KANINA pa palinga-linga si Bernard sa paligid ng party hall na iyon subalit hindi niya pa rin makita kung nasaan ang nobyang si Stefie. Huli niya itong nasulyapan ay nang makitang kausap nito ang dating nobyo na si Kenneth. Gusto niya sana itong lapitan subalit agad na rin naman itong naglakad palayo. Ngayon ay tuluyan na itong nawala sa kanyang paningin. Hindi niya alam kung nasaan na ito o kung sino ang kasama.
"Kanina ka pa mukhang may hinahanap, ah?" narinig niyang pukaw sa kanya ng kaibigang si Ren Eliza.
Napatingin siya sa childhood friend and best friend niya na ring maituturing at ngumiti. Matagal din itong nanatili sa ibang bansa dahil sa pag-aaral ng law kaya napakarami rin nitong kuwento. Kahit gusto niya pang kumustahin ito ay hindi naman maalis ang isipan niya kay Stefie. Simula nang umalis sa tabi niya ang nobya ay hindi na siya mapakali.
Bakit hindi? There were lots of men in this party and Stefie was amazingly beautiful and hot tonight, lalong-lalo na sa suot nitong damit. Hindi niya gustong makuha nito ang atensiyon ng mga lalaking naroroon. Hindi niya rin gusto na may makaporma dito. Sa kanya lamang ang babaeng iyon. Hindi niya gustong tinitingnan at pinagnanasaan ang babaeng pag-aari niya.
"Hinahanap mo si Stefie, tama?" tanong pa ni Ren bago tumawa. "Can't get your hands off that woman of yours?" hindi makapaniwalang dugtong pa nito.
Itinaas niya ang isang kamay at marahang ginulo ang buhok ng kaibigan. Parang nakababatang kapatid niya na si Ren at nakatatandang kapatid na rin naman ang turing nito sa kanya. Nag-iisang anak lang ito ng mga magulang nito. Ang ama nitong si Jake Richardson ay matalik na kaibigan ng kanyang ama. Matagal na namang namayapa ang ina ng dalaga.
"Gusto ko pang makipag-usap sa'yo, Ren, pero kailangan ko nang mahanap ang babaeng 'yon," wika ni Bernard.
Nangingiting napailing si Ren. "Hindi ako makapaniwala na nagiging seryoso ka na sa mga girlfriends mo ngayon," pagbibiro pa nito.
Nagkibit-balikat si Bernard. "Kilala mo siya, Ren," kinindatan niya pa ang babae.
Kitang-kita niya ang panlalaki ng mga mata ng kaibigan. "Oh my, is that her?" hindi makapaniwalang tanong nito.
Hindi niya na sinagot ang kaibigan at tinalikuran na lamang ito kahit na ilang beses nitong tinawag ang pangalan niya. Sobrang malapit sila ni Ren. Lumaki na silang sinasabi ang halos lahat-lahat ng patungkol sa isa't isa.
Kilalang-kilala na siya ni Ren kaya agad nitong nahuli ang tungkol sa tunay na nararamdaman niya kay Stefie. Kahit na magkausap lang sila sa tawag ay nagawa pa rin nitong malaman ang tungkol doon. Hindi lang nito alam noon kung sino ang babaeng tinutukoy niya dahil hindi na naman kailangan.
Napangiti si Bernard. Siguradong hindi na naman siya tatantanan ng kaibigan niyang iyon lalo na at nakilala na nito ang babaeng mahalaga sa buhay.
Napatigil siya sa paglalakad nang masalubong ang ina. "Ma," bati niya sa ina. "Nakausap n'yo na ba si Papa?"
"Oh, Bernard," ngumiti si Mama Mabel. "Oo, hinahanap ko ang kapatid mong si Alice dahil nais ko sanang ipakilala sa kanya ang anak ng kumare ko."
Napailing na lang si Bernard. Siguradong ire-reto na naman ng Mama niya ang lalaking iyon sa kapatid. Mahilig ang kanyang ina na mag-match-make, lalo na sa kanilang magkapatid. Laking pasasalamat na lang ni Bernard nang bahagya na namang tumigil ang ina sa pagpipilit sa kanyang makipagkita sa mga babaeng kakilala nito.
"Siyanga pala," wika pa ni Mama Mabel at nagpalinga-linga sa paligid. "Mukhang umalis na 'yong kasama mong babae kanina, si Stefie. Nagpaalam na siya sa akin kanina at sinabing masama raw ang pakiramdam niya," hinampas nito ang kanyang braso. "Bakit ba hindi mo inaasikaso ang mga bisita mo? Nakakahiya naman sa kanila. Hindi pa 'ata kumakain ang batang 'yon."
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 1: Bernard Buenaventura
RomanceStefie was very satisfied with her life. Kahit na hindi niya nakukuha ang lahat ng mga materyal na ninanais sa buhay, masaya na siya na nasa tabi ang minamahal na nobyo sa loob ng mahabang panahon, si Kenneth Abiera. Nais niyang maipakita sa lalaki...