Isang lalaking patuloy sa pagtalon at paglipat sa malalaking bato habang di maalis ang ngiti sa labi at ang kamay na hindi napapagod na sa akin ay kumaway.Tanghaling mainit dahil sa tirik na araw sa itaas na unti unti nang binabalot ng dilim dahil sa buwang pilit itong niyayakap.
Aking mga labing malapit nang mapunit sa sobrang ngiti at mga matang di maalis sa lalaking nakatingin sa akin na di matigil sa pagtalon. Inilagay ang kanang palad sa dibdib at pinakiramdaman ang pusong di maawat at nais nang tumalon.
Huminto ang lalaki sa pagtalon, mabagal na naglakad patungo sa aking direksyon. Nang siya'y nakarating sa aking harapan kanyang hinawakan ang aking mga kamay.
Aking mga luha'y di napigilang bumagsak. "I-ikay tunay."
Tumango ito. "Ako'y nangako sa iyo Loisa. Mahirap man ngunit kakayanin ko. Kahit silang lahat ay tutol lalaban ako." hindi ko napigilang yakapin siya. Yakapin sa totoong unang pagkakataon, na hindi sa panaginip.
Bumangon ako kasabay ng pagtatapos ng panaginip ko na may luhang namumuo sa aking mga mata.
Nitong mga nakaraan lagi kong napapanaginipan ang lalaking iyon. At ang weird dahil ang mga suot ko ay damit pa noon. At isa pang weird parang totoo ang mga 'yon na nangyari talaga.
Nagsimula kong mapanaginipan ang lalaking iyon when I was 16 years old. Kadalasan sunod sunod na gabi. Simula noon talagang ginulo na niya ang isipan ko kung sino ba talaga siya. Imposible naman kasing lagi kong mapanaginipan ang isang lalaking hindi ko pa nakikita. At ngayon 20 na ako soon to be 21 ilang araw nalang, mag 5 years ko na rin pala siyang napapanaginipan.
"Loisa, napanaginipan mo na naman siya kagabi?" Tanong ni Lea, tumango ako at napabuntong hininga.
"Hay ewan, kulang na yata talaga ako sa tulog." kinuha ko ang milk tea mula sa lamesa.
"Pero aminin ha ang astig kaya. Curious na curious tuloy ako sa lalaking 'yan." pinakita ko sa kanya ang sarkastiko kong ngiti. Alam niya kasing hindi na ako natutuwa sa mga napapanaginipan ko.
Paano ba naman kasi, lahat ng napapanaginipan ko sa lalaking 'yon tandang-tanda ko. Kadalasan sa panaginip nakakalimutan mo o kaya yung ibang scene hindi mo na maalala diba? Pero yung akin talagang naaalala ko na tila ba nangyari yon at part ng alaala ko 'yon.
Naalala ko ang unang-una kong panaginip sa lalaking 'yon. 16 years old ako at syempre 16 years old din ako don. Pero tulad ng mga nakaraan makaluma ang suot kong damit.
Kahit anong gawin ko ay hindi ako dinadalaw ng antok. Mula sa bintana ng silid ko ilang oras akong nakatanaw sa napakalaki at liwanag na buwan na tila tinitignan din ako.
Nang maramdaman kong ang simoy ng hangin ay sobrang lamig na minabuti kong magtungo na sa aking kama at pilitin ang sariling makatulog dahil alam kong gabing-gabi na.
Binabalot ako ng kaba sa paglalakad sa madilim at nakakatakot na kagubatan. Gabi kung kaya hindi ko makita ang dinadaanan ko.
Mas tumindi ang takot ko nang maramdaman kong may sumusunod sa akin. Binilisan ko ang paglalakad ko at nang makatanaw ako ng liwanag sa di kalayuan ay tumakbo ako patungo rito.
Ngunit habang palapit ako ng palapit ay unti unti akong nakakaramdam ng init. Painit ng painit.
Nagulat ako nang makita ko kung saan nagmumula ang liwanag. Isang babaeng may mahabang buhok na nililipad ng hangin ang nagsisilbing liwanag sa buong madilim na kagubatan. Kahit hindi ko makita ang kanyang mukha ay nararamdaman kong siya'y nag-uumapaw sa galit.