Masayang sinalubong ni Senyor Fernando ang pumaradang kotse sa tapat ng kanyang bahay. Alam niyang ang anak at ang apo ang lulan nito.
Maya maya ay bumaba na si Gavin buhat ang anak. Hindi napigilan ng Senyor ang maiyak sa sobrang tuwa. May halos tatlong taon na ang nakalipas ng huling tumuntong ng Hacienda ang lalaki. Nang maaksidente ito na naging sanhi ng pagkamatay ng asawa ay di na ito nakausap ng matino.
Matagal na niya itong kinukumbinsi na magbalik na sa Hacienda at pamahalaan ang kanilang ari arian na ipapamana sa kanya subalit ayaw nito. Kaya ng tumawag ito sa kanya at sinabing uuwi na ay masayang masaya siya. Matanda na siya at mas magiging kumpleto ang natitira pa niyang buhay kung makakapiling niya ang anak at apo.
Yumakap si Gavin sa ama matapos kunin ni Mameng ang karga niyang anak. Si Mameng ang naging yaya niya noong maliit pa siya. Ginawaran niya ng halik ang noo ng umiiyak na yaya.
"Maligayang pagbabalik anak!..", masayang sabi ni Senyor.
"Salamat papa.. Pasensya ka na kung ngayon ko lang nadesisyunan ang pagbabalik ko. Inayos ko na munang lahat ng iniwanan kong negosyo sa maynila para wala na akong alalahanin pa sa pag uwi namin dito ni Letlet.", masayang balita nito sa ama.
Matanda na ang ama niya at nag iisa, kaya nagdesisyon na siyang iwanan ang maingay na lungsod at samahan ang Senyor sa pagtanda nito. At pag aralan ang pamamahala sa kanilang Hacienda. Dito sa payapa at simpleng lugar na ito niya nais palakihin ang kanyang anak.
Masayang nag akbay ang mag ama papasok sa loob ng malaking bahay. Nang may madinig silang tunog ng pupugak pugak na sasakyan.
"Si Elena na marahil ang dumating. Sandali lang Gavin at titignan ko muna.'', paalam kay Gavin ni Senyor. Sumilip sa bintana si Gavin upang tignan kung sinong Elena ang tinutukoy ng ama.
Nakita ng Senyor na pawisan at may grasa ang mukha ni Elena nang bumaba ito mula sa sasakyan. Pinigil ng Senyor ang matawa.
"Magandang umaga po Senyor!.", nakangiting bati nito.
"Bakit ganyan ang itsura mo, nasiraan ka na naman ano?'', tanong ng Senyor.
Napakamot ng ulo si Elena, pagkatapos ay sumampa sa hood ng owner..
"Tinoyo na naman po si Harabas eh…pero kita nyo naman nakauwi pa kami ng buhay.", nakatawa nitong sabi at saka tumalon pababa. Harabas ang ipinangalan niya sa may kalumaan ng owner.
"O siya sige saka na natin pag usapan yan. Halika sa loob at may ipapakilala ako sayo.", at inakay na ng Senyor ang dalaga papasok.
Nagmamadali namang umalis sa bintana si Gavin at umupo sa sofa habang kunyari ay may binabasa.
"Gavin natatandaan mo pa ba itong si Elena ha?.. Siya yung...", naputol ang sasabihin ng Senyor ng sumagot agad si Gavin.
"Hindi masyado papa.."
"Ikaw Elena natatandaan mo pa ba si Gavin?", tanong nito.
Dahil napahiya sa narinig na sagot ni Gavin ay gumanti si Elena..
"Opo Senyor… hindi ko po makakalimutan si Senyorito Gavin dahil siya po ang pinaka mabait ninyong anak!", pa eksaheradong sagot ni Elena. Umirap pa ito kay Gavin.
Natawa ang Senyor. Inimbitahan ng Senyor na maghapunan si Elena subalit magalang itong tumanggi. Nagpaalam ito na may aayusin pa at tuluyan ng lumabas ng pintuan.
BINABASA MO ANG
Hidden Agenda: Paibigin ka
RomanceNaisipan ni Gavin mamasyal. Sinakyan niya ang paboritong kabayong si Brutus, at saka pinitik sa puwitan. "Ya!" Kumaripas na si Brutus ugang libutin ang malawak na lupain ng Hacienda Hermosa. Nang makaramdam ng pagod, pinahinto niya ito at saka bum...