IPINATONG ni Stefie ang photo album na hawak sa mesitang nasa harap. Kasalukuyan siyang nasa living room ng kanyang nire-rentahang bahay ng hapong iyon. Simula pa kagabi ay hindi na mawala ang kaguluhang nasa isipan niya.
Binuksan niyang muli ang album sa pahina kung saan isinipit ang maliit na envelope na kinaroroonan ng mga dating larawan ni Bernard. Inilabas niya ang mga larawang iyon at pinakatitigang mabuti. Nais niyang malaman kung bakit siya nagtago ng larawan ng lalaki noon. Galit siya dito, hindi ba?
Ipinilig ni Stefie ang ulo. Galit nga ba talaga siya dito? Hindi niya alam. Naguguluhan na siya.
Napatigil siya sa pag-iisip nang makarinig ng pagkatok mula sa pinto. Isinipit niyang muli sa album ang mga larawan bago tumungo sa pinto para pagbuksan ang kung sinomang bisitang naroroon.
Agad na sumalubong sa kanya ang mukha ng kapatid na si Kuya Martin. "Kuya," bati niya at inanyayahan ito papasok sa loob. "Napadaan ka."
"Dumaan lang ako para kumustahin ka," ani Kuya Martin nang makaupo sila sa couch. "Maaga kang umalis sa dinner kagabi. Ako na rin ang naghatid sa kaibigan mong si Janice pauwi. May problema ba?"
Ini-iling ni Stefie ang ulo. "Wala naman, naalala ko lang na may importante akong gagawin kaya umuwi na ako," pagdadahilan niya. Ang totoo ay dahil sa kaguluhan ng isipan kaya naisipan niyang umuwi na lang dito at magpahinga.
Tumango-tango naman ang kapatid. "Sa bahay tumutuloy sina Tita Mara," imporma nito. "Sinabi nila na pupunta sila sa kaarawan mo."
Napangiti naman siya. "Mabuti naman kung ganoon."
Sumulyap si Kuya Martin sa photo album na nakapatong sa mesita. Inabot nito iyon at binuklat.
Huli na para mabawi pa ni Stefie ang album. Agad nang pumatak mula doon ang mga larawan ni Bernard na nakasipit.
Pinulot iyon ng kapatid at inilapag sa mesa.
Mabilis niyang iniyuko ang ulo, hindi magawang tumingin sa kapatid. Sobrang bilis na rin ng tibok ng puso ni Stefie.
"Nakatago pa rin pala ang mga 'to," narinig niyang wika ni Kuya Martin.
Gulat siyang napatingin sa kapatid. "A-Alam mo ang... ang tungkol sa mga larawang 'yan?" hindi makapaniwalang tanong ni Stefie.
Ngumiti si Kuya Martin at sumandal sa couch. Ibinalik nito ang tingin sa mga larawan ni Bernard na nasa mesita. "Bakit? Hindi mo ba maalala kung bakit mayroon ka niyan?"
Iniiwas niya ang tingin dito. "I-Inilagay mo ba 'yan sa album ko, Kuya?" tanong pa niya.
Narinig ni Stefie ang pagtawa ng kapatid. "Ikaw mismo ang kumuha ng mga larawan na 'yan noon, Stefie," itinuro nito ang isang larawan na tila ginupit lamang. "Ninakaw mo pa ang larawan na ito sa kuwarto ko, kasama niya ako sa larawan na 'yan. Ginupit mo lang."
Hindi magawang paniwalaan ni Stefie ang sinabi ng kapatid. Siya mismo ang kumuha at nagtago ng mga larawang ito ni Bernard na para bang stalker?
"Noong una, akala ko ay kay Bernard ka may gusto," pagpapatuloy ng kapatid. "You kept on asking me about him back then. Pero lumabas na si Kenneth ang naging nobyo mo," napailing pa ito. "Bigla na lang nagbago iyon noong ma-aksidente ka."
Iniyuko ni Stefie ang ulo. M-May... may gusto siya noon kay... Bernard? Pakiramdam niya ay biglang nanikip ang dibdib ng mga oras na iyon.
"Bigla na lang nagbago iyon noong ma-aksidente ka..." Paulit-ulit ang mga salitang iyon ng kapatid sa isipan. Napahawak si Stefie sa ulo nang maramdaman ang pagkirot niyon. Pakiramdam niya ay umiikot din ang kanyang utak. Unti-unti ay nanumbalik sa kanyang isipan ang mga alaalang sapilitang ibinaon sa isipan noon. Mga alaala kung saan si Bernard ang tunay na nakikita ng kanyang puso at mga mata...
"KUYA!" nagtatakbo si Stefie palapit sa kapatid na si Kuya Martin na kauuwi lamang galing sa unibersidad na pinapasukan nito. Nakita niya pa na may kasama itong dalawang lalaki na marahil ay mga kaklase nito. Kauuwi niya lang din kanina mula sa school kaya hindi pa nagagawang makapagpalit ng unipormeng suot.
"Stefie," bati ni Kuya Martin. "Hindi ko alam na nandito ka na. Akala ko ba gagabihin ka dahil may activity kayo sa school?"
"Hindi na natuloy ang activity na iyon dahil may kailangan pa raw gawin ang adviser namin," sagot niya. Ibinaling ni Stefie ang tingin sa mga lalaking kasama ng kapatid. Nakatingin na siya ngayon sa isa sa mga lalaking iyon. Ito na 'ata ang pinaka-guwapong lalaking nakita niya sa buong buhay. "Mga kaibigan mo sila, Kuya?"
Ganoon na lang ang tila pagtigil ng puso niya nang magtama ang mga tingin nila ng lalaking tinitingnan. Napakaganda ng dark brown na mga mata nito, mas higit iyong na-emphasize ng itim na itim na mga kilay. There were stubbles on his jaw that made him even manlier. Ganitong-ganito ang description ng mga heroes sa mga librong kanyang nababasa.
"Oo," narinig niyang tugon ni Kuya Martin. "This is Kenneth Abiera and Bernard Buenaventura. Ito nga pala ang kapatid ko na si Stefie."
Bernard, sambit ni Stefie sa isipan. Bernard Buenaventura. Hindi niya magawang maintindihan kung bakit hindi magawang ialis ang tingin sa binata. Siguro dahil sobrang guwapo talaga nito.
Napatingin siya sa isa pang lalaki na nagngangalang Kenneth nang lumapit ito sa kanya. "Ako nga pala si Kenneth," pagpapakilala nito bago iniaro ang isang kamay. "Madalas kang ikuwento sa amin ni Martin. It's nice to meet you, at last."
Tinanggap niya ang pakikipag-kamay ng lalaki at nahihiyang ngumiti. "N-Nice to meet you din." Ngayon lang napagtuunan ni Stefie ng pansin si Kenneth. Guwapo rin ito, mukhang mabait at palakaibigan. Sumulyap siya kay Bernard na bahagya lamang tumango bilang pagbati.
Lihim siyang napabuntong-hininga. Mukhang hindi madaling lapitan ang Bernard na iyon. Kakaiba ito kay Kenneth na agad na lumapit sa kanya. Gusto niya pa sanang marinig ang boses nito...
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 1: Bernard Buenaventura
RomanceStefie was very satisfied with her life. Kahit na hindi niya nakukuha ang lahat ng mga materyal na ninanais sa buhay, masaya na siya na nasa tabi ang minamahal na nobyo sa loob ng mahabang panahon, si Kenneth Abiera. Nais niyang maipakita sa lalaki...