Hindi Pinahintulutan (part 2)

26 4 0
                                    

June na naman. Pasukan, tag-ulan na naman. Uwian na kaso stranded kami sa school dahil sa lakas ng ulan. Nang medyo mahina na ang ulan inalok ko na ang kaibigan ko kung uuwi na kami.

"Mauna ka na, susunduin daw kami ni tito kaso baka mamaya pa. Baka hinahanap ka na sa inyo magdidilim na."

Dahil sa sinabi niya ay sumakay na ako sa tricycle, sa likod. Medyo nakalayo na kami nang biglang lumakas na naman ang ulan.

At sa isang iglap..

Naramdaman ko na lang ang sarili ko na nasa ere..

Wala na ako sa tricycle..

Ang tricycle na kanina lamang ay sakay ako, nakikita ko na ngayon na unti-unti nang lumalayo.

Nang bumagsak ako sa kalsada biglang nagpanting ang tainga ko. Wala akong ibang marinig maliban sa straight na tunog ng parang tunog tulad ng makina sa hospital kapag namatay na ang pasyente.

Dumausdos ang katawan ko sa kalsada kaya paniguradong nagasgas ang likod ko.

Nang tumigil ang pagdausdos ko ay ilang segundo pa akong natulala at hindi alam ang gagawin.

Nang matauhan ay agad akong tumayo. Tinanaw ang tricycle na kanina lamang ay nakasakay ako. Nang napansin niyang wala ako sa likod niya ay lumingon siya sa akin at ako'y binalikan. Sa loob na niya ako pinaupo.

Saktong nasa loob ang dalawa kong kaklase kaya medyo nailang ako.

"Ayos ka lang? Huy Hazel." tanong ng isa sa kanila.

"Ayos lang ako." sabay ngiti sa kanilang dalawa.

"Wala ka namang sugat?" tanong ng isa pa.

Umiling na lang ako.

Sa totoo lang wala naman akong masyadong nararamdamang masakit. Pakiramdam ko lang may dugo sa bandang likod ng ulo ko pero sa tingin ko tubig ulan lang yon. Malaking tulong din na nakajacket ako ngayon kaya kung may sugat man ako ay hindi makikita.

Tanging panghihina ng buong katawan marahil na rin siguro sa nangyari kanina at isang parang glitch line sa paningin ko. Kahit saan ako tumingin may nakikita akong isang malabong linya.

Bumaba ako sa tricycle na basa kaya habang naglalakad papunta sa bahay ay nag-iisip na ako kung anong idadahilan ko. Ayokong dumagdag pa sa problema nila mama.

"Lakas ng ulan walang panama payong ko." agad kong bungad kay mama.

Agad akong pumasok sa kwarto ko upang tignan kung gaano kalala ang mga natamo kong sugat.

At malaking pasasalamat ko sapagkat kaunti lamang ang galos ko sa bandang siko at sa likuran ko. Hindi rin malalim kaya mabilis lang hihilom. Tanging sakit ng ulo ko mula sa pagkakatama nito sa kalsada ang iniinda ko.

Nakahinga ako ng maluwag at saka ko na nilabas ang mga luhang hindi kumawala kanina.

--

Kinabukasan agad kong kinausap ang dalawang kaklase ko na nakaaalam ng nangyari sa akin. Ayokong may makaaalam nito lalo na ang mga magulang ko. Ayaw ko nang madagdag sa problema nila.

Pumayag naman sila kaya nakahinga ako ng maluwag. Ang iniinda ko lang ngayon ay ang masakit na leeg at likod ko pero hindi ko na inintindi pa.

Ngunit kinahapunan kinausap ako ng kaibigan ko dahil sinabi pala sa kanya ng dalawa kong kaklase ang nangyari sa akin. Nag-alala siya ng sobra dahil kung hindi niya daw ako pinauna ay baka hindi nangyari iyon na siyang itinanggi ko. Sinabi kong ayos lang ako at walang dapat ipag-alala.


One Shot Stories Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon