WNHF 34: Neo naui blue side

69 3 0
                                    

Tirik na araw at asul na kalangitan, doon nakatingala si Jimin habang nakatayo sa bangka niya't dinadama ang ihip ng hanging amoy-maalat. Nang makuntento'y muli niyang diniretso ang tingin sa dagat na sinasalamin ang ilang mga ulap na pumapayong sa kanya.

Hindi niya matandaan kung anong pumasok sa kokote niya kaya siya naro'n. Wala naman kasing ibang laman ang bangka bukod sa kanya. Wala rin siyang balak lumangoy no'n—baka gusto niya lang talagang maglayag at pansamantalang iwan ang mundo.

Tumingin siya sa harap at naro'n ang tubig na walang hangganan.

Tumingin siya sa likod at gano'n pa rin; tubig na walang hangganan.

Sa kaliwa, kanan, at kahit saan pa umikot ang mga mata niya.

Hindi niya makita ang dalampasigan.

Nasa gitna siya ng kawalan.

"Jimin-ah!"

Agad na hinanap ng paningin niya ang pinanggalingan ng boses na pamilyar sa kanya.

"Jimin-ah!"

"Taeh?"

Maya-maya pa'y narinig niya na rin ang tumitilamsik na tubig sa 'di-kalayuan.

"Jimin-ah!"

Nang makita kung sa'n banda tumatawag ang kaibigan niya, hindi na siya nagdalawang-isip pang lumusong sa tubig. Mabilis niyang nilangoy ang kinaroroonan ni Taehyung na malapit nang malunod dahil sa pagkataranta.

"Taeh! Kapit ka sa'kin!" sabi niya at sinukbit sa kanyang leeg ang braso nito.

'Di pa rin siya makahanap ng balanse kaya patuloy siyang pinapasukan ng tubig sa ilong at bibig. "Jimin-ah!"

"'Wag kang magulo!"

Mahigpit pa ang pagkakahawak nito kaya maging siya'y nahihila pababa.

"Jimin-ah!"

"Malulunod tayo, Taeh!"

"Jimi—guack!"

At nasa ilalim na ng dagat ang dalawa.

Hindi makasigaw si Jimin dahil kailangan niyang magtipid ng hangin, habang si Taehyung na nakabitaw sa kanya'y naghahabol na ng hininga at tuloy-tuloy lang na lumulubog sa dilim.

Taeh!

Sinubukan niyang lumangoy pero unti-unti lang siyang inanod palayo rito.

Taeh!

Ilang segundo pa'y hindi na ito gumalaw.

Taeh!

Malapit na rin siyang maubusan ng hangin; kailangan niyang umahon pero kahit anong padyak niya'y tila may nakahawak sa paa niya't ayaw siyang paalisin.

Tulungan niyo 'ko!

Tirik na araw, asul na kalangitan, ang nalulunod na si Taehyung at mukhang pati siya. Sabay-sabay 'yong pumasok sa isip niya habang unti-unting bumibitaw ang kanyang huling hininga.

We're not Happy FamilyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon