INAYOS ni Stefie ang pagkakalapat ng simpleng white dress na kanyang suot habang nakaupo sa isa sa mga silyang naroroon. Kasalukuyan siyang nasa mansiyon ng mga Buenaventura dahil sa isang okasyon na dinaluhan nila ng kanyang Kuya Martin.
Hindi niya alam kung maganda ba siya sa damit na ito subalit sana ay mapansin siya ni Bernard. Agad na bumilis ang tibok ng puso niya nang matanaw ang lalaki papalapit.
Tumayo si Stefie mula sa pagkakaupo at akmang hahakbang palapit dito nang maharangan siya ni Kenneth.
"Wow, Stefie, ikaw ba 'yan?" puno ng paghangang pinasadahan nito ng tingin ang kabuuan niya. "Napakaganda mo ngayon, ah?"
Malawak na napangiti si Stefie dahil sa papuring iyon. Palagi na lang talaga siyang pinupuri ni Kenneth, kahit sa simpleng mga bagay lamang.
"Puwede ko bang maisayaw ang magandang babaeng katulad mo?" inilahad pa ni Kenneth ang kamay.
Dahil hindi gustong maipahiya ang lalaki ay tinanggap ni Stefie ang kamay nito at nagpagiya sa kumpol ng mga nagsasayaw. Habang sumasabay sa saliw ng tugtog ay hinahanap naman ng kanyang mga mata si Bernard.
Animo'y may pumiga sa puso niya nang makita ang lalaking may katawanang isang magandang babae. Isang babaeng nababagay dito. Iniiwas ni Stefie ang tingin sa mga ito at itinutok kay Kenneth.
"M-Marami bang babaeng may gusto kay Bernard?" hindi na niya napigilang itanong.
"Kay Bernard?" naiiling na napatawa si Kenneth. "Halos araw-araw ay iba ang mga babaeng dine-date ng lalaking 'yon. At hindi lang basta-basta, all of them we're pretty and hot. Iyon naman kasi ang tipo ni Bernard, eh. Hindi naman siya nahihirapang kumuha ng babae dahil mapera siya."
Iniiwas na lamang ni Stefie ang tingin nang maramdaman ang pangingilid ng mga luha. Hindi isang tulad niya, bulong ng isang parte ng kanyang isipan. Bakit pa ba siya umaasa na mapapansin siya ni Bernard gayong hindi naman siya nito nilalapitan kung hindi siya ang mauuna? Ano ba namang panama ng isang high school student na katulad niya sa mga babaeng dine-date nito?
Hindi siya magugustuhan ng lalaki. Iyon ang katotohanang ipinipilit ng kanyang isipan subalit ayaw tanggapin ng puso.
"Pero para sa akin ay ikaw na ang pinakamagandang babaeng nakita ko," wika pa ni Kenneth. "Matagal na kitang gusto, Stefie. Ako na lang ang tingnan mo. Ipinapangako ko na aalagaan at poprotektahan kita. Hinding-hindi kita sasaktan."
Ibinalik ni Stefie ang tingin kay Kenneth at nakita ang kaseryosohang nasa mga mata ng lalaki. Tama, bakit ka pa ba tumitingin sa lalaking hindi ka naman napapag-ukulan ng pansin, Stefie? bulong ng kanyang isipan. Huwag mong aksayahin ang oras mo sa pangangarap lang. Kalimutan mo na ang nararamdaman mo sa Bernard na 'yon. Hindi siya nababagay sa tulad mo. Si Kenneth ang nakatingin sa'yo, si Kenneth ang nakakapansin sa'yo. Huwag mo nang pahirapan ang puso mo.
Ipinikit niya ang mga mata at hinayaang maglandas ang mga luha sa mukha. Hinayaan niya na lang ang sariling magpatangay sa yakap ni Kenneth. Sobrang sakit ng kaisipang hindi siya mapapansin ni Bernard kahit na kailan. Nagagalit siya sa lalaki dahil hindi nito makita ang nararamdaman niya...
SUBALIT kahit na ilang beses na patigilin ni Stefie ang sarili sa pag-asam na mapapansin siya ni Bernard ay hindi pa rin magawa. Lumabas siya ng sariling kuwarto para bumaba at tingnan kung naroroon pa si Bernard. Inimbitahan uli ni Kuya Martin ang mga kaibigan nito na kumain dito ng hapunan at hinihiling niya na hindi pa nakakaalis ang mga ito.
Naisipan niyang magtanong kay Bernard ng patungkol sa tipong babae ni Kenneth. Pero ang totoo ay nais niya lang din malaman kung ano ang tipong babae ni Bernard. Narinig ni Stefie na magkakatulad din daw ng ideal types ang mga malalapit na magkakaibigan. Siyempre, nakakahiya namang magtanong ng deretso sa lalaking gusto mo, hindi ba? At para hindi nito mahalata ay magpapanggap siyang interesado kay Kenneth.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 1: Bernard Buenaventura
RomanceStefie was very satisfied with her life. Kahit na hindi niya nakukuha ang lahat ng mga materyal na ninanais sa buhay, masaya na siya na nasa tabi ang minamahal na nobyo sa loob ng mahabang panahon, si Kenneth Abiera. Nais niyang maipakita sa lalaki...