CHAPTER 31: Life X Vengeance

243 33 7
                                    

Ate Bel

Umatras ako. Bakit ganon? Imbes na matakot siya sa kanyang nakikita ay parang natutuwa pa siya? Humakbang siya palapit sa akin. Umatras ulit ako.

Humarang ang mga itim na anino. Alam kong tutulungan nila ako! Luminga-linga ako sa paligid. Sarado ang mga bintana na natatapalan pa ng mga nakapakong kahoy. Tiningnan ko ang pinto. Nakasara ito mula sa loob.

Saan ako tatakbo kapag nagkataon? Paano kung walang epekto ang nakikita niya dahil sa utak niyang hindi ko mawari kung matino pa ba o hindi! Napayakap ako sa aking sarili. Nanginginig ang mga tuhod kong humakbang palayo.

Ethan! Please, tulungan mo ako! I'm sorry dahil hindi pa ako tumakas kanina. I'm sorry dahil parati na lang akong nangunguna, parati na lang akong napapahamak dahil padalos dalos akong kumilos. Hindi ko inaasahang ganito ang mangyayari! 

Sinubukan kong huminahon at umarteng matapang.

"Nakikita mo ba sila? Nandito sila para maghiganti sa'yo! Hindi ka ba nakokonsensya sa ginawa mo sa kanila?" Pananakot ko.

Tumawa siya na parang hindi naniniwala sa aking sinasabi. Baliw! Ngayon lang ako nakakita ng taong hindi man lang natatakot sa multo.

"Matagal ko na silang nakikita, Belinda!" Nakamulagat niyang sabi.

Napaawang ang bibig ko. Ibig sabihin matagal na niyang alam na nakakapit ang kapatid niya sa kanya! Tumawa siyang muli. Napangiwi ako. Patay! Anong gagawin ko?

"Chesca, mabubuhay ka na. Mabubuhay na ulit kayo. Ayaw niyo ba?" Parang tanga niyang tanong sa mga anino. Nakakausap niya ba ang mga ito?

Lumulutang sa hangin na lumingon sa akin ang mga anino. Nanlaki ang aking mga mata nang bigla na lang silang lumitaw sa aking harapin. Pinalis ko sila gamit ang aking mga kamay. Nawala pero muli silang lumitaw. Naramdaman ko ang pagkapit ng isa sa aking likuran.

Hindi! Hinawakan ko ang kanyang kamay. Nakita ko ang tunay niyang anyo sa likod ng itim na enerhiya. Isang maputing babaeng may matatabang mga bisig. Hinawakan ng isa pa ang aking kamay. Nagpumiglas ako at muling hinawi ang tatlong multong kumukuyog sa akin.

"Hindi kayo muling mabubuhay kahit anong gawin ninyo! Bakit niyo siya pinaniniwalaan! Siya ang pumatay sa inyo!" Desperado kong sigaw habang pinipilit na tanggalin ang pagkakapit nila sa akin. 

Kakagalaw ko ay tumumba ako sa sahig. Hinihingal at pinagpapawisan ang buo kong katawan! Nanginginig ang mga kamay ko nang itukod ko ito sa sahig. Ayaw akong lubayan ng mga multo! Hindi ako makatayo, ang bigat nila! Ngayon lang nangyari ang ganito. Ang mga multong ito mas nananaig ang kagustuhan nilang mabuhay muli kaysa maghiganti sa taong pumatay sa kanila.

Anong sinabi ni Nikko para maniwala sila na muli silang mabubuhay! Pare-pareho silang mga baliw! Muli akong nagpumiglas pero patuloy lang nila akong dinaganan. Humihingal na ako nang sobra. Nanghihina na ang aking katawan. Pumipikit na ang aking mga mata. Pagod na ako! 

Pinaling ko ang aking ulo. Nakita ko si Nikko na naglalabas ng isa pang garapon. Kinuha niya ang kutsilyong nakapatong sa mesa. Napakakalmado ng kanyang kilos. Alam na alam niya ang kanyang ginagawa.

Naririnig ko pa rin ang sigaw ni Len sa ikalawang palapag. Naririnig niya rin kaya ako? Wala na bang pag-asang makatakas kami rito? Hindi ko na ba talaga magagawang iligtas siya?

Makukuha na rin ba ang puso ko? Ang puso kong hindi man lang nakaranas ng tunay na pag-ibig. Hindi ko na masasabi kay Ethan na mahal ko siya. Namuo ang luha sa aking mga mata. Hindi ko na napigilang hindi ito tumulo. Tuloy-tuloy itong umagos sa aking pisngi. Suminghap ako nang suminghap na parang bata.

Loving You Behind The Scene (Bel and Ethan Love Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon