Chapter 2.3

4.1K 79 1
                                    

NAPATIGIL si Stefie sa pagpasok sa bahay nila nang makita ang boyfriend niyang si Kenneth sa living area. Hindi niya inaasahan ang pagkakita dito. Kumunot ang noo niya nang makitang kausap nito ang girlfriend naman ng Kuya Martin na si Andreah.

Lumakad siya palapit sa dalawa at agad namang napatingin ang mga ito sa kanya. Hindi napalampas ni Stefie ang bahagyang pag-isod palayo ng upo ni Andreah kay Kenneth.

Tumikhim si Kenneth. “Babe,” tumayo na ito at lumapit sa kanya, hinalikan siya sa pisngi.

“Anong pinag-uusapan n’yo?” pinaglipat niya ang tingin sa dalawa.

“Ilang business-related na mga bagay lamang,” mabilis na sagot ni Kenneth.

“Nasaan si Kuya?” sunod na tanong ni Stefie bago iginala ang paningin sa paligid.

“May kinukuha lang siya sa kuwarto niya,” si Andreah ang sumagot niyon. “Pupuntahan ko na lang siya doon. Maiwan ko na kayo,” iyon lang at lumakad na ito palayo.

Tumingin si Stefie sa nobyo na nakasunod lamang ang tingin kay Andreah. Bumalik lang ang atensiyon nito sa kanya nang ikawit niya ang kamay sa braso nito.

“Saan ka magse-celebrate ng birthday mo?” tanong niya sa nobyo, may bahid ng pagkasabik ang kanyang tono.

Tumingin sa kanya si Kenneth. “Saan mo ba gusto?”

Nahihiya pa siyang napangiti. “Is it okay kung sa bahay mo na? M-May surprise kasi ako sa’yo.”

Kumislap ang mga mata nito. “Talaga? Ano naman kaya iyon?” May mahihimigan ng interes sa tono nito.

“It’s a surprise,” tumingkayad siya para kintalan ng mabilis na halik ang pisngi ng nobyo. “May trabaho ka pa rin ba that time?”

Umiling ito at bumalik sa pagkakaupo sa couch. “Wala, pero may kailangan akong puntahan sa Laguna. Gabi na siguro ako makakabalik, ayos lang ba iyon sa‘yo?”

Tumango-tango si Stefie. “A-Ayos lang,” pinilit niya ang sariling ngumiti. Kinakabahan siya tuwing maiisip ang maaaring mangyari sa kaarawan ni Kenneth. Hinihiling niya na magawa ng ayos ang lahat. Humihiling din siya ng higit na lakas ng loob upang mapasaya ang nobyo sa kaarawan nito.

“Susunduin na lang kita dito,” narinig pa niyang dugtong ng nobyo.

Tumango uli siya. “Sige, may trabaho rin naman ako ng araw na iyon.”

Napatingin siya sa may hagdan nang makita ang pagbaba doon ng kapatid at ng nobya nito.
Binati muna siya ni Kuya Martin bago lumapit kay Kenneth para iabot ang hawak nitong folder. “Ito na ‘yong ipinapaabot sa ‘yong kontrata ni Bernard.”

Ipinaikot ni Stefie ang mga mata. Bumagsak bigla ang kanyang mood nang marinig ang pangalan ng lalaking iyon kaya nag-desisyon na siyang magtungo sa sariling kuwarto para makapagpalit ng damit. Kailangan niya pang mag-focus para sa planong surprise sa kaarawan ng nobyo.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 1: Bernard BuenaventuraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon