PAGKAPASOK ni Stefie sa loob ng restaurant ni Kenneth sa Quezon City ay agad niyang iginala ang paningin sa paligid para hanapin si Kenneth.
Marahas siyang napabuntong-hininga nang makita ang pagmumukha ni Bernard Buenaventura doon. May kasama itong isang babae na sa tingin niya ay isang modelo, nakaupo ito sa kandungan ng binata. Napaismid si Stefie at napailing. Parang napakaliit ng couch at hindi makaupo doon ng magkatabi. Kailangan pa ba talagang kumandong ng babaeng iyon sa publikong lugar na ganito?
Nang ibalik niya ang tingin sa mga ito ay nakita niyang nakatingin na sa kanya si Bernard. Inirapan niya lang ang lalaki at hindi na pinag-ukulan ng pansin. Bakit ba niya pinapakialaman ang mga gustong gawin ng mga ito? At bakit ba nakakaramdam siya ng matinding pagkainis tuwing makikitang may kasamang babae si Bernard? Hindi dapat siya nakakaramdam ng ganoon. Hindi niya maintindihan kung bakit ganito ang inaakto ng puso sa mga bagay na concern ang lalaking iyon. Galit siya sa lalaki at walang pakialam dito, iyon ang dapat niyang itatak sa isipan!
Laking pasasalamat ni Stefie nang makita ang paglabas ni Kenneth sa opisina nito roon. Humakbang siya palapit sa nobyo na halatang nagulat sa hindi inaasahang pagkakita sa kanya.
“Babe, anong ginagawa mo dito?”
Malambing niyang iniyakap ang mga kamay sa baywang ng nobyo at tumingala dito. “Nagpunta ako dito para makita ka,” namumungay ang mga matang tugon niya. “Half-day lang kami sa work kaya naisipan kong dumaan muna dito.”
Tumango-tango si Kenneth at masuyong hinaplos ang pisngi niya. “Nakapag-lunch ka na ba?”
Tumango rin si Stefie at sumulyap sa kinaroroonan nina Bernard at ng babae nito. Abala na ang mga ito sa pagtatawanan. “Anong ginagawa ng lalaking iyon dito?” muling baling niya kay Kenneth.
Tumingin ang nobyo sa tinutukoy niya at nagkibit-balikat. “Nag-lunch sila dito ng bago niyang dine-date kanina.”
“I see,” balewalang tugon niya. Hindi niya na iyon gustong pag-usapan. “Malapit na ang birthday mo.” Napuno ng pagkasabik ang tono ni Stefie. Sa susunod na linggo ay kaarawan na ng nobyo at excited na siyang pasayahin ito sa araw na iyon.
Tinitigan siya ni Kenneth. “May sorpresa ka ba para sa akin?” hindi nito naitago ang naglalarong ngiti sa mga labi.
Kumislap ang mga mata ni Stefie. “Hindi na surprise kapag sinabi ko.”Malakas na napatawa si Kenneth.
Puno ng kasiyahang pinagmasdan niya ang nobyo. Masaya siyang makitang ngumingiti at tumatawa ito. “Anong gusto mo para sa’yong birthday?” naisipan niyang itanong.Ngumisi si Kenneth at dinampian ng marahang halik ang kanyang mga labi. “Ikaw,” maikling tugon nito.
Bahagyang natigilan si Stefie sa sagot na iyon ng nobyo. Hindi niya magawang maintindihan ang tunay na ibig sabihin niyon. Nahihiya naman siyang magtanong.
Napatingin siya kay Kenneth nang marinig ang pagtunog ng cell phone na hawak-hawak nito.
Bahagyang lumayo sa kanya ang nobyo para tingnan ang caller. Tumikhim muna ito bago sumulyap sa kanya. “Excuse me for a while, babe,” anito bago lumakad pabalik sa opisina nito.
Bumuntong-hininga si Stefie at naupo sa isa sa mga upuang naroroon. Hindi pa rin nawawala sa isipan niya ang sagot ni Kenneth kanina. Mahabang sandali siyang nahulog sa malalim na pag-iisip.Oras na ba para ipagkaloob niya ang lahat-lahat sa nobyo? Gustong pasayahin ni Stefie ang nobyo lalo na sa espesyal na araw nito. At kung ang pagkakaloob niya ng sarili ang makakapagpasaya dito, bakit hindi niya ibigay? Mahal niya ito, oo. Si Kenneth ang lalaking nais niyang makasama. Wala namang masama kung mas lalo niya pang palalimin ang relasyon nila, hindi ba? Twenty-six na naman siya, hindi na siya bata.
Napatigil siya sa pag-iisip nang maramdaman ang pagdantay ng kamay sa balikat. Agad naman siyang napangiti nang makita uli si Kenneth.
Naupo ang nobyo sa katapat niyang silya. “May pupuntahan ka pa ba?” tanong nito.
“Gusto ko sanang maglakad-lakad,” sagot niya. “Iyon ay kung hindi ka busy.”
Sumulyap muna si Kenneth sa suot na wristwatch. Napangiti si Stefie nang makita ang wristwatch na iyon. Ibinigay niya iyon sa lalaki noong huling kaarawan nito. Na-touch siya dahil inaalagaan pa rin iyon ng nobyo hanggang ngayon.
“Pasensiya ka na, babe,” narinig niyang wika ni Kenneth. “May kailangan kasi akong puntahan.”
“Oh,” kahit pigilan ni Stefie ay hindi pa rin niya maiwasan ang makaramdam ng disappointment.
“Pasensiya ka na talaga, babe. Importante lang talaga ‘to,” inabot nito ang isang kamay niya at hinalikan iyon.
Ibubuka pa sana niya ang bibig nang bigla na itong tumayo at tuluyan nang nagpaalam. Wala na lamang nagawa si Stefie kundi ang mapabuntong-hininga at sundan ng tingin ang nilabasan ng nobyo.
Ilang sandali pa siyang nanatiling nakaupo doon hanggang sa mapagdesisyunang umuwi na lamang at magpahinga.
Pagkalabas niya ay nakita pa niya ang paglabas rin nina Bernard at ng babae nito sa restaurant. Lumapit ang mga ito sa isang Volkswagen car na nakaparada hindi kalayuan.
Hindi niya na lamang binigyang pansin ang mga ito at nagpatuloy na sa paglalakad. Kaya na namang lakarin mula dito ang bus station papunta sa kanila.
Napabuntong-hininga si Stefie. Hindi kaila sa kanya na napakayaman ni Bernard. Ito lang naman ang humahawak sa Buenaventura Group of Companies – isang napakalaking kompanya dito at maging sa ibang bansa.
Bata pa lang ay siguradong mayaman na ang lalaki kaya ganoon na lang ang kayabangang taglay. Wala talaga siyang alam patungkol dito maliban sa mga ikinukuwento ng kapatid at ni Kenneth. Alam niya rin na walang nagtatagal na karelasyon ang Bernard na iyon, parang nagpapalit lang ito ng damit kung magpalit ng babae.
Napailing na lang si Stefie. Iyon ang isa pa sa mga dahilan kung bakit hindi niya ito gusto. Napaka-immature nito. Hindi ito ang lalaking pinangarap niya at hinding-hindi iyon mangyayari.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 1: Bernard Buenaventura
RomanceStefie was very satisfied with her life. Kahit na hindi niya nakukuha ang lahat ng mga materyal na ninanais sa buhay, masaya na siya na nasa tabi ang minamahal na nobyo sa loob ng mahabang panahon, si Kenneth Abiera. Nais niyang maipakita sa lalaki...