Chapter 20.1

4.3K 94 4
                                    

MULING napasulyap si Stefie sa wristwatch na suot. Pasado alas-sais na ng gabi. Hindi niya na alam kung ilang beses na ba siyang paulit-ulit na sumusulyap sa oras. Hindi niya rin magawang maintindihan ang kanina pang sinasabi ng kaibigang si Janice.

Kasalukuyan silang nasa living area ng nirerentahan niyang bahay ng mga oras na iyon. Kanina kasi pagkatapos ng trabaho niya ay nakita niyang naghihintay na sa kanya sa lobby ang kaibigan. Nagpasama kasi ito sa pagbili ng ilang mga gamit ni Krissa at nais rin daw nitong maka-bonding siya. Pero hindi niya naman inaasahan na tatagal ng ganito ang pag-uusap nila.

Hindi naman sa ayaw niyang makausap o maka-bonding ang kaibigan. Kaya lang ay bukas na ang nakatakdang pag-alis ni Bernard patungong New York. At hindi niya man lang ito nakita ngayong araw dahil nga sa hindi inaasahang pagpapasama ni Janice. Gusto niyang makita ang nobyo kahit sandali. Sa pagkakaalam niya ay maaga ang flight ng lalaki bukas.

"Nakatanggap na naman kami ng tawag kay Jean noong nakaraang linggo," pagpapatuloy ni Janice. "Humingi siya ng pasensiya sa ginawang pag-iwan kay Krissa pero sinabi naman niyang paghihilumin lang daw niya ang sugat sa puso bago bumalik. Babawi raw siya kay Krissa."

Tiningnan niya ang kaibigan. "Mabuti naman kung ganoon," nginitian niya ito. Masaya siya dahil nagparamdam na rin ang kapatid ng kaibigan sa mga ito. "Sana nga maka-move on na siya at makabalik na sa piling ni Krissa."

Tinitigan siya ni Janice. "Mukhang naka-move on ka na sa nangyari sa inyo ni Kenneth, ah?" puna pa nito.

Natigilan si Stefie pero agad rin namang ngumiti. "Siguro nga," sagot niya. Hindi niya maintindihan kung bakit tila naghilom na nga ang sugat na dulot ng ginawa ni Kenneth noon. Tuwing iniisip niya ang dahilan niyon, tanging si Bernard lamang ang pumapasok sa isip niya. Marahil ay nagawang palitan ng kasiyahang binibigay ni Bernard ang lungkot na iyon. "Hindi naman maaaring palagi na lang akong umiiyak at malungkot ng dahil doon. Sinaktan niya na ako noon. Bakit ko pa hahayaang patuloy akong masaktan ng alaala ng ginawa niya? Nanakawan lang ako noon ng kasiyahan na dapat ay nasa akin."

Tumango-tango ang kaibigan. "Masaya ako na nakamove-on ka na sa pangyayaring iyon, Stefie. At sigurado rin ako na may parte rin diyan ang lalaking karelasyon mo na hanggang ngayon ay hindi mo pa rin ipinapakilala sa akin," humalukipkip pa ito bago umiling.

Napailing na lang din si Stefie at inabot ang mga pinag-inuman nilang baso ng juice sa mesitang nasa harap. Pagkatapos ay tumayo na siya para tumungo sa kusina at hugasan ang mga iyon.

"Hindi mo talaga siya ipapakilala sa akin, Stefie?" narinig pa niyang tanong ni Janice mula sa likod.

Bumuntong-hininga siya at ipinagpatuloy lamang ang paghuhugas. "Hindi pa sa ngayon, Jan. Pasensiya ka na talaga." Lihim siyang humihiling na titigilan na ni Janice ang pagtatanong patungkol doon. At sana ay maisipan na rin nitong umalis dahil kailangan niya ring makita si Bernard bago ito magpunta sa ibang bansa.

Mukhang dininig naman ang hiling niya nang marinig ang sunod na sinabi ng kaibigan.

"Oh, mukhang kailangan ko nang umalis, Stefie," paalam ni Janice. "Hindi ko na namalayan ang oras. Kailangan na ring magpahinga ni Aling Cora at ni Krissa. May pasok pa bukas kaya kailangan na rin nating magpahinga."

Humarap siya sa kaibigan at ngumiti. Nakaramdam siya ng guilt dahil nakakaramdam siya ng kasiyahan sa kaalamang aalis na ito. "Bibisita na lang ako sa inyo bukas 'pag tapos ng trabaho," ani na lamang niya. "Gusto ko ring makita si Krissa."

Malawak na napangiti si Janice. "Sige, hihintayin ka namin doon," pagkasabi niyon ay lumakad na ito pabalik sa living area para kunin ang mga pinamili nila kanina.

Sumunod lang naman si Stefie dito at sinamahan na rin ito hanggang sa paglabas. Napatigil siya sa pagbubukas ng gate nang makita ang pamilyar na sasakyan na pumarada sa tapat niyon. Biglang may lumukob na disappointment sa puso niya nang makita ang paglabas ng kapatid na si Kuya Martin sa sasakyang iyon. Bakit ngayon pa nagkasunod-sunod ang pagdating ng bisita niya?

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 1: Bernard BuenaventuraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon