Lumaki akong si Mom lang ang nasa tabi ko. Siya lang ang gumabay at nag-alaga sa akin. Siya ang sandigan ko, ako naman ang sa kanya.
Nabuntis siya sa akin noong 15 years old siya, hindi siya pinanagutan ng walang kwenta kong ama at tinakwil siya ng sarili niyang pamilya. Kahit mahirap, tumayo siya sa sarili niyang mga paa ng mga panahong iyon at mag-isang kumayod para sa aming dalawa. Naging successful ang sinimulan niyang business at ito ang tumulong sa amin upang makaahon.
Itinatak ko na sa aking puso't isipan na siya ang best mom sa buong mundo.
Napakaganda ng samahan namin na hindi ko inakalang maaaring magbago ito.
Nagsimula ito ng magdalaga ako. Kapansin-pansing ang mga babaeng kaedad ko ay nag-aayos na ng sarili, mahilig magsuklay at kung anong gawin sa buhok, maglagay ng kung ano-ano sa mukha, maayos manamit at dalaga na kumilos. Samantalang ako, walang pakialam sa pag-aayos, magaslaw kumilos at laro ang laging nasa isipan.
Ito ang laging napupuna sa akin ng mga kapitbahay namin. Hindi ko daw tularan si mom na kahit may anak na ay hindi napabayaan ang pag-aayos. Madalas naka shorts at sleeveless, rebonded, ingat ang kaputian ng balat at hindi magaslaw kumilos. Samantalang ako, buhaghag ang buhok, may pagkamaitim, payat–kalansay to be exact at losyang manamit. Hindi mo ako mapagsusuot ng mga palda, shorts, dress, sleeveless o ano pa yan. Lagi akong nakajacket or sweater. Baliktad na baliktad daw kami pagdating sa ganoong usapin.
Minsan pumunta kami sa palengke, inakala ng tindera na kapatid ko siya. Ewan ko nga kung akala niya pa ako ang mas matanda. Ilang beses pang naulit 'yon.
Sa school naman kapag may meeting o awarding na pumupunta siya, may ilan akong kaklase na inaakalang kapatid ko siya. May nagsabi ding siya daw ang anak at ako ang nanay sa amin. Alam kong mababaw lang pero may parte sa akin na nasasaktan. Grabe na ba talaga ang itsura ko?
Kaya minsan sumasagi sa isipan kong 'wag na lang papuntahin si mama sa school kasi namamaliit ako pero hinayaan ko nalang. Anong magagawa ko kung ganito talaga ako. Sinubukan ko namang mag-ayos, manamit ng uso sa mga tulad kong kabataan pero naiirita lang ako. Gustuhin ko man pero hindi bagay sa akin, ang panget tignan. Sabi nga nila wala sa damit, nasa nagsusuot.
Naalala ko nga, nang namimili kami ng damit na maaari naming i-donate para sa mga naapektohan ng bulkang taal, marami akong damit na hindi nagagamit lalo na yung mga damit na off shoulder, sleeveless at iba pang kauri ng mga yan kaya sinali ko sa mga ibibigay ko.
"Naiingit ako sa iba na nagsusuot ng mga ganyan." natigilan ako sa sinabi ni Mom.
"Naiingit? Kasi hindi ako nagsusuot ng mga ganyan?" tumango siya, shit it hurts.
"Bakit ka naman maiingggit?" pinagpatuloy ko ang pagpili ng damit.
"Mga kaedad mo nagsusuot ng mga ganon tapos ikaw hindi." natahimik ako.
Kahit ang mga kaibigan ko, magaganda at maayos manapit. Madalas silang magshorts at magsuot ng usong damit at makukulay. Minsan nahihiya na akong sumama sa kanila dahil pansin talagang ako ang naiiba, kumbaga panira. Ang gaganda nila tapos ako eto. Kapag naglalakad kami madalas akong nasa gilid o nasa likuran pero napapansin nila kaya agad nila akong tinatawag o may taong pupunta sa gilid ko para hindi ako ang nasa gilid.
Sa mga simpleng bagay na ginagawa nilang 'yon natutunaw ang puso ko. Kasi kahit hindi nila ako ka-level ginagawa nila 'yon at hindi nila pinaparamdam sa akin na out of place ako.
Tulad ng iba, nagkakacrush din naman ako pero hindi madalas. May crush ako noon pero kaibigan ko ang gusto. Madalas ko siyang makita na nakatingin sa kaibigan ko hanggang sa marinig ko na tama nga ang hinila ko. Nasaktan ba ako? Siguro kaunti lang dahil umpisa pa lang alam ko ng napakaimposible para sa kanya na makita ako. Hindi naman nagbago ang trato ko sa kaibigan ko. Magbabago ang pakikitungo ko sa kaibigan ko dahil lang sa isang lalaki? No way. Bakit ko ipagpapalit ang kaibigan kong laging nasa tabi ko sa taong hindi man lang makita ang existence ko.