"Hon, 'yung phone nakita mo kung nasaan?" Tanong ko kay Darius habang kinakalkal ang loob ng drawer. Tsk, bigla akong kinabahan e. Wala akong idea kung saan ko naiwan. Hinanap ko narin 'yon sa ilalim ng kama, wala rin. Nakakairita, saan naman kaya 'yon?
Lumapit ako sa pwesto niya habang abala siyang magbihis. Kinapa ko ang suot niyang slacks at itim na coat. Kinapkapan ko siya, isip ko baka pinagti-tripan niya ako at tinago sa bulsa niya. Narinig ko siyang natawa ng mahina pero hindi ko pinansin, seryoso ako sa ginagawa ko.
"Hon, ano bang ginagawa mo? Wala naman sa'kin."
"Ikaw pa? Dati nga pinag-tripan mo ako diba?" Tuloy parin ako sa ginagawa ko hanggang sa nawalan na ako ng pag-asa.
"Sabi ko naman sa'yo, wala sa'kin. Ano bang meron sa phone mo? Maybe, na-misplace mo, isipin mo kung saan mo huling nailagay."
"Dito nga e, dito!" Inis kong tinapik ang side table, naupo ako sa gilid ng kama at mariin napasuklay.
Iniisip ko baka mabasa niya 'yung usapan naming dalawa ni John, tungkol sa set-up na gagawin naming dalawa ni Beatrice. Kinakabahan na ako e, hindi ko naman kasi na-delete lahat ng message. Ang masaklap, hindi alam ni Darius ang lahat. Ayokong ipaalam e, alam kong hindi siya papayag lalong hindi niya ito magugustuhan.
Pinagmasdan ko si Darius habang abala siya sa pagkontak ng phone. Naisip niyang tawagan ang phone ko para malaman kung nasaan. Good thing, dahil hindi 'yon naka-silent. Kinalma ko ang sarili ko, ilang minuto lang at nag-ring iyon. Laking tuwa ko naman at nahanap ko, nasa ilalim ng mga report papers niya sa study table. Bakit naroon?
Agad kong binuksan ang screen, binasa ko isa-isa ang mahigit ten unread messages. Mula kay John at Beatrice. Seryoso lang ako sa pagbabasa. Iniintindi ko kung paanong set-up ang gagawin. Pakiramdam ko, nangangatog ang mga kamay ko sa tensyon. Wala naman akong nagawa e, gusto ko lang din makatulong. Ang hirap ng ganito, kung bakit naman kasi ako pa ang kailangang gumawa ng paraan?
"Hon, sinong ka-text mo?" Natauhan ako nang marinig ko ang boses ni Darius. Nasa likuran ko siya at mabilis na yumakap sa'kin.
"Uhm, wala."
"Pwede ba 'yun, wala? Pero, seryosong-seryoso ka diyan."
"Wala ito Darius, s-sige na. Papasok ka pa diba? Late ka na."
Agad kong inalis ang mga braso ni Darius mula sa pagkakayapos sa'kin. Lumakad ako palapit sa kama para kunin ang mga gamit niya. Hindi ko gustong sagutin ang tanong niya. Ngumiti ako sa kanya na parang walang nangyari. Ayokong mahalata niyang may nililihim na naman ako. Pero ano nga bang gagawin ko sa oras na malaman niya ang tungkol dito?
Hindi narin siya umimik at pakiramdam ko wala rin siyang panahon para alamin ang tungkol sa pagiging busy ko sa text. Sinamahan ko na siyang mag-almusal at ihatid palabas ng gate. Hinintay kong maglaho sa paningin ko ang kotse bago pumasok sa loob ng bahay. Naupo ako sa sofa habang patuloy kami sa pag-uusap ni John thru text.
From: John
Sige, magkita tayo.
From: Beatrice
Nag-reply na ba? Anong sabi niya? Please... Sabrina, tulungan mo akong maayos ulit ang lahat sa'min.
Sumandal ako at napasapo sa noo. Wala akong maisagot, tingin ko umaasa sa'kin si John at ang akala niya, ako ang may gustong makita siya. Sana, walang mangyaring hindi maganda. Sana kahit hindi gano'n ka-perfect ang pagkikita ni Beatrice at John, matauhan naman sila pareho. Sa ginagawa nila, bata ang mahihirapan sa huli.
Ano ba naman kasi itong pinasok ko? Problema ng iba, problema ko narin ngayon. Hindi pa man ako nagtatagal mula sa pagkakaupo, narinig ko ang sunud-sunod na tunog ng door-bell. Nangunot-noo ako at biglang kinabahan. Sandali akong sumilip sa bintana para alamin ang tao sa labas. Laking gulat ko at si Beatrice ang natatanaw ko mula sa gate.