"Ma, saan ka pupunta?""Bibili lang ako ng oxygen paubos na stock natin." hinalikan niya ako sa aking noo bago lumabas ng aming tahanan.
Nagtungo ako sa bintana upang sundan siya ng tingin. Nahagip ng mga mata ko ang mga puno, ang mga plastic na puno na gawa ng mga tao.
Ang sabi sa akin ni lola, ang kwento raw sa kanya ng lola niya ay ang mga puno raw noon hindi tulad ng puno na kinagisnan namin. Hindi plastic, may buhay ang mga puno at halaman noon.
Noon hindi rin daw binabayaran ang oxygen, libre itong nalalanghap saan ka man magpunta.
Ayos lang din noon na pumunta kahit saan mong gusto. Malaya noon, hindi tulad ngayon na para kaming nakakulong dahil sa ginawa nilang harang sa itaas at paligid. Tila nasa isang garapon kami. Ang sabi ginawa ito upang protektahan kami laban sa sinag ng araw. Sobrang sira na ang ozone layer kaya sa oras na maexpose ang balat ng isang tao sa sinag ng araw sa loob ng isang minuto ay nagsisimula na itong malusaw.
Ilang beses sumagi sa isipan ko na siguro napakagandang mabuhay noon. Marami pang libre, marami pa ang pwedeng magawa. Nagtataka lang ako kung paano nagbago ang lahat. Kung paano nasira ang lahat.
Bakit iba ang mundo noon sa mundo ngayon? Ang sabi sa akin tao ang dahilan kung bakit nararanasan namin ito, kung bakit napakahirap ng pamumuhay namin.
Pero kung mga tao ang nanira sa mundo, paano nila ito nasira? Paano nila nasira ang ozone layer, paano naging marumi ang hangin, paanong dumumi ang tubig, paanong nawala ang mga may buhay na puno't halaman, mga hayop, paano nawala ang mga nagtataasang bundok, paano nila nasira ang napakalaking mundo, ang aming tahanan.
Sa mga oras na sinisira nila ito hindi ba nila kami naisip? Hindi ba nila naisip na maaari pa kaming manirahan dito? Naging makasarili sila at puro sarili lamang ang inisip. Hindi nila inisip ang mga susunod pang makikinabang dito.
Marami na ang nagkakasakit at hindi na kinakaya ng mundo na suportahan kami. Kaya ang matagal na plano noon pa man na maghanap ng panibagong planeta na maaaring mabuhay ang isang tao ay ipinagpatuloy nila.
Hanggang sa nagtagumpay sila. Ang sabi Mars ang inakala nilang planeta na maaaring maging pangalawang tahanan namin, ngunit pagkatapos ng ilang taong pag-aaral sa planetang ito ay napag-alamang hindi nito kayang sustentuhan ang mga tao. Nawalan ng pag-asa ang mga tao at sa hindi inaasahang pangyayari ay aksidenteng natuklasan ang isang planeta na maihahalintulad sa planetang Earth. Ilang taon, dekada, ang pag-aaral na ginawa hanggang sa masigurong ligtas ito upang aming maging panibagong tahanan. Ngunit kakailanganin pa ng maraming taon upang tuluyan kaming makalipat sa planetang iyon at lisanin ang mundong inaalagaan kami.
~10 years later~
Pabalik ako sa bahay galing sa pamimili ng pagkain namin nang matanaw ko ang kumpulan ng mga tao sa plasa at isang napakalaking sasakyang panghimpapawid kung hindi ako nagkakamali. Nagtungo ako sa kumpulan ng tao upang tignan kung anong nangyayari.
"Anong meron dito?" tanong ko sa katabi ko na pilit tinitingkayad ang mga paa para makita ang nasa harapan.
"Oh Gio ikaw pala 'yan. 'Yan daw ang sasakyan natin papunta sa planetang lilipatan natin." sagot nito. Binalik ko ang tingin ko sa sasakyan.
"Malaki ito pero hindi kasya ang lahat ng taong naninirahan sa mundo. Ito lang ba ang sasakyan natin?" tanong ko sa kanya.
"Alam mo Gio, pwede namang may first batch, second batch at sunod. Walang inposible kung gugustuhin."
Kinuha ko ang can ng soft drinks sa kanya na pasimple niyang kinuha mula sa dala ko.
"Ewan ko lang pero sa tangin ko palpak yan. Ilang taon ang kailangan para makarating sa planetang yon tapos may batch batch? Kalokohan." tumalikod na ako para bumalik sa bahay.
Nang ilang metro na ang layo ko sa kumpulan ng tao natigilan ako sa paglalakad nang tumahimik ang mga tao. Lumingon ako sa kanila upang malaman ang nangyayari.
May isang malaking sasakyang himpapawid ang kasalukuyang bumababa sa lupa. Lahat ng tao'y tikom ang bibig habang ang mga mata'y hindi man lang maipikit habang tinatanaw ang kakaibang sasakyan.
Nang tuluyan na itong makalapag sa lupa, ilang segundo bago bumukas ang pinto nito. Mula sa mataas na sasakyan, bumungad sa amin ang isang nilalang na kahawig ng tao ngunit kung pagmamasdan ng mabuti ay ang balat nito ay kahawig ng balat ng puno at ang mga buhok nito ay maliliit na berdeng dahon.
Lahat kami nagulat sa nilalang na nasa harapan namin sa mga oras na ito.
"Plano niyong lumipat sa aming tahanan? Para ano? Para sirain rin tulad ng ginawa niyo sa inyong tahanan?" galit nitong wika sa amin. Walang nagtangkang magsalita.
"Wala kayong mga utang na loob. Pagkatapos kayong kupkupin ng planetang ito sisirain niyo? Sabagay, ayon sa mga nakalap ko ang mga tao, lubos na mapanakit. Pagkatapos niyong pakinabangan, gamitin at sirain, iiwan niyo at maghahanap ng iba. Sa ganyan naman kayo magaling. Sa pananakit. Hindi namin hahayaang tumapak kayo sa aming planeta o makalapit man lang." may iba pang nilalang na kawangis niya ang nagpakita mula sa malaking sasakyan.
"Kung ganon ano ang balak niyo?!" sigaw ng isa mula sa kumpulan ng mga tao.
Tumingin ito sa lalaking nagsalita. "Kung itutuloy niyo ang pagpunta niyo sa aming planeta, hindi kami magdadalawang isip na makipag-giyera. Ipaglalaban namin ang aming planeta at alam naman nating lahat na kapag kinalaban namin kayo ay may posibilidad na masira ang planetang ito. Wala kayong laban sa amin." seryosong sabi ng babaeng nilalang.
"Bakit hindi na lamang kayo matuto sa inyong mga pagkakamali? Hindi namin isusuko ang aming planeta kahit anong mangyari." dagdag pa nito.
"Lalaban kami! Hindi namin hahayaang masayang ang ilang taong pinaghirapan namin para makarating sa planeta niyo." sigaw ng isang tao.
Ngumisi ang nilalang at itinaas ang kanang kamay na sa tingin ko ay isang senyas.
Wala akong nagawa kundi tumakbo palayo dahil sa libo-libong maliliit na insekto na pinakawalan nila na unti unting kinakain ang laman ng taong madapuan nito.
Sigawan at iyakan ang namutawi sa buong paligid at dahil sa kabang binabalot ako hindi ko napansin ang isang malaking bato dahilan upang matumba ako. Tanging pagpikit at paghintay na lamang sa mga maliliit na insekto na patungo sa aking direksyon upang kainin ang aking katawan ang aking nagawa, tanging paghintay sa aking kamatayan ang aking nagawa.
Sa huling sandali ng aking buhay, hindi ko napigilang sisihin ang mga taong nanira sa mundo noon, kung hindi dahil sa kanila hindi namin kakailanganing maghanap ng panibagong tahanan, kung hindi dahil sa kanila hindi ganito ang paraan ng pagsapit ng aming kamatayan.