Kasalukuyan kaming nasa loob ng isang bahay na maihahalintulad lamang sa sukat ng isang ordinaryong classroom. Punong puno ito ng mga nakaupo at nakahigang mga tao sa sahig.
Kinukumbinsi ko ang isang babae na kapareho ko ng edad at katabi ang nanay niya na isama na sa dagat ang kasama nilang sanggol ngunit paulit ulit lamang ito sa pagtanggi kaya hinayaan ko na lang.
Sa pag-evacuate na gagawin namin ay mga sanggol at ang kanilang ina ang mauuna.
Pero ano nga ba ang nangyayari? Bakit mag-eevacuate kami? Bakit kami nandito?
Nagsigawan ang mga nakasakay nang ang bangka ay bigla na lang nasira at ang lahat ng nakasakay dito ay kasalukuyan nang nasa tubig at lumalangoy.
May mga sanggol na kasalukuyan nang lumulubog sa napakalalim na karagatan.
Nagulat ako nang mamukaan ko ang isang sanggol, ito ang sanggol kanina na sinasabi kong isama dito sa dagat pero todo tutol ang ate niya.
Lumangoy na ako pabalik sa pampang at hindi maitatangging sobrang nahihirapan na talaga ako sa paglangoy.
Pero nang nakakita ako ng isang ina na may bitbit na sanggol na unti unti nang lumulubog ay pinilit ko siyang hinila paitaas.
Nang nakarating ako sa pampang ay labis ang pasasalamat ko ng sinabi ng lalaking taga asikaso ng bangka kanina na walang nalunod.
Nakita ko si mama at nakipagtitigan ako sa kanya sa hindi ko malamang dahilan. Hindi ko maintindihan ngunit parang nakikipag usap ako sa kanya sa pamamagitan ng mata. Nababasa ko sa mata niya ang lungkot at hindi ko rin alam kung bakit unti unti na ring sumisikip ang dibdib ko na tila binabalot ng kalungkutan.
Naagaw ang atensyon ko ng babaeng kanina ay nakikipagtalo sa akin tungkol sa pagsasabi ko na dalhin ang sanggol na kasama nila. Ang kapatid niya. Marahas niyang kinuha mula sa bisig ko ang sanggol.
"Ano? Diba sinabi ko naman sayo na 'wag siyang isama doon? Binalaan na kita diba? Pero ano? Hindi ka nakinig! Akala mo kasi sa sarili mo ang galing galing mo."
"Pero hindi ko naman sinama ang sanggol na yan. Mag isa akong pumunta sa bangka." pagtatanggol ko sa sarili ko.
"Pwede ba tama na!? Wala ka nang ginawa kundi magsinungaling! Dahil sayo napakaraming namatay. At 'wag kang umasta na napakabait mo! Sigurado akong kapag naapakan ang ulo mo dito habang nakahiga ka ay lalabas din ang totoong kulay mo. Sino ba naman ang hindi magagalit don." galit na galit na sigaw niya sa akin. Paanong napakaraming namatay, wala nga daw nalunod.
"Wala akong karapatang magalit kung hindi naman sinasadya dahil sobrang sikip dito. Hindi ako magagalit kung hindi naman intensyon na apakan ako."
"Tignan lang natin kung hanggang saan aabot ang kaplastikan mong babae ka." bumalik na siya sa pwesto nila.
Hindi ko na kinaya at bumagsak na ang kanina pang naipon na luha sa mga mata ko. Tumakbo ako palabas at pumunta sa likod ng pinto at pinusisyon ito sa paraang maitatago ako dito. Tuloy-tuloy na ang pag agos ng luha ko kasabay ng sobrang paninikip ng dibdib ko.
Bakit ako ang sinisisi niya? Wala naman akong kinalaman sa pagkasira ng bangka at mas lalong hindi ako ang may ideya ng pamamangka. Sumama lamang ako. Ano ang kinalaman ko doon.
Nararamdaman kong napapansin na ako ng mga tao kaya lumabas na ako sa likod ng pinto at sinubukang pigilan ang mga luha ko pero wala talaga silang balak na tumigil at hindi ko na rin napigilang mapaha gulhol sa sobrang sikip ng dibdib ko. Hinayaan ko na lamang at umupo na ako at niyakap ang tuhod ko.
Narinig ko na lamang na nagsasalita gamit ang microphone ang babaeng kausap ko kanina.
"Sinong sang ayon na dapat hindi nakaligtas sa nangyaring paglubog ng bangka si Arriana?"