Narito kami sa Clinic sa Makati. Mag-iisang oras narin kami dito dahil marami rin ang naghihintay ng check-up. Halos naman lahat buntis dahil Maternity and Lying-In ito.
Ngayon ko pa lang makikita ang doktora na sinabi sa'kin ni Darius no'ng kasalukuyan akong nawalan ng malay. Si Doctora Cruz, mabait siya at medyo may edad narin.
"Oo, hindi talaga madaling magbuntis. Lahat mararamdaman mo e, kahit sa panganganak? Totoo 'yung sinasabi na nasa hukay ang isang paa mo."
"Sana nga... makaya ko rin. Natatakot parin ako kahit second baby ko na ito."
Napalingon ako sa kaliwang gilid ko dahil sa lakas nang boses ng dalawang babaeng buntis. Napako ang mata ko sa isa, malapit sa pwesto ko. Palagay ko, nasa pitong buwan narin ang tiyan niya dahil medyo malaki na iyon.
Napalunok ako.
Parang na-imagine ko bigla ang tiyan ko na gano'n kalaki sa nakita ko. Tuloy-tuloy parin ang pag-uusap nila pero hindi ko na alam ang ibang detalye at silang dalawa lang din ang nagkaka-intindihan.
Marahan kong hinaplos ang tiyan ko. Medyo halata narin ito at dahil sa wala narin magkasyang damit sa'kin, halos ang suot ko palagi maternity dress narin.
"Hon?" Natinag ako sa malamig na boses ni Darius. Mabilis akong tumingala sa kanya dahil nakatayo siya sa harapan ko. "Para sa'yo." Inabot niya sa'kin ang pineapple juice in can at naupo siya sa tabi ko. "Naiinip ka na ba? Hindi ko alam na marami rin pasyente dito, sana pala sa iba na lang tayo." Seryoso niyang sabi habang humaplos ulit ang palad niya sa tiyan ko.
Ininom ko narin ang pineapple juice na bigay niya at umiling ako. "Hindi naman ako naiinip, ayos lang sa'kin maghintay. Siguro naman magaling ang OB-Gyne sa clinic na ito dahil maraming pasyente. Isa na tayo do'n." Katwiran ko sa kanya.
Hindi na siya umimik at sumandal na lang sa upuan niya. Palihim akong ngumiti, kitang-kita ko kasi na nag-aalala siya. Iba 'yung awra niya ngayon, hindi niya magawang ngumiti kahit sapilitan. Sinadya ko na lang hawakan ang palad niya at pinisil iyon.
"I'll be okay honey, hindi mo kailangan ma-frustrate diyan." Biro ko sa kanya. Tipid narin siyang ngumiti at hinalikan ako sa noo.
Nakadama tuloy ako ng awkwardness dahil sa pagiging PDA niya. Nahihiya ako sa ginawa niyang paghalik sa'kin. Pakiramdam ko, namula ang pisngi ko at maraming mata ang sumusulyap sa pwesto namin. Ayoko naman sakyan ang paglalambing niya.
Inisip ko na lang... normal ang lahat.
Nalipat ang atensyon ko kay Isabel. Pinisil ko siya sa pisngi at hinalikan. Sinadya kong kuhanin mula sa kanlungan ni Darius ang bata, bagay na hindi na maulit ang mga PDA moments namin. Kahit sa ganitong lugar, pakiramdam niya nasa kwarto lang kami.
"Hi, Isabel. Be a good girl okay? 'Wag mag-pasaway kay daddy. Hintayin niyong matapos ang check-up." Sandali kong pinagmasdan ang bata parang nakakaintindi na ito dahil nagawa niyang ngumiti sa'kin.
"Mrs. Asuncion, halika. Ikaw na ang next."
Nabigla ako nang tawagin ng isang nurse. Mabilis akong tumayo at gano'n din si Darius. Nagtaka pa ako dahil gusto niya rin sumama. Hinawakan niya ako sa kamay at tinungo namin ang kwarto kung nasaan ang doktora.
"Mr. Asuncion. Pwede na po kayo sa labas muna. Sa waiting area. Hintayin niyo na lang ang asawa niyo, bawal po siyang samahan sa loob habang may check-up."
Wala nang nagawa si Darius. Gusto kong matawa sa reaksyon niya nang palabasin siya ng doktora. Ngumiti ako at nag-wave sa kanya. Ang kulit niya kasi, sabi ko 'wag na siyang sumama dito sa loob. Naawa tuloy ako sa kanya biglang nalungkot ang mukha niya.