Kabanata 26

186K 4.3K 371
                                        

Kabanata 26
Cassiopeia Mikael's Point of View

​Kagaya nga ng naisipan ko kaninang umaga, nagpunta ako sa malaking mall na ilang kanto lang ang layo mula sa inuupahan kong apartment. Sa bawat hakbang ko sa gitna ng naglalakihang mga tindahan at sa panonood sa mga taong abala sa kani-kanilang buhay, may isang bagay na unti-unting rumehistro sa isip ko: hindi naman pala ganoon kalungkot ang maging mag-isa.

​Naisip ko na habang nililibang natin ang ating mga sarili, at hangga’t pilit nating isinasara ang ating puso sa anomang multo ng kalungkutan, kaya pala nating lumikha ng sarili nating saya. Kaya ko palang humakbang nang hindi nakakapit sa braso ng iba.

​Pero, kanina pa ako palakad-lakad dito, pabalik-balik sa mga pasilyo, pero wala pa rin akong nabibili. Napatingin ako sa repleksyon ko sa salamin ng isang botika at napanguso. Ano kaya kung pumunta ako ng salon? Bigla kong naramdaman ang matinding kagustuhan na magkaroon ng bagong mukha. Isang imahe na malayo sa kasalukuyan kong hitsura na kung titignan mo ay akala mo binyuda na pinagsakluban ng langit at lupa dahil sa tamlay ng aking mukha.

​Dali-dali akong naghanap ng salon sa ikatlong palapag ng mall. Ngunit nang makarating ako sa harap ng isang sikat na parlor, halos panghinaan ako ng loob. Sumalubong sa akin ang napakaraming kostumer na nakaupo sa mga swivel chair, habang ang iba naman ay nakapila sa waiting area.

Nasa moving-on process din kaya ang mga ito kagaya ko? tanong ko sa sarili ko habang pinagmamasdan ang mga babaeng naroon. Mukha naman kasing maaaliwalas ang kanilang mga mukha at tila walang dinadalang mabigat sa dibdib. Pilyo akong napangiti sa pumasok na isip. Dapat talaga, inuuna sa pila ang mga may pinagdadaanan sa buhay para naman mabawasan ang dusa, choz.

​Ngunit wala akong magagawa kundi ang magbuntong-hininga. Kailangan mong maghintay, Cassiopeia Mikael. Hayaan mo na, sanay ka naman sa pag-aabang at sa pagiging panghuli.

​Pumasok pa rin ako sa loob, hinarap ang malamig na aircon ng salon, at naupo sa isang bakanteng upuan sa sulok. Makalipas ang mahigit isang oras na paghihintay habang pinapanood ang paggupit at pagpapatuyo ng mga buhok sa paligid, sa wakas ay may nabakante ring parlorista.

​Oki, it's my turn.

​"Ano pong gagawin natin sa buhok mo, Ma'am?" malambing na tanong ng hairstylist na bakla sa akin.

​Napalaki ang mga mata ko at bahagyang natulala sa kaniya. Grabe, kung titignan mo ang kumakausap sa akin, hindi mo siya mapagkakamalang bakla dahil sa ganda ng kaniyang tindig at tikas ng kaniyang katawan. Ang masakit pa, mas makinis at mas pambabae pa ang tindig niya kaysa sa akin. Naramdaman ko ang kaunting inggit sa dibdib ko.

​Kinuha ko ang makapal na magazine na ibinigay nila sa akin kanina para pagkopyahan ng estilo ng buhok. Isa-isa kong binaligtad ang mga pahina, sinusuri ang bawat gupit ng mga modelo hanggang sa mapadpad ang tingin ko sa isang pahina na agad nakapukaw ng puso ko.

​"Gusto ko ang buhok na ito," wika ko sabay turo sa larawan ng isang babaeng hanggang ibabaw ng balikat ang gupit, may banayad na bagsak at mukhang napaka-presko. "Ipaparebond ko siya tapos pakukulayan ng brown."

​"Okay, Ma'am. Because I am your fairy hairstylist, just sit here and I will do the magic," nakangiting sagot niya, sabay kindat sa akin bago kumuha ng malaking puting kapa para isuot sa akin.

​Nagsimula na siyang kalikutin ang buhok ko. Hinawakan niya ang bawat hibla niyon na tila sinusuri ang naging dusa ko sa nakalipas na mga buwan. Upang hindi ako mainip sa mahabang proseso, binigyan niya ako ng ilang showbiz magazine na pwedeng basahin.

​Pagkalipas ng mahigit anim na oras ng pagbabad ng gamot, pagpaplantsa, at pagbabanlaw—na sa totoo lang ay medyo amoy mapanghi infairness dahil sa tindi ng kemikal—ay natapos na rin kami sa wakas.

Marrying Mr. Popular (PUBLISHED under LIFEBOOKS) Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon