Chapter 29.2

3.7K 77 2
                                    

MABILIS na sumampa si Stefie sa kama ng kapatid at ginising ito. "Kuya, umaga na," niyugyog niya pa ito ng malakas. "Maaga ang pasok mo ngayon, 'di ba? Nasa labas na sina Kenneth at Bernard."

Naghihikab pang bumangon si Kuya Martin. "Wala ka bang pasok ngayon?"

"Foundation week naman sa school at tinatamad akong pumasok," ngumisi pa siya. "Hinihintay ka nina Bernard sa 'baba. Pinagtimpla ko muna sila ng kape."

Ngumiti ang kapatid at bahagyang ginulo ang buhok niya. "Good girl."

Akmang bababa na ng kama si Kuya Martin nang muli siyang magsalita. "Kuya, mabait ba si Bernard?" tanong niya.

Nakakunot ang noong tumingin sa kanya ang kapatid. "Oo naman, bakit?"

Napalabi si Stefie at nahihiyang nagpatuloy. "Bakit hindi niya ako masyadong kinakausap? May girlfriend na ba siya?"

"Sadyang ganoon na si Bernard, hindi talaga siya palaimik at suplado," tugon ni Kuya Martin. "Girlfriend? Maraming nakapalibot na babae sa kanya sa kahit saang lugar siyang magpunta," lumalim ang pagkakakunot ng noo nito. "Teka, bakit mo ba tinatanong 'yan? May gusto ka ba kay Bernard? Bata ka pa, Stefie, bakit—"

"Hindi, ah!" napalakas pa ang pagkakasabi niya noon. "Tinatanong ko lang kasi... kasi gusto ko siyang maging kaibigan din... k-katulad ni Kenneth. Mabait si Kenneth kaya close na kami," ngumiti pa siya.

"Okay," tuluyan nang bumaba sa kama ang kapatid. "Tigilan mo na ang kakatanong. Magpapakita lang ako sa dalawang 'yon, bumalik ka na sa pagtulog kung hindi ka naman pala papasok."

Napalabi si Stefie nang makalabas si Kuya Martin ng kuwarto nito. Hindi talaga siya makakapagtanong sa kapatid nang hindi siya nahuhuli. Ano bang masama kung may gusto siya kay Bernard? Gusto lang naman iyon, ah? Hindi pa naman niya ito pakakasalan.

Pero maganda rin kung ito ang mapapangasawa niya. Kinikilig na gumulong-gulong si Stefie sa kama dahil sa naisip. Napatigil siya nang mapansin ang ilang larawan na nakapatong sa isang mesa sa kuwartong iyon ng kapatid.

Mabilis siyang bumaba ng kama at tiningnan ang mga iyon – halos mga larawan iyon ng kapatid kasama ang mga kaibigan at kaklase sa kolehiyo. Malawak siyang napangiti nang makita ang larawan ng kapatid kasama si Bernard. Itinago niya iyon sa bulsa ng pajama na suot at tila balewalang lumabas ng kuwarto. Hindi naman siguro malalaman ng kapatid na ninakaw niya ang larawang ito. Gusto niya lang magkaroon ng picture ni Bernard...

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 1: Bernard BuenaventuraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon