan ko. Napangiti ako at mabilis akong tumayo. "O, bakit? Kinakausap ko pa si baby."
Natawa siya at sinuot sa'kin ang dala niyang sweater. Palihim akong napangiti sa kanya at muli kaming nagsimulang lumakad. Good thing at may dala kaming stroller. Naroon si Isabel at mahimbing narin sa pagtulog.
Sinadya ko siyang ayain pumasyal, madali akong mainip sa isang lugar depende pa iyon kung magustuhan ko. Mas gusto ko 'yung madalas kaming ganito, masaya at sandali akong nakakalimot sa mga susunod na mangyayari sa pagsasama namin.
Kung minsan, iniisip ko sana matanggap rin ako ng in-laws niya at maging nanay ni Isabel. Hindi ko alam kung alam narin nila ang tungkol sa aming dalawa, lalo ngayon at magkakaanak narin kami.
Muling kumabog ang puso ko para isipin iyon. Napalunok at sandaling nawala sa huwisyo. Napasulyap ako sa kanya pero agad akong umiwas. Nakakapanlambot ng tuhod kung magawa nilang humadlang.
Paano nga kung magkataon at maging totoo ang lahat?
Magagawa niya kaya akong ipaglaban?
Lumaban hanggang sa huli... tulad nang pangako niya sa'kin?