Chapter 78: Who?

255 33 22
                                    

Bel

Lumakad ako palayo sa morge. Gusto kong lumayo sa sakit at sa pagluluksa. May konting pag-asa pa rin sa puso ko na makakasalubong ko ang kaluluwa ni Nina. Sinong pumatay sa kanya?

Sa sobrang kalungkutan ay hindi ko na namalayan na napalayo na ako. Napatigil ako sa paglalakad nang makaramdaman ng kakaibang hangin na umaaligid sa paligid. Napakunot ang noo ko. Kakaibang presensya ang parang nakamasid sa akin.

Humakbang ako habang lilinga-linga sa paligid. Saan nanggagaling ang hangin na iyon? Lumakad pa ako sa gilid ng kalsada na ang katabi ay mga puno at halaman. May sirang waiting shed malapit sa aking kinatatayuan, parang doon nanggagaling ang kakaibang enerhiya. Dahan-dahan akong lumapit.

Hindi pa ako nakakarating ay biglang may humila sa akin. Sa isang iglap ay nakaladkad niya ako sa likod ng isang malaking puno. Napa-ungol ako sa sakit nang ibalya niya ako sa kahoy sabay madiing takip sa aking bibig. Papalag sana ako pero naramdaman ko ang isang matulis na bagay sa aking tagiliran.

Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang isang malaking lalaking nakasuot ng itim na hood. Napapalibutan siya ng itim na awra. Napasinghap ako nang mapagmasdan ang namumula niyang mga mata. Sino siya?

"Kumusta ka na? Ang tagal na nating hindi nagkikita!" Nakakatakot niyang usal.

Natigilan ako! Anong sinasabi niya? Tinitigan ko ang kanyang mukha. Napakadilim ng kanyang itsura! Kilala ko ba siya? Kilala niya ba ako? Napakunot ang noo ko sa sobrang pagtataka.

"Kahit saan ka magpunta, mahahanap kita! Hindi ka makakatakas! Kahit kanino ka pa dumikit, hindi ka nila maililigtas! Nawala na ang isa, susunod na ang dalawa! Layuan mo sila kung ayaw mong pati sila madamay! Wala na ang kaibigan mong si Nina, napatay ko na siya- hindi ka na niya maitatago sa akin!" Malademonyo niyang usal na parang gusto niya akong lapain.

Namuo ang luha sa aking mga mata. Napasinghap ako. Siya ang pumatay kay Nina!

"Sino ang gusto mong mauna? Boyfriend mo o asawa ni Nina?" Nakakatakot niyang tanong.

Nanginig ang mga tuhod ko. Lalong nanlaki ang aking mga mata. Si Ethan at Reyden- papatayin niya! Umakyat ang lahat ng galit at pagkamuhi sa aking isipan. Humihingal kong tinawag ang hangin sa paligid.

"Hindi mo sila maililigtas, wala kang magagawa kapag oras na nila!" Pagbabanta niya bago niya ako marahas na binitawan.

Nanlilisik ang mga mata kong tumitig sa kanya. Sumigaw ako dahil sa inis. Bakit niya pinatay si Nina? Umikot ang hangin paikot sa aming dalawa. Nararamdaman ko na naman ang pag-iiba ng kulay ng aking buhok at mata. "Sino ka?" Nagngangalit kong tanong.

Ngumisi siya sabay tawa. "Magkikita ulit tayo, BE-LIN-DA!" Yun lang at bigla na lang siyang naglaho na parang bula. Saan siya nagpunta?

Luminga-linga ako sa paligid. Humihingal akong nagpaikot-ikot. Para akong nababaliw! Napahawak ako sa aking ulo sabay iyak.

Kung totoo ang sinasabi niya, ako ang dahilan kung bakit namatay si Nina! Ako ang dahilan kung bakit siya pinatay ng lalaking iyon. Sino ang lalaking iyon? Anong ibig niyang sabihin! Anong kailangan niya sa akin? Bakit niya papatayin ang lahat ng malapit sa akin? Hindi ko maintindihan! May kinalaman ba siya sa aking nakaraan?

Sumisinghap kong kinalma ang aking sarili. Anong gagawin ko? Biglang sumagi sa isip ko si Ethan at Reyden. Tumakbo ako pabalik sa pinanggalingan ko kanina. Hingal na hingal akong nakabalik sa pinto ng morge. Nakita ko silang dalawa na nasa loob pa rin at kinakausap ang staff. Napahinga ako nang malalim, okay lang sial!

Muli akong luminga sa paligid. Sigurado akong nasa panganib silang dalawa!

---------------------------------------------

Loving You Behind The Scene (Bel and Ethan Love Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon