Pader

14 3 0
                                    


Mula ng magkaisip ako ay ipinamulat na sa akin ng aking pamilya na kahit kailan ay hindi ako maaaring magkaroon ng kahit anong ugnayan sa isang Montenegro.

Ang pamilyang kinamumuhian ng buong angkan ng Alejandro, ang aking angkan.

Dahil sobrang tagal ng panahon nang unang magkalamat sa dalawang pamilyang ito ay medyo magulo na sa amin kung ano ba talaga ang tunay na dahilan.

Ngunit ang kwento sa akin ng aking ina ay agawan daw sa lupa ang naging mitya ng away dahilan upang magkaroon ng pader sa pagitan ng dalawang pamilya na imposible nang magiba sa sobrang taas at kapal nito.

Hindi ko naman kinamuhian ang mga Montenegro sapagkat sa tingin ko ay labas na ako sa naging alitan noon pang panahon na hindi pa ako naipapanganak. Ngunit kahit ganoon ay hindi ako sumuway sa utos ng aking pamilya. Hindi ako kailanman lumapit o kumausap sa isang Montenegro dahil kahit sila ay iniiwasan kaming mga Alejandro.

Ngunit nagbago ang lahat nang aksidente kong makilala ang isang binatang Montenegro sa palengke. Tumatakbo ako noon upang takasan ang mga humahabol sa akin dahil aksidente kong natabig ang baso ng isang binata dahilan upang tumapon sa kanyang kasuotan ang inumin.

Hinawan niya ang aking kamay at agad na hinila patungo sa gilid.

Nang makita kong lumampas na ang mga kalalakihang humahabol sa akin ay agad akong tumayo at dumistansiya sa kanya.

"Huwag ka nang magreklamo binibini, kung hindi mo alam ay iniligtas kita sa mga kalalakihang iyon." nakangisi niyang sabi habang nakakrus ang mga braso.

"M-maraming salamat, ginoo." naiilang akong ngumiti.

"Rafael Montenegro ang aking ngalan, ano ang iyo?" malaking ngiti ang nakapaskil sa kanyang mga labi.

Natigilan ako nang marinig ko ang kanyang apelyido at agad na tumakbo palayo.

Buong akala ko ay iyon na ang huling beses na makikita ko ang Montenegrong iyon ngunit nagkamali ako. Ilang beses nagtagpo ang aming landas hanggang sa hindi ko inasahang nahulog ang loob namin sa isa't isa.

Batid naming bawal ito at maaari kaming mapatay ng aming pamilya sa oras na malaman ang namamagitan sa amin ngunit hindi ito naging hadlang upang magkita kami ng patago.

"May pangarap ka ba na gustong-gusto mong matupad?" tumingala sa langit si Rafael bago sumagot.

"Oo, at gagawin ko ang lahat para matupad ang pangarap na iyon. Mula bata ako isinumpa ko na sa aking sarili na magagawa ko 'yon." ngumiti ako.

"Sigurado akong matutupad mo iyon, ako ang magiging pinakamasayang tao sa oras na mangyari 'yon." hinalikan niya ang aking noo matapos ay nginitian ako.

"Celestina, hindi ka ba natatakot sa maaaring gawin sa iyo ng iyong pamilya sa oras na malaman ang tungkol sa atin?" mahinahong tanong ni Rafael habang hinahaplos ang aking buhok.

"Natatakot.. Alam ko ang kayang gawin ng aking pamilya sa oras na malaman nila ito. Kung mayroong paraan lamang sana para matuldukan na ang alitang ito." napabuntong hininga ako. "Ikaw Rafael, natatakot ka ba?"

Humarap siya sa akin, tumingin ng diretso sa aking mga mata at mahigpit na hinawakan ang dalawa kong kamay.

"Celestina, inaamin kong mayroong konting takot ngunit mas nananaig ang pagmamahal ko para sa iyo. Pangako, gagawa tayo ng paraan para maaari na tayong magsama nang walang sinuman ang tutol. Sabay nating gigibain ang pader sa pagitan ng ating mga pamilya." napangiti ako sa kanyang sagot.

"Celestina isa kang hangal!" isang malakas na sampal ang natanggap ko mula sa galit na galit kong ama.

"Hindi kami ng nagkulang ng paalala sa iyo na huwag na huwag kang magkakaroon ng ugnayan sa isang Montenegro. Tapos ano itong nalaman namin na nakikipagrelasyon ka sa isa sa kanila? Nahihibang ka na ba anak?!" pulang-pula sa galit ang aking ina samantalang ako ay nakasalampak sa sahig na umiiyak.

One Shot Stories Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon