[ almost 9p.m ]
Thursday ngayon. Naisipan kong ayain si Carl kumain at pumasyal sa mall. Gusto kong makapag-isip ng normal sa kabila ng lahat. Sa inaraw-araw na kasama ko rin si John, hindi rin ako mapanatag. May pagkakataon kasing nagiging agressive siya. Ewan ko, kailan lang din na parang nagiging iba ang mga pakitungo niya sa'kin. Iniiwasan ko na siya ngayon.
"Anong oras mo planong ubusin ang kinakain mo? Bilisan mo diyan at 'wag mong sayangin."
"Carl, tingin mo? Kailan matatapos ang problema ko?"
"'Yung kinakain mo nga hindi mo pa matapos? Problema pa gusto mo? Walang taong, walang problema. Keri mo 'yan girl."
Napag-usapan namin kanina ang lahat ng hinanakit ko. Pakiramdam ko, anumang oras bibigay na ako. Gusto ko nang sumuko. Wala naman akong ibang hangad kundi gumaling ang kapatid ko. Dapat ako na lang e, ako na lang ang nagkasakit. Mariin akong napahilot sa noo, kasabay nang biglang pangingilid ng mga luha ko.
Matapos kay Isabel, ang kapatid ko naman ngayon... si Steven.
"Sab, magiging okay din lahat mabait ka naman malalampasan mo rin ito. Please... ngumiti ka na, nariyan naman si Isabel."
"Alam mo, isa rin 'yon sa iniisip ko. Maaring may pagkakataon na kunin sa'kin ang bata. Nararamdaman kong mangyayari ang mga gano'ng bagay."
"A-ano bang ibig mo sabihin? Bakit? May pumunta na ba sa bahay mo para kunin si Isabel?" Tuloy parin sa pagtatanong sa'kin si Carl.
Umiling ako. "Hindi naman sa gano'n, pero bigla akong nagkaroon ng mga expectations na maaring bawiin sa'kin ang bata. Hindi naman ako magiging madamot e, kung... kung sakaling kuhanin si Isabel."
Mabilis akong tumayo pagkaraan ko iyon masabi. Inaya ko narin umuwi si Carl tsaka kami lumabas sa kinainan naming fastfood. Masyado nga bang nadadala ako sa mga bigat ng pagsubok? Bagay na kung anu-ano narin ang naiisip ko. Alam kong matatapos din ito pero sana makayanan ko rin kung mawala sa buhay ko ang bata.
Matapos ang ilang oras naming biyahe, narating narin namin ang apartment ko. Pasado alas-diyes narin nang sumulyap ako sa wall clock. Hanggang ngayon, wala parin tigil si Carl sa mga kwento niya. Mula sa jeep ang ingay-ingay niya at aminado akong wala ang atensyon ko sa mga sinasabi niya.
Hindi nagtagal, nagpasya narin siyang umuwi. Sinamahan ko siya hanggang makalabas kami ng gate. Tipid akong ngumiti at sinadya kong mag-wave sa kanya habang unti-unti narin siyang naglalaho sa paningin ko. Nanatili ako ng ilang minuto sa labas bago ako magpasyang pumasok ulit sa bahay.
Pero...
Hindi ko pa man nasimulan humakbang, nabigla ako sa pagsulpot ng isang lalaki sa harapan ng gate. Lumunok ako. Pakiramdam ko, agad akong nanlamig. Pilit ko siyang inaaninag, kahit ang mukha niya. Ngunit, sadyang madilim ang awra niya dahil sa suot niyang cap sa ulo. Maaring sa suot niyang damit ngayon, mapagkakamalan ko talaga siyang masamang tao. Isama pa ang hawak niyang yosi, bagay na lalong nagpakaba ng dibdib ko.
Marahan akong humakbang upang makalusot sa lalaking nasa harap ko ngayon. Pero sadyang ako talaga ang pakay niya. Napaawang ang labi ko nang iharang niya ang kanan niyang braso sa daraanan ko. Natulala ako sa naging reaksyon. Kahit anong pilit kong tingnan ang mukha niya, hindi ko parin siya makilala. Maliban sa pabangong gamit niya.
Pamilyar iyon sa'kin at alam kong hindi si John ang lalaking ito.
Masyadong mabilis ang sumunod na pangyayari dahil sa halip na umiwas siya sa'kin, nagawa niyang kaladkarin ako papasok ng gate. Medyo masakit ang pagkakahawak niya sa braso ko. "Bitiwan mo ako!" Sigaw ko sa kanya. Pilit akong pumapalag pero sadyang malakas siya. "Ano ba? G*go ka! Kung sino ka man, isusumbong kita sa pulis! Irereklamo kita ng sexual harassment!" Patuloy kong sigaw sa kanya.