Chapter 9.1

4.6K 90 1
                                    

NAPATIGIL si Stefie sa paghakbang palabas ng kompanyang pinagta-trabahuhan nang marinig ang pagtunog ng cell phone na nasa loob ng handbag na dala. Binuksan niya ang bag at hinanap doon ang aparato. Nagulat pa siya nang makitang si Kuya Martin ang tumatawag. Tatlong araw na rin mula ng huli niya itong makita simula nang umalis siya sa bahay nila sa Las Piñas.

Humugot muna siya ng malalim na hininga bago sinagot ang tawag. "Kuya," bati niya dito.

"Nasaan ka ngayon?" tanong ng kapatid sa seryosong tono.

"Pauwi pa lang ako," sagot niya habang itinutuloy ang paglalakad palabas ng building. "Bakit?"

"Puwede bang dito ka muna umuwi sa bahay ngayong araw?"

Nagulat si Stefie sa tanong ng kapatid. "Bakit? May nangyari ba?"

"Hinihintay ka dito ni Kenneth, Stefie. Gusto ka niyang makausap dahil hindi mo raw sinasagot ang mga tawag niya," may bumahid ng pagtataka at kaseryosohan sa tinig ni Kuya Martin. "May problema ba kayong dalawa?"

Muling tumigil sa paglalakad si Stefie para pigilan ang pag-usbong ng galit sa puso. Ikinuyom niya ang mga kamay at humugot ng malalim na hininga bago sinagot ang kapatid. "W-Wala naman," pagsisinungaling niya.

"Pupunta ka ba dito?" patuloy na pagtatanong ng kapatid.

Napatitig si Stefie sa kawalan ng ilang sandali. Handa na ba siyang harapin si Kenneth? Ilang araw na rin ang lumipas mula nang makita niya ng personal ang pagtataksil nito. Ilang araw na rin siyang nakikisama kay Bernard. At hindi niya itatangging pagtataksil na ring matatawag ang ginagawa niya.

Kinagat niya ang pang-ibabang labi para pigilan ang pag-alpas ng emosyon. Ang nag-iisa na lang paraan para maging tama muli ang lahat ay makipagkita siya kay Kenneth ngayon at tapusin ang relasyon nilang dalawa. Kailangan niyang gawin iyon. Hindi maaaring palagi na lang siyang magtago at matakot.

Tama, kailangan niya nang ayusin ang lahat ngayon. Hindi bukas o sa iba pang araw, kailangan niya ng gawin ngayon habang may pagkakataon pa. Bumuntong-hininga muna siya bago muling nagsalita. "Sige, Kuya. Uuwi muna ako diyan ngayon," pagpayag niya, pilit pinapapatatag ang tinig. "P-Pakisabi na lang sa kanya na... h-hintayin ako."

"Sige," sagot ni Kuya Martin, mukhang nakahinga naman ito ng maluwag sa pagpayag niya. "Mag-iingat ka sa biyahe."

Nagpasalamat na lang siya dito bago tinapos na ang tawag. Ilang sandali siyang nakatitig lamang doon habang pilit isinisiksik sa isipan ang desisyong ginawa at gagawin pa. Tiningnan niya ang hawak na cell phone at nagpasyang i-dial ang numero ni Bernard.

Ilang ring lang ay sinagot na agad ng lalaki ang tawag. "Sweetheart," bati ni Bernard sa malalim at magaspang na boses.

Bumuntong-hininga si Stefie para pigilan ang pag-iinit ng katawan sa pagkarinig ng boses nito. Palagi na lang nagtatagumpay ang lalaki na pag-initin siya kahit na tumatawag lamang sa cell phone. Kaya minsan ay iniiwasan niyang kausapin ito kapag nasa trabaho.

"Pauwi ka na ba?" narinig niyang tanong pa ng lalaki.

"Ah... Bernard, iyon nga ang dahilan kung bakit ako tumawag," huminto muna siya ng ilang sandali bago nagpatuloy. "S-Sa Las Piñas ako uuwi ngayon."

Ilang sandaling natahimik ang lalaki sa kabilang linya. Maya-maya ay narinig niya ang pagbuntong-hininga nito. "Ganoon ba? Papunta ka na ba doon ngayon?"

"Oo," sagot ni Stefie. Pinara niya ang taxi na dumaan at nagpahatid sa malapit na terminal ng bus. "Gusto ni Kuya Martin na kausapin ko si Kenneth. Nandoon daw siya sa bahay ngayon at hinihintay ako."

"Ganoon ba?" tugon ni Bernard. "Kakausapin mo na siya?"

"Oo," tumitig siya sa labas ng bintana ng taxi. "Kailangan kong gawin 'yon."

"Tatapusin mo na ba ang relasyon n'yo?" tanong pa ni Bernard sa mahinang tono.

"Oo. Pero hindi ko alam kung masasabi ko sa kanya ang nakita ko," malungkot siyang bumuntong-hininga. "Bahala na mamaya kung anong mangyayari." Hindi niya rin alam sa sarili kung paano kakausapin si Kenneth mamaya. Kinakabahan siya at natatakot pero kailangan niyang gawin. Kailangan niya itong harapin at tapusin ang lahat-lahat sa kanila. Masakit na tapusin ang kanilang relasyon, lalo na at napakatagal na niyon. Subalit mas masakit naman kung hahayaan niya lamang na magpatuloy iyon gayong alam niyang pinagtaksilan na siya nito minsan.

"Tawagan mo ako kapag tapos na kayong mag-usap, okay?" may bumahid ng pag-aalala sa tinig ng lalaki.

"Sige," iyon lang at tinapos niya na rin ang tawag. Nakatitig lamang si Stefie sa labas ng mahabang sandali habang nag-iisip. Iniisip niya kung hindi lang ba iyong nakita niya noon ang pagkakataong pinagtaksilan siya ni Kenneth? May iba pa ba? Sa loob ba ng ilang taong relasyon nila ay ilang beses na rin siya nitong pinagtaksilan?

Hindi na napansin ni Stefie na napahigpit na pala ang pagkakakuyom ng mga kamay niya. Posible iyon. Bakit ba hindi niya napansin ang mga bagay na iyon noon? Napakatanga niya!

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 1: Bernard BuenaventuraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon