Naisipan kong dalawin si Ate sa 7/11 kung saan siya nagtatrabaho.Nagtago muna ako sa puno upang tignan kung makikita niya ba ako. Nang masiguro kong hindi ay tumuloy na ako subalit agad din akong napaatras nang makita ko ang dalawang lalaki na pilit kinukuha ang bag ng isang babae. Nang hindi niya ito ibinigay ay sinaksak siya dahilan upang bumagsak siya at tuluyan nang tumakbo paalis ang dalawang lalaki dala ang bag niya.
Pagtingin ko kay Ate palapit na siya sa babaeng nasaksak. Hindi ako nakagalaw sa pwesto ko dahil sa nakita ko.
Napagdesisyunan kong umuwi nalang.
"Sigurado akong nakita tayo ng bantay sa 7/11 kanina. Patahimikin natin para walang sabit."
Sa narinig ko mula sa dalawang lalaki na nakasabay kong maglakad ay awtomatikong napahinto ang dalawa kong paa at nagsimulang lumamig ang katawan.
Hindi ako pwedeng magkamali, si Ate ang tinutukoy nila.
Agad akong umuwi upang sabihin kay mama ang nalaman ko. Pag-uwi ni Ate hindi siya naniwala sa akin at pumasok pa rin kinabukasan.
Wala kaming nagawa nila mama kundi sunduin siya kinabukasan. Lumabas si Ate para puntahan kami.
"Ma, ayos lang ako. Baka nagkamali lang ng dinig si Stacy." aktong babalik na siya nang makita ko ang dalawang lalaki na palapit sa amin.
"Takbo." nasabi ko nalang at agad na sumunod sila Mama at ang mga kapatid ko.
May dalawang way kaya humiwalay ako baka sakaling sa akin sila humabol pero isa lang ang sumunod sa akin.
Magsisingungaling ako kung sasabihing kong hindi ako napapagod. Ilang minuto na akong tumatakbo at sa bawat lingon ko sa likod ay nandoon pa rin siya.
Lumiko ako pero may aso dahilan upang bumalik ako at maabutan niya ako. Hinampas ko siya kaya napaupo siya at kinuha ko ang pagkakataong ito upang tumakas.
Napahinto ako nang ang natitirang daanan ay may mga kabataang tambay sa gilid. Nagtago ako sa gilid ng isang ginagawang bahay.
Baka kakilala sila ng humahabol sa amin.
Nakahanap ako ng hagdanan at dito dumaan.
Medyo nakalayo na ako nang mapansin kong may humahabol sa akin at hindi nga ako nagkamali nang lumingon ako. Nasa likod ko na naman siya na nagpakabog ng sobra sa dibdib ko dahil sa takot.
Mas binilisan ko ang pagtakbo ko at ilang beses lumiko upang malito siya. Di kalaunan ay nawala siya.
Hihinto palang ako nang may makabunggo ako.
"Ma?" agad kong niyakap si Mama at ang mga kapatid ko. Pero parang may kulang.
"Nasaan si Ate?"
"Humiwalay siya para siya ang habulin." naiiyak na sagot ni Mama.
"Ma, may police station sa tawid doon nalang kayo hahanapin ko si Ate." tumango si Mama.
Habang patagal nang patagal ang pagtakbo ko na hindi ko siya nakikita ay mas binabalot ako ng kaba. Alam kong hindi ko dapat isipin ito pero gumagawa na ng conclusions ang utak ko.
Pagliko ko sa isang eskinita sa wakas nakita ko rin si Ate..
Ang walang buhay na katawan ng Ate ko habang nakahandusay sa sahig.
Sa bawat hakbang ko kasabay nito ang pagtulo ng mga luha ko.
Nang hawakan ko ang kamay niya hindi pa ito malamig. Napansin ko rin ang maraming dugo na nagmumula sa tagiliran niya. Ilang beses kong inulit na tignan kung humingiha pa siya, kung may pulso pa siya pero wala talaga. Iniwan na niya kami.