NAPATIGIL si Stefie sa pagpasok sa gate ng bahay nila sa Las Piñas nang makita ang paglabas doon ni Andreah. Nasa mukha ng babae ang matinding pagkainis.
Napatingin sa kanya si Andreah bago ibinaling ang tingin sa kasama niyang si Janice na karga naman ang pamangkin nitong si Krissa. Inaya niya ang kaibigan na magtungo dito dahil bored na siyang mag-isa sa bahay na nirerentahan. Gusto niyang maka-bonding pa si Janice at Krissa, ganoon din ang kapatid na si Kuya Martin.
Ibinalik ni Andreah ang tingin sa kanya. "It's nice to see you again here, Stefie," bati pa nito.
Ngumisi si Stefie at pinasadahan ng tingin ang kabuuan ng babae. Ang kapal talaga ng mukha nito para batiin pa siya ng ganoon. "Maganda na sana ang gabi," tugon niya. "Hanggang sa masira 'yon dahil sa presensiya mo." Hindi niya gustong maging ipokrita sa harap ng babae at batiin ito ng maayos. Gusto niyang malaman ni Andreah ang tunay na nararamdaman. Gusto niyang malaman nito na hindi niya ito gusto. Hindi dahil nasasaktan pa siya sa ginawa nito at ni Kenneth kundi dahil sa katotohanang niloloko nito ang pinakamamahal na kapatid.
Ibinuka ng babae ang bibig para sana magsalita pero mabilis niya na itong inirapan at lumakad palayo. Naramdaman niya lang ang pagsunod ng kaibigang si Janice. Nang makapasok sila sa loob ng bahay ay agad niyang nakita ang kapatid na si Kuya Martin na nakaupo sa couch ng living area habang nanonood ng football sa T.V.
Napatingin ito sa kanila at bahagya pang kumunot ang noo nang makita ang kasama niya. Tumayo ang kapatid at lumakad palapit sa kanila. "Hind ko alam na pupunta ka pala dito ngayong gabi," wika nito. "Kumain na ba kayo ng hapunan? Magpapa-deliver na lang ako kung gusto n'yo."
Umiling si Stefie. "Hindi na, Kuya. Kumain na kami sa labas ni Janice," sumulyap siya sa kaibigan na inaayos ang pagkakakarga kay Krissa na nakatulog na. "Ilagay na muna natin sa kuwarto ko si Krissa, baka nahihirapan ka na sa pagkarga sa kanya," sabi naman niya kay Janice. Hindi niya rin kasi makuha sa kaibigan ang bata dahil dala niya naman ang mga gamit ni Krissa.
Ngumiti lang naman si Janice kaya ibinalik niya na ang tingin kay Kuya Martin. "Dito muna kami matutulog ngayon, Kuya."
Tumango lang ang kapatid at muli nang bumalik sa harap ng telebisyon. Inanyayahan niya na ang kaibigan na umakyat sa itaas para tumungo sa sariling kuwarto doon.
Pagkapasok nila sa loob ay agad niyang inilapag sa maliit na mesang naroroon ang mga dalang gamit pagkatapos ay inayos niya ang kama para maipahiga doon ni Janice ang pamangkin nito. "Mabuti naman at mukhang pinapapalitan ni Kuya ang bed sheet dito kahit wala na ako," ani pa niya.
Marahang inilapag ni Janice ang natutulog na pamangkin sa gitna ng kama. Hinaplos pa nito ang buhok ni Krissa. Napangiti si Stefie. Mukhang napamahal na talaga sa kaibigan niya ang bata.
Tiningnan niya si Krissa. Halata na alagang-alaga ito dahil sa pagiging malusog. Napakaganda rin nitong bata. Ibinalik niya ang tingin kay Janice nang marinig ang pagsasalita nito.
"Sino nga pala 'yong nakasalubong nating babae kanina sa may gate, Stefie?" tanong nito sa mahinang tinig.
Napabuntong-hinina siya. "Siya si Andreah," tinatamad pa niyang sagot. "Girlfriend ng Kuya ko."
"Oh," tumango-tango si Janice bago nabahiran ng pagtataka ang mukha. "Bakit ganoon ang pakikitungo mo sa kanya kanina? Parang hindi kayo magkasundo."
Tumayo si Stefie mula sa pagkakaupo sa kama at lumapit sa mga gamit ni Krissa para ilabas doon ang mga gamit nito doon. "Hindi ko lang siya gusto para sa kapatid ko. Siguradong sasaktan niya lang si Kuya."
"Paano mo naman nasabi 'yon?" patuloy na pagtatanong ni Janice.
Gusto niya nang patigilin ang kaibigan sa pagtatanong. Hindi niya masasabi dito ang buong katotohanan. "Masyado siyang malapit sa ibang lalaki," nasabi niya na lang. "Tumawag na ba uli sa inyo si Jean?" pag-iiba niya sa usapan.
"Hindi pa nga," biglang lumungkot ang boses ng kaibigan. "Sana naman ay maisipan niya nang bumalik. Dapat ay siya ang makilala ni Krissa na ina."
Lumingon siya sa kaibigan at nakitang nakatitig lang ito sa pamangkin. "Sana nga," wika niya. Hindi magandang lumaki si Krissa na hindi nakikilala ang tunay nitong ina.
Tumingin sa kanya si Janice at ngumiti. "Kumusta na nga pala kayo ng boyfriend mo ngayon?"
Natigilan si Stefie sa tanong nito. Muli na naman siyang nakaramdam ng pangungulila pagkaalala kay Bernard. "Ayos naman kami," sagot niya, hindi tumitingin sa mga mata ng kaibigan. "N-Nasa ibang lugar kasi siya ngayon dahil may mga kailangang asikasuhin sa trabaho."
"Sigurado ka bang trabaho 'yon?" pagbibiro pa ni Janice.
"Sigurado ako doon," mabilis na tugon niya, may bumahid na inis sa tono. "Hindi n'ya ako lolokohin." Sigurado siya doon. Nagtitiwala siya sa salita ni Bernard.
"Oh," may dumaang pagkamangha sa mukha ni Janice. "Nagbibiro lang naman ako, Stefie. Mukhang addicted ka na talaga sa lalaking 'yon, ha? Siya na ba ang pumalit kay Kenneth diyan sa puso mo?"
Napatingin siya sa kaibigan at mabilis na napailing. "No," sagot niya. "G-Gusto ko lang makasama si B— siya," nauutal na wika ni Stefie. "Hanggang doon lang 'yon. Walang feelings na involved. At tungkol kay Kenneth, matagal ko na siyang inalis sa puso ko. Kailangan ko nang alagaan ang puso ko para hindi na muli akong masaktan."
Bumuntong-hininga si Janice at lumapit sa kanya. "Huwag mo iwasang ma-in love uli, Stefie," malungkot na payo nito. "Hindi naman dahil pinagtaksilan ka ni Kenneth noon ay gagawin na iyon ng lahat ng lalaking makikilala mo. Hindi dahil nasaktan ka noong magmahal ka ay masasaktan ka uli kapag ginawa mo 'yon."
Ngumiti na lang siya at iniiwas na ang topic sa kanya. "Gusto ko sanang magkape, puwede mo ba akong ipagtimpla, Jan? Magpapahinga lang ako sandali sa tabi ni Krissa. Please?"
Naiiling na napabuntong-hininga si Janice. "Gabing-gabi na pero nagkakape ka pa rin?" natatawang wika nito.
"Ganito na talaga kami," ani pa niya bago lumakad papunta sa kama at naupo sa gilid niyon. "Ganoon din si Kuya Martin kaya kung gusto mo, timplahan mo na rin siya," pagbibiro niya pa. Mahusay gumawa ng kape si Janice. Iyon ang dahilan kaya humihiling siya ng ganoon sa kaibigan.
Muling napailing si Janice pero wala na ring nagawa kundi ang pagbigyan siya. Pagkalabas nito sa kuwarto ay marahan na siyang humiga sa tabi ni Krissa. Pinagmasdan niya ang natutulog nitong mukha ng ilang sandali. Gusto niya ring magkaroon ng sariling anak balang-araw. Gusto niyang magkaroon ng sariling pamilya. Pero gusto niyang mabuo iyon dahil sa pagmamahalan.
Humugot siya ng malalim na hininga at muling bumalik sa pagkakaupo. Tumayo siya at lumakad patungo sa kinapapatungan ng dalang handbag para kunin doon ang cell phone. Tiningnan niya ang aparato at naiinis na ibinalik iyon sa bag nang makitang wala man lang mensahe mula kay Bernard. Hindi pa ba siya uli nito tatawagan? Sobra-sobra na ang pagka-miss niya dito kahit ilang araw na lang naman ay makikita niya na uli ang lalaki.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 1: Bernard Buenaventura
RomanceStefie was very satisfied with her life. Kahit na hindi niya nakukuha ang lahat ng mga materyal na ninanais sa buhay, masaya na siya na nasa tabi ang minamahal na nobyo sa loob ng mahabang panahon, si Kenneth Abiera. Nais niyang maipakita sa lalaki...