Sandali akong natulala nang makilala ko siya. Kung tutuusin, marami ang naging pagbabago sa kanya. Maging sa pananamit at hitsura, hindi ko aakalain na siya rin ang nakilala ko noong una. Sadyang nagbago narin ito maging sa gupit ng kanyang buhok, kadenang tattoo sa braso at piercing sa kaliwang tainga. Kunot-noo ko siyang pinagmasdan habang diretso ang tingin niya sa'kin.
"Bigyan mo ako ng pagkakataong makausap ka Sabrina." Natauhan ako sa lamig ng boses niya. "Please."
"Wala na tayong dapat pag-usapan John, ako narin nakikiusap. Lubayan mo na ako."
"Sab, kahit ngayon lang. Hindi ako matahimik. Ayokong manahimik na lang matapos ang lahat."
"Lahat? A-ano bang sinasabi mo? Hindi kita maintindihan. Kung... kung gagawa ka dito ng gulo, please... 'wag mong ituloy."
"Hindi gulo ang pinunta ko dito. Hindi away ang sinadya ko, kundi ikaw."
Mula sa pagkakaluhod niya sa harapan ko, hindi ko siya matiis at nagawa ko siyang kausapin tulad ng gusto niyang mangyari. Pakiramdam ko, may nag-uunahang kabayo sa dibdib ko dahil sa lakas ng kabog nito. Lumingon ako sa paligid at siniguro kong walang ibang taong nakamasid sa'min.
Pinatuloy ko si John sa loob ng bahay. Gustuhin ko man sa garden kami mag-usap pero maulan at unti-unti iyong lumalakas. Basang-basa ang hitsura niya, maging ang suot niyang puting t-shirt at maong pants. Binigyan ko siya ng malinis ng tuwalya at extrang damit. Naupo ako sa bakanteng sofa at gano'n din si John. Magkaharap lang kami.
Matagal kaming natahimik sa isa't-isa. Sandali ko siyang sinusulyapan pero nanatili siyang nakayuko at mukhang balisa. Naawa ako para sa kanya. Pakiramdam ko, ako ang dahilan ng mga pagbabago sa kanya. Sa akin ang sisi ng buong kalooban niya at hindi ko siya napagbigyan kahit minsan. Umiwas ako nang tingin nang mag-angat siya ng mukha. Ayokong simulan e, hindi ko naman alam ang pag-uusapan namin kung tungkol saan.
"Sabrina, nagsadya ako dito para humingi sa'yo ng tawad. Sorry sa mga nagawa ko sa'yo. Sa inyong dalawa ni Darius. Guilty ako sa nagawa ko. Kung...naaalala mo pa 'yung nangyari no'ng dinala kita sa bahay ko. Noong...pilitin kitang--"
"John, ayoko ng maalala 'yon, matagal na 'yon diba? Napag-usapan na natin ang lahat. Sobrang tagal na narin ang lumipas, kahit sumama ang loob ko sa ginawa mo...pinatawad narin kita."
"Maling-mali ako. Pakiramdam ko, umuukit ang lahat sa'kin maging sa kunsensya ko. Alam ko, wala talaga akong lugar sa puso mo Sabrina at mas minahal si Darius unti-unti ko narin tinanggap. Mas... mas maluwag ngayon sa'kin dahil malapit na kayong magkaroon ng anak."
Natigilan ako sa huling sinabi niya sa'kin. Hindi ko alam kung ano pang maari kong maging sagot kay John. Nararamdaman ko naman ang mga sinabi niya, kung gaano siya katotoo sa bawat paghingi niya sa'kin ng tawad. Patuloy lang din siya sa pagsasalita, tahimik lang ako sa pakikinig. Ang totoo'y ngayon lang din kami nagkausap ng ganitong kaseryoso.
Tingin ko, sadyang nagsisisi narin siya. Hindi naman ako gano'n kamanhid para hindi siya patawarin. Alam ko ang lahat ng sinasabi niya, noong gawan niya ako ng kahalayan pero natigil siya at natauhan. Lumunok ako nang biglang magbalik ang lahat sa alaala ko. Parang binuhusan ako ng malamig na tubig at nanlamig ang mga kamay ko. Matagal na 'yon, halos ilang buwan narin ang lumipas.
"Sabrina, pwedeng magtanong?" Natinag ako nang maiba ulit ang tono ng salita niya. "...ilan months ka nang buntis?"
"Five." Tipid kong sagot. Narinig ko siyang natawa nang mahina.
"Ang swerte talaga ni Darius, hindi ko akalain muli siyang magkakaanak."
"John, wala na siguro tayong pag-uusapan. P-pwede ka nang umuwi, baka bumalik dito si Darius o'di naman kaya magpunta dito si Mrs. Ingrid, pag-iisipan nila ako ng hindi maganda."
![](https://img.wattpad.com/cover/19204541-288-k883528.jpg)