Kabanata 15

180K 4.4K 551
                                        

Kabanata 15
Cassiopeia Mikael's Point of View

​Ilang araw na rin ang mabilis na lumipas mula noong magulo at nakatutunaw-pusong bakasyon namin sa Boracay. Ilang araw na rin akong pabalik-balik sa unibersidad na parang isang multo—buhay ngunit walang kaluluwa. At sa loob ng mga araw na 'yon, ginawa kong isang sining ang pag-iwas kay Christopher. Sa tuwing makikita ko ang dulo ng kaniyang anino sa dulo ng hallway, mabilis akong lumiliko sa ibang daan. Sinasadya ko. Nilalayuan ko siya dahil alam kong sa oras na magtagpo ang mga mata namin, ang tungkol sa pirma sa annulment papers ang kaniyang hihingin.

​Selfish na kung selfish sa paningin ng iba, pero kahit anong mangyari, ayokong makipaghiwalay sa kaniya. Kahit na iniwan niya sa ibabaw ng kama ko ang malamig na brown envelope na naglalaman ng kalayaan niya, wala akong balak pirmahan 'yon. Hinding-hindi ko siya ibibigay nang ganoon kadali kay Foina.

​"Bakla, pakiusap naman, kumain ka naman kahit konti," puno ng pag-aalalang sabi ni Desiree habang itinutulak sa harap ko ang isang plato ng paborito kong carbonara rito sa canteen ng unibersidad. "Ilang araw ka nang ganiyan, eh. Pinapahirapan mo lang ang sarili mo."

​"Wala talaga akong ganang kumain, bakla. Kayo na lang," nakahalumbabang sagot ko sa kaniya habang nakatitig sa kawalan. Hawak ko ang tinidor pero wala akong lakas para itusok ito sa pagkain. Ang panlasa ko ay kasing-pait na ng kapalaran ko.

​"Mikael, huwag mo kasing masyadong seryosohin ang buhay. Gusto mo bang maging buhay na kalansay 'yang katawan mo? Ang payat-payat mo na nga bago tayo mag-Boracay, ngayon mukha ka nang liliparin ng hangin sa hindi mo pagkain," si Gabriel naman ang nagsalita mula sa tabi ko. Kinuha niya ang baso ng juice at inilagay sa tapat ng kamay ko.

​"Gab naman, eh," nginusuan ko siya nang bahagya, pilit na naghahanap ng lakas para sumagot. "Hindi ako makaka-appreciate ng mga joke mo ngayon. Sobrang bigat ng pakiramdam ko."

​"Paparating si Christopher! Omg, ang gwapo niya talaga ngayon!" biglang sigaw ng isang grupo ng mga babae mula sa bungad ng canteen.

​Narinig ko pa ang malalakas na impit na tili ng mga estudyante. Halos magwala at mayanig ang buong sistema ko sa narinig ko. Kusang bumilis ang tibok ng puso ko sa takot at kaba. Hindi niya ako pwedeng makita rito. Hindi pa ako handang harapin ang lamig ng kaniyang mga mata.

​"Guys, I need to go. May . . . may kukunin lang ako sa locker," dali-daling paalam ko kina Desiree, halos mabulol pa ako sa pagmamadali.

​Agad akong tumayo, muntik pang maitumba ang silya, at mabilis na lumabas sa kabilang pintuan ng canteen na patungo sa likod ng building. Mahirap ang magtago sa sarili mong asawa, nakatutuyo ng utak, nakaka-stress! Sabihin na nating kaduwagan ang tumakas sa problema, na wala akong mukhang maiharap, pero ayoko talagang mahiwalay sa kaniya. Gagawin ko ang lahat, kahit ang magpakarunong sa pagtatago.

​Dumiretso na lang ako sa silid-aralan namin at doon naupo sa sulok, hinintay ang pagbabalik ni Desiree. Nakasubsob ang mukha ko sa mesa nang maramdaman kong may umupo sa bakanteng upuan sa tabi ko. Lumapit sa akin si Alexis.

​"Huy, okay ka lang ba talaga, Mikael? Ang laki at ang itim ng eyebags mo, ah. Mukha kang hindi natulog ng isang linggo," usisa ni Lex habang sinusundot ng dulo ng kaniyang ballpen ang braso ko.

​"Oo, okay lang ako. Ang hirap kasi ng buhay ko ngayon, Lex. Ang hirap maging sikat na artista, tuwing madaling araw ang taping namin kaya puyat ako," biro ko sa kaniya, pilit na pinatataas ang tono ng boses ko para magtunog normal.

Marrying Mr. Popular (PUBLISHED under LIFEBOOKS) Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon