"Yes! Sana laging ganito para enjoy!"
"Buti naman naisipan nilang isuspend ang klase. Grabe napaka boring kanina."
"Pinauwi tayo kasi malakas daw ang ulan eh napakataas naman ng araw. Ang init init pa."
"Lumakas pa sana ang signal ng bagyo at tumagal ng ilang araw para walang pasok."
Hindi ko maintindihan ang mga estudyanteng nakakasabay ko sa daan.
Bakit gusto nila ang nangyayari ngayon. Signal number 2 ang naitala ng PAGASA sa lugar namin kaya agad kaming pinauwi ng mga guro.
Gustong-gusto naman ito ng mga estudyante, mas gusto pa nilang tumaas ang signal ng bagyo.
Nag-iisip ba sila? Kung lalakas pa ang bagyo, darami din ang posibleng malalang maapektohan nito.
Maraming mga pamilya ang hindi katibayan ang structure ng bahay at ang iba ay talagang walang tahanan. Naiisip ba nila kung anong maaaring mangyari sa kanila?
Sarili lamang nila ang kanilang iniisip. Nakakasuka.
Kaysa makinig sa mga walang kwenta nilang pinagsasabi, minabuti ko na lamang na isalpak ang earphones ko at makinig ng updates about sa bagyo.
"Marami na ang naaalarma sa bagong bigay na impormasyon ng PAGASA tungkol sa bagyong Eni."
"Ipinaaalam namin sa inyong lahat na natuklasan ng PAGASA na ang bagyong Eni, sa hindi maipaliwanag na dahilan ay biglang lumaki at ngayon ay sakop na nito ang buong Pilipinas. Ang mata ng bagyo ay nakasentro sa gitnang bahagi ng Pilipinas, ang Visayas. Ang pinakamataas na signal ng bagyo sa ngayon ay signal number 5. Pinapaalala namin sa lahat na huwag kakalimutang mag-ingat. Huwag nang lumabas ng inyong tahanan kung hindi naman kailangan. Patuloy na tumutok para sa karagdagang impormasyon tungkol sa bagyong--"
Kusang tumigil ang mga paa ko sa aking narinig at nagmistula akong estatwa sa gitna ng daanan. Imposible. Signal number 5? Sakop na nito ang buong Pilipinas? Ano na ang mangyayaring sa amin kung gayon?
Tinignan ko ang mga estudyanteng masayang-masaya habang naglalakasan pa ang mga tawanan. Alam na kaya nila ang tungkol sa bagyo? Magagawa pa kaya nilang tumawa kung malaman nila?
Ngunit biglang nabaling ang aking atensyon sa kalangitan. Ang kalangitang kanina'y asul, ngayo'y unti unting nagiging itim. Ang araw na kanina'y nakasisilaw sa liwanag ay biglang naging kulay dugo. Kasabay nito ang pagdilim ng buong paligid.
Lahat ng estudyante ay napatigil sa kanilang ginagawa at pinagmasdan ang nangyayaring pagbabago. Karamihan sa mga ito ay hindi maitagong nakararamdam na ng takot para sa kanilang sarili maging sa kanilang mga mahal sa buhay.
Natuon ang atensyon ko sa mga estudyanteng magkakasunod na humawak sa kanilang dibdib at halatang nahihirapang huminga. Ilan na sa mga ito ay natumba na at nawalan ng malay.
Maging ako ay unti-unti na ring kinakapos ng hininga.
Biglang bumuhos ang malakas na ulan kasabay ng pagdaing ng bawat isa sa kadahilanang napapaso kami sa tubig ulan. Tila ito'y mataas na kalidad na asido. Lahat kami'y nagmadaling humanap ng masisilungan upang hindi mabasa ng tubig ulan.
Pinagmasdan ko ang paligid, hindi lamang iyakan at bangayan ng mga tao ang aking napansin, laking gulat ko na sa bawat patak ng tubig ulan ay dala nito'y usok. Lahat ng matatamaan nito'y tila nalulusaw. Maski ang mga katawan ng mga nawalan ng malay kanina ay nalulusaw.
Nagsinghapan at nagsigawan naman ang karamihan nang maramdaman namin ang paggalaw ng lupa. Lumilindol ng napakalakas na wala ni isa ang kayang ipagpatuloy ang pagtindig.
Bumiyak ang ilang bahagi ng kalsada dahilan upang mahulog ang ilang estudyante patungo sa butas na walang nakaaalam kung saan patungo.
Ibinalik ko ang earphone sa aking mga tainga upang makakalap ng impormasyon tungkol sa nangyayari ngayon.
Mas lalo lamang gustong bumagsak ng aking mga tuhod sa mga narinig ko.
"Lindol..."
"Tsunami..."
"Volcanic Eruption..."
"Landslides..."
Idagdag pa ang mga nangyayari ngayon sa mundo.
Pagkasunog ng Amazon Forest..
Pagkatunaw ng mga yelo sa polar regions..
Pagkulo ng mga dagat..
Ngunit mas tumindig ang aking mga balahibo nang may narinig akong nagsalita mula sa aking likuran.
Nang lingunin ko ito ay agad akong nakaramdam ng init na tila sinusunog ako nang makita ko ang isang babae na nakasuot ng school uniform na tulad namin. Nagbabaga sa galit ang kanyang mga mata at tila anumang oras ay handa siyang manakit.
"Masyado niyo siyang sinaktan. Kayo'y sumobra sa pag-aabuso sa kanya. Lahat kanyang ipinagkaloob sa inyong mga tao ngunit anong iginanti niyo sa kanya? Wala kayong ginawa kung hindi siya'y saktan. Hindi niyo ba naririnig ang kanyang hinagpis? Sobra na ang nawala sa kanya. Awang awa na ako sa aking ina ngunit kayo! Kahit minsan ba mayroon kayong ginawa upang pasayahin siya?"
"Ngayon nararapat lamang sa inyo ang paghihiganti ng aking ina. Nararapat lamang sa inyong mga tao na maranasan kung ano ang naranasan niya!"
Akmang tatanungin ko na siya tungkol sa kanyang mga sinabi ngunit biglang bumuka ang lupang aming kinatatayuan at tuluyan kaming nilamon nito.
"Hoy! You're day dreaming again."
Sita sakin ng katabi ko.
Sobrang bilis ng tibok ng puso ko at pawis na pawis ako.
Nilingon ko ang paligid, nasa classroom ako kasama ang mga kaklase ko at ang gurong nagtuturo sa harapan.
Hindi totoo ang mga yon? Walang bagyo? Walang sakuna?
Nakahinga ako ng maluwag sa aking nalaman. Buti na lamang at hindi totoo ang mga yon.
"Umayos ka na. May transferee daw." tumango na lamang ako sa kanya.
Mula sa pintuan, pumasok ang isang babae.
Ang transferee, pamilyar siya.
Bigla akong kinabahan nang mapagtanto ko kung saan ko siya nakita.
"Earthly Thake Vhenias, hope to have an enough time with you guys."
Sa kabila ng napakaganda niyang ngiti sa amin, hindi maganda ang nararamdaman ko. Siya ang babae kanina na nagsalita sa panaginip ko na gusto kong tanungin ngunit hindi ko nagawa dahil nilamon kami ng lupa.
Nagsalita ang teacher namin na siyang dahilan ng sobrang kaba ko.
"Class, suspended ang klase. Signal 2 tayo."
Nadako ang atensyon ko kay Earthly at kinilabutan nang marinig ang mga katagang,
"Good luck, humans."