"Tao pa ba yan? Oh girl ang sakit sa mata. Tara na nga, nawalan ako ng ganang kumain."Mabilis silang umalis palabas ng cafeteria na halata sa kanilang mga kilos ang diring-diri.
Naiwan ako sa pinakasulok ng cafeteria habang pinipigilan na may luhang bumagsak mula sa aking mga mata.
Ngunit tulad ng mga nakaraang araw, nabigo ako. Muling may kumawalang luha sa aking mga mata.
Walang araw na dumaan na hindi lumuha ang aking mga mata. Nakakapagod na.
Binilisan kong kumain upang makaalis na ako at makalayo sa mga matang kanina pa dumudurog sa pagkatao ko.
Nang ilang hakbang na lang ako sa counter ay may paang pumatid sa akin dahilan para madapa at mabitawan ko ang tray na hawak ko.
"May nabunggo ba ako? Hangin lang yata."
Pinulot ko ang tray at dahan dahang tumayo nang hindi sila tinignan pero alam kong umalis na sila.
Ganito ang nangyayari sa akin bawat araw pero masasabi ko bang sanay na ako? Kahit paulit ulit na nangyayari ang ganito hindi ko pa rin mapigilang maiyak.
Taksil ang mga luha ko. Kahit anong pakiusap ko sa kanila na huwag bumagsak ay patuloy pa rin nila akong sinusuway.
Dumiretso ako sa isang cubicle sa comfort room para dito ipagpatuloy ang pag-iyak ko. Pero sinigurado kong wala silang maririnig sa pag-iyak ko. Tanging mga luha lang..
"Nakita niyo yung ginawa ni Viena kay Maxine kanina? Grabe mas gusto ko pang paulit ulit na panoorin yon kaysa sa mga palabas sa TV."
Pinilit kong itigil ang pag-iyak ko nang may marinig akong nag-uusap at ako pa yata ang naisipang gawing topic.
"Ano bang ginawa sa'yo ni Maxine at parang ang laki laki ng galit mo sa kanya? "
"Well, hindi lang naman ako ang galit sa kanya. Almost all of the girls sa school galit sa kanya."
"For what reason? "
"Masyado kasing pabida sa mga teacher. Laging bida bida na alam lahat ng lessons, so ayun, favorite ng mga teacher. Isa pa, isa siyang dakilang malandi. Kunwari walang pakialam sa mga lalaki pero ang totoo landing landi na pala."
"Oh..So may dalawang mukha siya? Tss.. Tara na nga."
Narinig ko ang pahina nang pahina na mga yabag nila at nang makasiguro akong wala na sila ay lumabas na ako ng cubicle.
Binilisan ko ang aking lakad nang makita ko na may grupo ng mga babae ang madadaanan ko. Malalampasan ko na sila nang marinig kong may tumawag sa akin.
"Hoy!"
Hindi ko sila pinansin at tumuloy na lamang ako sa paglalakad."Diba tatay mo to?"
Kusang tumigil ang mga paa ko sa aking narinig at agad na pumunta sa kanila.
Nakita ko si Tatay sa phone ng isang babae, pinupulot niya ang mga nagkalat na bote, lata, karton at iba pa galing sa kariton niya.
Sira na rin ang kariton niya at maging siya.. Puro galos at may dugo pa sa noo.
Ang mas nakapag padurog pa sa puso ko ay ang paulit ulit niyang pagyuko at paghingi ng tawad sa mga tao at sasakyang dumaraan.
Hindi ko na lamang namalayan na sunod sunod na ang pagpatak ng luha mula sa aking mga mata.
"Mag-ama nga kayo. Pareho kayong salot."
Agad akong napalingon sa babaeng nagsalita. Alam kong sa mga oras na ito nanlilisik na ang mga mata ko.