GANOON na lang ang pagkagulat ni Stefie nang maimulat niya ang mga mata at nakita ang pagsuntok ni Kenneth sa mukha ni Bernard. Bumagsak ang nobyo sa lupa. Pakiramdam niya ay biglang nagyelo ang mga paa ng mga oras na iyon. Sobra ang pagkagulat niya na tila nakalimutan pa ang paghinga ng ilang sandali.
Napasinghap siya nang tuluyang mag-sink in sa utak ang pangyayari. Ibinaling niya ang tingin kay Kenneth na punong-puno na ng matinding galit ang mukha.
"Hayop ka, Bernard!" mura nito sa lalaki. Akmang susugurin pa nito ang nobyo nang magawa niyang igalaw ang mga paa at iniharang ang katawan dito.
"Huwag na huwag mo siyang sasaktan, Kenneth!" sigaw ni Stefie sa lalaki, nanginginig ang boses.
Kitang-kita ni Stefie ang talim sa mga mata ni Kenneth nang tumingin sa kanya. Mabilis niyang iniiwas ang tingin dito at nilapitan si Bernard.
"B-Bernard," napuno ng pag-aalala ang puso niya nang makita ang dugo sa gilid ng mga labi ng nobyo.
Pinunasan ni Bernard ang dugong iyon at pinilit na tumayo. Tinulungan niya naman ito. Sabay pa silang napatingin kay Kenneth nang marinig ang muling pagmumura nito.
"Walang hiya ka! Paano mo nagawang sulutin ang babae ko, ha, Bernard?!" puno ng galit na tanong ni Kenneth, dinuro pa nito si Bernard. "Pinagkatiwalaan kita, hayop ka!"
Inilipat ni Kenneth ang tingin sa kanya. Ngumisi ito, puno ng panghuhusga ang mga mata. "Ito ba ang tunay na dahilan, Stefie? Inakusahan mo ako ng kung anu-ano pero ikaw itong nagtataksil!" bulyaw nito.
Nagpanting ang mga tainga ni Stefie sa sinabi ng dating nobyo. Matalim niya itong tiningnan. Muli na namang nanumbalik ang lahat ng galit na nararamdaman niya para dito. "Wala na tayong relasyon para sabihin mong nagtataksil ako sa'yo, Kenneth," mariing paalala niya dito. "At hindi mo na ako babae kaya wala kang karapatang magwala ng ganito."
Galit na galit na inihilamos ni Kenneth ang isang kamay sa mukha nito. "I knew it," usal pa nito sa nanginginig na boses. "Sinasabi ko na nga bang may itinatago ka, Bernard. Akala mo ba hindi ko napapansin kung paano ka tumingin noon kay Stefie?!" Humakbang uli ito para sugurin si Bernard.
"Tigilan mo na 'to, Kenneth!" pagpapatigil niya dito, nanlilisik na ang mga mata.
Puno ng pang-uuyam na tumawa si Kenneth habang nakatingin sa kanya. "Mukhang ibinigay mo na ang lahat-lahat sa lalaking iyan, ha, Stefie?" tanong pa nito. "Umaakto kang inosente sa harapan ko pero nag-iba na ang ihip ng hangin pagdating sa walang-hiyang iyan. Bakit? Dahil ba mas mapera siya? Magkano ba ang ibinibigay niya sa'yo gabi-gabi?"
"Damn you! Huwag na huwag mo siyang babastusin," narinig niyang sigaw ni Bernard at aktong susugurin si Kenneth.
Agad namang niyakap ni Stefie ang lalaki sa baywang para pigilan ito, ramdam na ramdam niya ang panginginig ng buong katawan ng nobyo. Maging siya ay sobra-sobra na rin ang galit na nararamdaman. Gusto niyang sampalin si Kenneth dahil sa mga lumalabas sa bibig nito subalit kailangan niyang magpigil. Hindi niya gustong magtagal pa ang gulo na ito at makakuha pa ng atensiyon sa mga bisita ng party na iyon.
"Ano bang mayroon sa lalaking iyan, ha, Stefie? Anong ibinigay niya sa'yo na hindi ko naibigay?!" patuloy na pagwawala ni Kenneth.
Muli niyang hinarap ang lalaki. Alam ni Stefie na kakikitaan na ng poot at kalamigan ang mukha niya. "Ikaw ba, Kenneth?" ganting tanong niya. "Ano bang ibinigay ni Andreah sa'yo noon para pagtaksilan mo ako? Sex? Dahil ba hindi mo magawang makapaghintay kaya nakipagtalik ka na sa kanya sa mismong kuwarto ko noong kaarawan mo?!"
Animo'y pinagsakluban ng langit at lupa si Kenneth ng mga oras na iyon. Namutla ang buong mukha nito, kitang-kita iyon kahit na hindi ganoon kaliwanag ang lugar na kinaroroonan nila. Kung kanina ay puno ng confidence ang itsura nito, tila naglaho na iyong lahat.
Naramdaman ni Stefie ang tila pamamara sa lalamunan. "O-Oo," pagpapatuloy niya. "May relasyon na kami ni Bernard bago ako makipag-hiwalay sa'yo noon, inaamin ko 'yon. Pero ikaw ang unang sumira sa relasyon natin Kenneth... i-ikaw ang unang nagtaksil."
Nakita niya ang pagyuko ni Kenneth.
Humugot muna si Stefie ng malalim na hininga bago nagpatuloy. "Huwag ka ng umarte na parang ikaw ang kawawa, Kenneth. Tigilan mo na ako. Tigilan mo na kami. Hanggang ngayon ay hindi ko pa sinasabi kay Kuya Martin ang tungkol sa nakita ko. Hanggang ngayon ay wala pa rin siyang alam na pinagtaksilan siya ng nobya niya kasama ang mismong kaibigan niya," pumiyok pa siya. "Kaya tumahimik ka na lang at magbagong-buhay na. Huwag ka na ring umasa na magkakabalikan pa tayo. Sinira mo na ang tiwala ko, hindi na ganoon kadaling ibalik 'yon."
Nang hindi niya marinig ang pagtugon ni Kenneth ay muli na siyang lumapit kay Bernard. Inabot siya ng nobyo, hindi inaalis ang pagkakatitig sa mukha niya.
Ginantihan lamang ni Stefie ang titig nito. Naalala niya ang gabing una siyang inangkin ng lalaking ito. Simula noon ay hindi na siya nito pinakawalan. "Si Bernard ang nakasama ko noong mga panahong iyon," dagdag niya. "Ipinakita niya sa akin noon ang halaga ko na itinapon mo," pagkasabi niyon ay niyakap niya na ng mahigpit ang nobyo at tahimik na umiyak sa dibdib nito.
Ilang sandali lang ay naramdaman niya na ang maingat na pagpangko sa kanya ni Bernard. Ipinikit niya na lang ang mga mata at inihilig ang ulo sa dibdib ng nobyo. Pagod na pagod na siya.
"I'm sorry, Kenneth," narinig pa ni Stefie na wika ni Bernard. "Mahabang panahon na nakatayo lang ako at nakatingin sa iyo mula sa malayo noon habang kasama mo ang babaeng ito. Hindi ko intensiyon na agawin siya sa'yo. Pero hindi ko naman gustong makitang nasasaktan siya at nahihirapan. I'm going to take good care of her now. Patawarin mo ako, pare."
Iminulat ni Stefie ang mga mata nang maramdaman ang paglalakad ni Bernard palayo. Nakatitig lamang siya sa seryosong mukha nito at napangiti. Sobra-sobra ang pasasalamat niya dahil nakilala niya ang lalaking ito – the man who could make her feel light and happy no matter what.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 1: Bernard Buenaventura
RomansaStefie was very satisfied with her life. Kahit na hindi niya nakukuha ang lahat ng mga materyal na ninanais sa buhay, masaya na siya na nasa tabi ang minamahal na nobyo sa loob ng mahabang panahon, si Kenneth Abiera. Nais niyang maipakita sa lalaki...