Chapter 27

4.2K 102 1
                                    

"TITA MARA!" masayang bati ni Stefie sa tiyahin nang makapasok sila ng kaibigang si Janice sa loob ng bahay nila sa Las Piñas nang gabing iyon. Kasama niya ang kaibigan dahil sa tawag ni Kuya Martin na kung may nais daw siyang isama sa dinner na ito ay walang problema, iyon din daw ang utos ng Tita nila dahil naparami ang niluto nitong mga putahe. Si Janice na ang isinama niya dahil wala naman daw itong gagawin, pansamantala muna uli nitong inihabilin ang pamangkin na si Krissa sa landlady ng tinutuluyan nitong apartment.

"Stefie, hija," ganting bati ng Tita Mara niya at niyakap siya ng mahigpit. "You've grown into a very beautiful woman. Manang-mana ka sa Mama mo."

"Thank you, Tita," ngumiti siya at ipinakilala ang kaibigan dito. "Siya nga po pala si Janice, kaibigan ko. Janice, si Tita Mara, siya ang nag-iisang kapatid ni Papa."

Magalang na bumati si Janice sa Tita niya at ganoon rin naman ang huli.

"Nasaan nga pala sina Tito Calvin?" tanong pa ni Stefie sa tiyahin. "Kasama niyo rin ba si Nicholas?" tukoy niya naman sa nag-iisang anak ng mga ito at pinsan.

"Oo, kanina pa silang nasa komedor," sagot ni Tita Mara. "Kayo na lang ang hinihintay namin. Kanina pa ring naririto ang mga kaibigan ni Martin. Halina kayo para makakain na tayo ng hapunan."

Tumango na lang siya at sumunod na sila sa tiyahin kahit na nagtataka pa siya kung sinong kaibigan ng kapatid ang naroroon.

Pagkarating sa komedor ay ganoon na lamang ang pagkagulat ni Stefie nang makita doon ang mga hindi inaasahang kasalo sa hapag-kainan. Naroroon lang naman ang dati niyang nobyo na si Kenneth, katabi nito ay ang nobya ng kapatid na si Andreah.

Napaismid siya. Akala niya ay magiging maganda ang gabi niya ngayon, nagkamali siya. Bakit kailangang pareho niya pang makita ang dalawang taksil na ito ngayon?

Ibinaling niya ang paningin kay Kuya Martin subalit agad ding nagrambulan ang tibok ng kanyang puso nang masalubong ang tingin ng nobyong si Bernard. Nasa tabi ito ng kapatid. Hindi niya inaasahan na makikita rin ito doon samantalang katawagan niya lang ito kanina pagkalabas niya ng opisina.

Lihim na napangiti si Stefie. Well, hindi naman pala magiging ganoon kasama ang gabi niya. Dapat lang na iwasan niyang mapadako ang tingin alinman kina Kenneth at Andreah. Iisipin niya na lang na wala ang mga iyon doon.

Matapos niyang batiin sina Tito Calvin at ang pinsang si Nicholas ay naupo na siya sa katapat na silya ni Bernard. Tumabi lang sa kanya ang kaibigang si Janice. Nang muli niyang sulyapan ang nobyo ay nakita niya ang pagguhit ng ngiti sa mga labi nito.

Napaka-guwapo nito sa suot na white long-sleeved polo. Siguradong kagagaling pa lang din nito sa opisina.

Habang kumakain ng hapunan ay nakikinig lamang siya sa mga kuwento ng tiyahin. Paminsan-minsan ay sumasagot din siya sa mga tanong nito. Naging maayos naman ang buong hapunan. Masaya siya dahil naroroon si Bernard at ang kaibigan niyang si Janice. Kung wala siguro ang mga ito ay baka hindi siya makakatagal ng ganoon.

Pagkatapos kumain ay aakuin niya na sana ang paghuhugas ng pinggan subalit naunahan na siya ni Andreah. Napaismid si Stefie. Obviously, umaakto lamang ang babae na parang may karapatan na talaga ito sa pamamahay na ito dahil lamang sa karelasyon nito ang kapatid niya.

Napabuntong-hininga na lamang siya at pinagbigyan ang tiyahin na makipag-kuwentuhan pa dito sa living area kasama si Janice habang ang mga lalaki ay abala rin sa kanya-kanyang kuwentuhan. Luminga siya sa paligid para hanapin si Bernard at nakita itong nakikipag-usap sa pinsan na si Nicholas. Ngumiti si Stefie at hinayaan na lamang ang mga ito bago tumungo sa living area.

Ilang minuto rin silang nagku-kuwentuhan ng tiyahin at ni Janice sa living area. Panay ang tanong ni Tita Mara ng patungkol sa personal niyang buhay subalit iniiwasan niya namang mag-kuwento pagdating sa karelasyon.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 1: Bernard BuenaventuraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon