Kabanata 23
Cassiopeia Mikael's Point of View
Hindi ako kaagad na umuwi kahit alam kong tapos na ang lahat ng klase namin sa hapon. Pakiramdam ko kasi ay sasabog ang utak ko kung makikipagsabayan ako sa ingay at dagsa ng mga estudyanteng pauwi. At isa pa, ayaw kong may makapansin sa hitsura ko ngayon na halatang may pinagdaraanan. Kaya bago pa man ako mapilit ni Desiree na sumabay sa kaniya pauwi, nagpaalam na ako at muling umakyat dito sa rooftop ng school para mapag-isa at makapag-isip-isip.
Hindi ko namamalayan ang mabilis na takbo ng oras habang nakatitig sa unti-unting pagdilim ng kalangitan at sa pagsindi ng mga ilaw sa kalsada. Inabot na ako ng alas-nuebe ng gabi rito sa taas. Ewan ko ba, pero parang ayaw nang kumilos ng buong katawan ko sa tindi ng pagod at bigat ng nararamdaman ko. Pati ang pag-aaral ko ay naaapektuhan na ng mga nangyayari sa buhay ko. Lutang ang isip ko, masakit ang puso ko, at parang dahan-dahang nauubos ang lakas ko sa bawat minutong lumilipas.
Nang dahan-dahan kong kunin ang cellphone ko mula sa bulsa, nakita kong maraming unread messages doon. Binuksan ko ang mga ito nang paisa-isa. Halos lahat ay galing kay Desiree na tiyak na nag-aalala dahil bigla akong nawala pagkatapos ng dismissal.
Ngunit bukod sa kaniya, may isang mensahe pang nakuha ang pansin ko. Galing iyon kay Gabriel.
Gabriel Concepcion
Hey, nabalitaan ko ang nangyari. Patawad kung wala ako riyan ngayon para damayan at alalayan ka. Magpakatatag ka, Mikael. Alam kong kaya mo iyan. Manatili kang positibo. Namimiss na kita.
Bahagyang lumambot ang ekspresyon ko bago ako nag-type ng reply sa kaniya.
Reply:
Ang daya mo talaga. Ngayon pa naman kita kailangan, tapos wala ka rito. Mag-iingat ka riyan, okay? Kaya ko ito, magtiwala ka sa akin.
– Sent
Pagkatapos maipadala ang mensahe kay Gabriel, tinignan ko ang dalawa pang natitirang text na magkasunod na ipinadala ng pinsan ni Christopher na si Jasmin.
Jasmin Andrada
Unnie, nasaan ka na ba? Kanina pa nandito si Oppa sa bahay.
Jasmin Andrada
Unnie, umuwi ka na, please.
Huminga ako nang malalim. Kailangan ko na nga yatang umuwi para kunin ang mga gamit ko. Kung magtatagal pa ako rito, baka tuluyan na akong masaraduhan ng gate ng school at maabutan ng dilim sa daan.
Bumaba ako mula sa rooftop at mabibigat ang hakbang na naglakad palabas ng campus. Bakas ang gulat sa mukha ng guwardiya nang makita kung anong oras na ako lumabas. Tinanong niya pa ako kung bakit ganoon ang hitsura ko at kung bakit namamaga ang mga mata ko, pero hindi na ako nakasagot. Pagod na pagod na ako—sa pisikal at emosyonal na aspekto ng buhay ko.
Pagkarating ko sa bahay nina Christopher, nadatnan ko silang tatlo nina Nanay Rosie, Jasmin, at Christopher na tahimik na nagtutumpukan sa sala. Sabay na napatayo si Nanay at si Jasmin nang marinig ang pagbukas ng pinto at makita ang ayos ko.
"Diyos ko, Unnie! Ano ang nangyari sa iyo? Bakit namamaga ang mga mata mo? May nagpaiyak ba sa iyo? Sino? Sabihin mo po sa akin!" sunod-sunod na tanong ni Jasmin. Agad siyang lumapit sa akin habang bakas ang matinding pag-aalala sa kaniyang mukha.
"May . . . ano kasi . . . " Napatigil ako, mabilis na nag-iisip ng idadahilan para hindi nila malaman ang totoong nangyari. "May role playing kasi kaming ginagawa para sa subject na Humanities namin kaya ganito ang mukha ko. Pinilit kasi akong maging emosyonal at paiyakin para sa eksena. Ganoon nga ang nangyari, nag-rehearsal kami."
Pakiramdam ko ay iyon na ang pinakamababang uri ng palusot na nagawa ko sa buong buhay ko, pero wala na akong ibang maisip sa mga sandaling iyon.
"Bakit ngayon ka lang, hija?" nag-aalalang tanong ni Nanay Rosie habang nakahawak sa kaniyang dibdib. "Grabe naman ang gawaing iyan, anong oras na kayo pinapauwi ng guro ninyo."
BINABASA MO ANG
Marrying Mr. Popular (PUBLISHED under LIFEBOOKS)
Storie d'AmoreHe's handsome, freakin' hot, snob, cold, campus hearthrob, model, popular. Sinong babae ang hindi magkakagusto sa kanya kahit sa unang tingin? Sinong babae ang hindi sya papangarapin? He always make fun of me. He doesn't want to know others that he...
