Chapter One, Part Two

569 17 1
                                    

"Here. Ako na, Miss."

"I got this, Jeff," reassurance niya sa isang crew nang tangkaing kunin sa kanya ang tray na may lamang dalawang frappe. "Paki-check na lang ng table 10. Baka may kailangan sila."

Dinala niya ang tray sa likurang porch ng coffee shop. Nakasandal sa railing ang best friend na si Hush, matamang pinagmamasdan siya. Inabot niya dito ang frappe nito at sumandal din sa railing, paharap sa loob ng StarCoffee.

"Have you ever had the urge to do something crazy, Spice? Kahit minsan man lang sa buhay mo?"

Napatigil ang tangkang pagsimsim niya sa iniinom at bumaling sa kaibigan. "Bakit?" aniya, bahagyang naguluhan sa tanong nito. Nang puntahan siya nito doon nang hapong iyon, sinabi niya ang mga agam-agam niya. At iyon ang itinanong nito.

"You see..." ani Hush na mukhang pinag-iisipan pa ang tamang salitang gagamitin. "Nang mawala ang parents mo, ibinuhos mo ang lahat ng oras at lakas mo sa pag-aaral at sa pagtulong dito sa coffee shop para lang maging karapat-dapat sa responsibilidad na ipinagkatiwala nila sa'yo. At ginagawa mo iyon sa paraang iyon na lang ang dahilan kung bakit ka nabubuhay. You would smile at the customers because it's your role to make them feel welcome. Iyon na ang naging purpose mo. At hindi dahil masaya ka kaya ka ngumingiti."

Nagbara ang lalamunan niya. "Hush..."

"Pero mula nang magkalapit kayo ni Bass, nagkaroon ng buhay ang mga mata mo. Nagsimula kang mag-open up uli sa'kin. For the first time since you lost your parents, you seem... happy. He makes you happy."

"He does," aniya, naramdaman ang tila kamay na humaplos sa dibdib niya sa mga narinig.

"Spice," ani Hush, tinitigan siya. "Sa kauna-unahang beses sa buhay mo, tumibok ang puso mo sa isang lalaki. At sana ipaglaban mo iyon at hindi sasarilinin."

"Hindi ko kayang magtapat sa kanya, Hush. Kung iyan ang gusto mong sabihin."

"Paano nga kung gumawa ka ng isang bagay na hindi mo kayang gawin, pero gagawin mo for the sake of your happiness?"

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Seduce him."

"Hush!" saway niya dito, lumingon sa loob. Nakita niya ang assistant na si Meredith na may kausap na isang customer. Kahit na may salaming nakapagitan at silang dalawa lang ni Hush ang nasa balcony, mas mabuti kung hindi nito lalakasan ang boses kung ganoon ang sasabihin nito.

"Teka lang, makinig ka muna," anito. "Hindi ko hahayaang mag-confess ka sa kanya, okay? That would be like exposing your heart and giving him a free way to break it. My God, nagawa ko na iyon minsan sa isang lalaki. And believe me, nang ma-reject ako, habang-buhay na akong binago niyon." May dumaang pait sa mga mata ni Hush at alam niya kung sino ang tinutukoy nito, bagaman hindi ang buong pangyayari. Ipinilig nito ang ulo at ipinagpatuloy ang pagsasalita. "Anyway, idaan natin sa ibang paraan para malaman mo na intresado siya sa'yo bilang isang babae."

"At gusto mong i-seduce ko siya?" hindi makapaniwalang tanong niya. Hindi palakuwento si Hush tungkol sa love life nito kaya nagugulat siya sa mga pinagsasabi nito ngayon.

Their friendship started since grade school. Pareho silang taga-Victoria Island. Nang mag-kolehiyo, sa Decorus Exclusive School for Girls sa Manila nag-aral bagaman magkaiba ng kurso at sa dormitory nag-i-stay si Hush. Malapit sila sa isa't isa sa kabila nang magkaibang personalidad nila.

Mula pagkabata, si Spice na ang tipo ng estudyante na laging nakatuon ang atensiyon sa mga libro. Tahimik pero opinionated sa klase. Okay lang sa kanya ang makipag-socialize, pero mas prefer ang comfort ng solitude. At nang maulila, mas lalong naging reserved. Samantalang likas na sociable at active si Hush. At kung hindi niya pinapansin ang mga nagtangkang magpalipad hangin sa kanya, Hush knew how to play with boys. Attractive at maganda ito. Liberated at playgirl nga ang tingin dito ng ibang tao. Pero kilala niya ang kaibigan. Alam niyang front lang nito ang imaheng iyon para pagtakpan ang katotohanang minsan na itong nasaktan.

Spice's other friends gave up on her when she isolated herself after her parents' death, but Hush stayed. Hindi siya iniwan kahit noong mga panahong nagagapi na siya nang matinding pighati at lungkot.

Sa kasalukuyan, nag-a-apply ng mapapasukan si Hush bilang Chef. Inalok niya itong tulungan, pero tumanggi ito. Tama na daw dito ang pag-pa-part time nito sa StarCoffee dati, at ngayon gusto nitong makapaghanap ng trabaho na pinaghirapan nitong makuha. At naiintindihan niya ito, dahil ganoon si Hush. Hindi nito gustong umasa kahit na kanino.

"Just flirt with him a little," ani Hush na natatawa na. "For sure, Bass noticed how good you look in your pretty uniform. At siyempre, hindi mo na kailangang mag-make up. You're perfect as you are. Pero paano kung magsuot ka din ng sexy dresses kapag wala ka sa work?"

"Bakit ko gagawin iyon?" aniya.

Isang high-waist black skirt at black polo shirt na naka-tucked in ang uniform ng lahat ng female staffs sa StarCoffee. Noong buhay pa ang kanyang ina, gusto nitong lagi siyang nag-aayos at sumusunod siya para i-please ito. Kapag may social gathering, sinisiguro nito na siya ang may pinakamagandang dress na suot. Pero nang mawala ito, she also lost her reason to doll up. Okay na sa kanya ang jeans at t-shirts. And shorts, but with oversized shirts. Hindi rin siya nag-mi-make up, maliban sa powder at lip gloss kapag pumupunta sa coffee shop para maging presentable. Maliban doon, wala na siyang pakialam sa hitsura niya.

Pero mas gusto kaya ni Bass ang babaeng laging naka-dress at naka-make up? Ganoon ang ex-fiancé nito. Very feminine and beautiful. Ipinilig niya ang ulo. Kung magugustuhan siya ni Bass, dapat ay magustuhan siya nito bilang siya.

"Spice, brokenhearted si Bass. Mahina siya ngayon. Kapag nilandi iyon, bibigay agad. Lalo na kung attracted na siya sa'yo, na feeling ko talaga, oo. Ayaw lang kumilos dahil hindi pa handang pumasok uli sa isang relasyon. At hindi ka naman ang babaeng puwedeng maka-friends with benefits. Obvious sa kahit na kaninong kalahi ni Adan na kapag nilandi ka, kailangang pangakuan ng commitment. Because you are that forever kind of woman. At nakikita iyon ni Bass."

"For the nth time, Hush, kaibigan lang ang tingin niya sa akin," exasperated na sabi niya.

"Then gawin mong maging intresado siya sa'yo bilang isang babae. Magsimula tayo sa physical attraction, hanggang sa dahan-dahang muling bumukas ang puso niya para muling magmahal. So first, you have to show him that you're fuckable. Magsuot ka na nang mga sexy na damit. At kapag napansin mong napapalunok siya at parang gusto kang kainin ng buo at iuwi sa kuwarto niya, puwede mo nang halikan."

"Oh my God." Mainit na mainit na ang kanyang buong mukha. Wala pa man siyang karanasan, pero hindi siya ganoon ka-naïve. Nakapagbasa na siya ng mga libro na may detailed bed scenes at nakasaksi ng act na iyon. Pero natural na naiilang siya sa ganoong usapan.

Malakas na natawa si Hush sa reaksiyon niya. "Hey, nag-su-suggest lang ako." Tumikhim ito at sumeryoso. "Kung ayaw mo, mag-isip na lang tayo ng ibang paraan. Basta, hindi puwedeng walang mangyari sa feelings mo para kay Bass. Kung natagpuan mo na ang taong makakapagpasaya sa'yo, lihim mo na lang ba siyang mamahalin kung may pag-asa naman na maging kayo?"

Sugar, Spice and Everything Hush: SpiceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon