Chapter 42.1

5.2K 112 3
                                    

DAHAN-DAHANG iminulat ni Stefie ang mga mata at agad na napangiti nang sumalubong ang guwapong mukha ni Bernard na nakamasid lang sa kanya. Subalit biglang kumunot ang noo niya nang maigala ang paningin at mapansing nasa loob siya ng isang hospital room. Itinaas niya ang kaliwang kamay at napaungol pagkakita sa nakakabit na IV doon. Saka lang bumalik sa alaala niya ang huling naganap bago siya mawalan ng malay.

"Ayos na ba ang pakiramdam mo, Stefie?" nag-aalalang hinaplos ni Bernard ang pisngi niya.

Si Bernard lang ang nasa loob ng kuwartong iyon. Hindi niya alam kung nasaan ang huli niyang kausap na sina Kuya Martin at si Ren. Bumuntong-hininga si Stefie at tumango. "Bakit ako nasa ospital?" lumabi pa siya.

"Dahil nawalan ka ng malay kanina," tugon ni Bernard sa mahinahong tinig.

"Gusto ko nang umuwi," ungot niya pa. Pinilit niyang maupo subalit agad naman siyang napigilan ni Bernard. "Come here," bahagya siyang umisod ng higa para pahigain ang lalaki sa tabi niya. Bigla ay na-miss niya ito. Pakiramdam ni Stefie ay nais niya lang langhapin ang mabango nitong amoy.

Tila nag-alangan pa si Bernard sa hiling niya pero dahil sa nakikita nitong pagmamakaawa sa mga mata niya ay pumayag na rin ang lalaki. Maingat itong nahiga sa kanyang tabi.

Ngumiti si Stefie at isinubsob ang mukha sa leeg ng nobyo. "You smell so good," sinimulan niya nang pugpugin ng halik ang leeg ng lalaki.

"S-Stefie," bahagya siyang inilayo ng nobyo para patigilin.

Tiningnan niya ito ng masama. "You don't want it?" naiinis na tanong niya. Gusto niya lang naman langhapin ang amoy nito, ah?

"Hindi sa gano'n, sweetie," hinaplos pa nito ang mukha niya. "Nasa ospital tayo. Baka hindi ko mapigilan ang sarili ko."

Ngumiti si Stefie at kumislap ang mga mata. "Ayos lang 'yon," sabi niya pa. "Puwede naman nating i-lock ang pinto."

Mahinang tumawa si Bernard at pinisil ang pisngi niya. "Sabi ng doktor ay kailangan mo ng bed rest, sweetie. Hindi ka puwedeng mapagod ngayon. Hindi puwedeng humina ang resistensya mo."

Biglang nakaramdam ng panlulumo si Stefie. "Bakit? May sakit ba ako?" nag-aalalang tanong niya pa.

Umiling si Bernard. Bigla siyang nagtaka sa kaseryosohang bumahid sa mga mata ng nobyo. May nangyari ba?

Lumapit ito sa kanya at dinampian ng halik ang kanyang noo. "Since when, Stefie?" mahinang tanong nito maya-maya.

Napatingin siya sa lalaki, puno ng pagtataka ang mga mata. Hindi niya magawang maintindihan ang tanong nito.

"Since when did you stop taking pills?" patuloy ni Bernard.

Nagulat si Stefie sa tanong ng lalaki. Paano nito nalaman ang— Napasinghap siya at napahawak sa sariling tiyan. Was she? Was she? Ibinalik niya ang tingin kay Bernard, may pagtatanong na sa mga mata.

Lumamlam ang mga mata ni Bernard habang hindi inaalis ang pagkakatitig sa kanya. "M-Magkakaroon na tayo ng anak, sweetie," puno ng kaseryosohang sabi nito, pero sa likod niyon ay ang pagkasabik na hindi magawang itago. "Sinabi ng doktor na anim na linggo ka nang nagdadalang-tao."

Natutop na ni Stefie ang sariling bibig. Dumaloy na rin ang mga luha sa mukha niya nang hindi niya inaasahan. Simula nang aminin niya sa sarili ang pagmamahal kay Bernard, tinigilan niya na rin ang pag-take ng pills subalit hindi ipinaalam iyon sa lalaki. Naisip niya na kung mahal ito, hahayaan niyang magbunga ang nangyayari sa kanila.

Animo'y sasabog na ang puso niya dahil sa saya at pagkasabik. Anak? Dinadala niya na ngayon ang anak ng lalaking ito. Mabilis niyang isinubsob ang mukha sa leeg ng nobyo at napaiyak na ng tuluyan.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 1: Bernard BuenaventuraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon