NAIINIS na napabuntong-hininga si Stefie nang makarinig ng sunod-sunod na pagkatok sa pinto ng bahay na nirerentahan niya nang hapong iyon ng Sabado. Kanina pa siyang abala sa pagbabasa ng mga librong pinamili noong nakaraang linggo. Mabilis niyang itinago sa loob ng drawer ng bedside table ang libro, inilagay niya pa iyon sa pinakailalim na bahagi.
Inayos niya muna ang sariling buhok bago tumayo mula sa kama at lumakad patungo sa front door. Binuksan niya iyon at agad na bumungad ang mukha ni Kuya Martin. Nagtaka pa siya sa mga dala nitong grocery bags. Mabilis na itong pumasok sa loob.
"Para saan ang mga 'yan?" tanong niya.
"Para sa kaarawan mo sa darating na Biyernes," sagot nito. "Hindi ba sabi mo ay balak mong maghanda ng lunch na lamang dito? Sasagutin ko na ang lahat ng nais mong ihanda. Sabihin mo kung may kulang pa."
Napangiti si Stefie. "Palagi mo namang sinasagot ang panghanda ko noon pa," naiiling na sabi niya. Akmang isasara niya na ang pinto nang pigilan siya ng kapatid.
"Sandali, may ilan pang groceries sa labas," ani Kuya Martin bago naglakad patungo sa kusina.
"Ako na ang kukuha," pahabol niya.
"Huwag na," sagot naman ng kapatid. "Kasama ko si Bernard."
Pakiramdam ni Stefie ay tumigil ang tibok ng puso niya sa narinig. Kasama nito si Bernard? Nakabalik na si Bernard sa bansa? Kailan pa? Bakit hindi man lang ito tumawag sa kanya?
Napatigil siya sa pag-iisip at napatingin sa pinto nang makita ang pagpasok doon ni Bernard dala ang ilan pang bags ng groceries. Agad na nagsalubong ang mga mata nila. Ganoon pa rin ang itsura nito. Pero pakiramdam ni Stefie ay napakatagal na panahon niya itong hindi nakita.
Ang unang instinct ni Stefie ay yakapin ito at halikan ng mariin sa labi subalit hindi niya nagawa nang marinig ang muling pagsasalita ng kapatid.
"Pasensiya ka na kung isinama ko dito si Bernard, Stefie," wika ni Kuya Martin bago kinuha kay Bernard ang mga dala ng lalaki.
Humarap si Stefie sa kapatid. "B-Bakit kayo m-magkasama?" nauutal na tanong niya. Damn, hindi dapat siya umakto ng ganito sa harap ng kapatid. Siguradong magtataka ito.
"Kababalik niya lang dito sa bansa ngayong araw at ako na ang sumundo sa kanya sa airport dahil may kailangan kaming pag-usapan patungkol sa nais kong itayong panibagong business. I'm having a partnership with him," sagot ni Kuya Martin, nahihimigan sa tono nito ang excitement. Ganoon talaga ang kapatid kapag negosyo ang pinag-uusapan. Pinalaki ito ng namayapa nilang ama na maging business-minded.
Tumango-tango si Stefie bago sumulyap kay Bernard. Nakatayo lamang ito habang hindi pa rin inaalis ang tingin sa kanya. Nararamdaman niya na ang pag-iinit ng sariling mukha. Bigla ay nakaramdam siya ng awkwardness dahil hindi na tulad ng dati ang reaksiyon niya tuwing isinasama ito ng kapatid sa bahay nila.
"Well, sana naman ay hindi kayo mag-away na dalawa ngayon," dagdag pa ng kapatid, tinutukoy silang dalawa ni Bernard. "May makakain ka ba diyan, Stefie? Gutom na ako, mukhang nagugutom na rin itong si Bernard."
"Oh," humugot siya ng malalim na hininga para kalmahin ang nagwawalang kalooban. Gusto niyang kausapin si Bernard, magtanong ng kung anu-ano pero kailangan niya pang maghintay. "A-Ano ba ang gusto n'yong kainin?" tanong niya sa kapatid.
Napaisip si Kuya Martin. "Mukhang mas maayos kung pang-dinner na ang lutuin mo. Ayos lang ba na dito ka na mag-hapunan, pare?" baling nito kay Bernard.
Tumingin si Bernard kay Kuya Martin. "W-Walang problema," tila nag-aalangan pang tugon nito.
Hindi magawang makapaniwala si Stefie sa alok ng kapatid. "H-Hanggang hapunan ka dito, Kuya?" hindi sinasadyang naitanong niya. Huli na para bawiin ang mga salitang iyon.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 1: Bernard Buenaventura
RomantikStefie was very satisfied with her life. Kahit na hindi niya nakukuha ang lahat ng mga materyal na ninanais sa buhay, masaya na siya na nasa tabi ang minamahal na nobyo sa loob ng mahabang panahon, si Kenneth Abiera. Nais niyang maipakita sa lalaki...