18

8K 200 6
                                    


DALAWANG palapag ang bahay ng mga Malvar sa isang di-kalakihang subdivision sa Tagaytay. 


Hindi karangyaan subalit maganda ang pagkakadisenyo. Malaki ang solar, gayunman, dahil may mahinang ambon ay sa isang malaking veranda naroroon ang ilang mesa na okupado na rin ng mga tao na humigit-kumulang ay nasa mga dalawampu't lima. Karamihan ay mga nasa middle age. Mga kaibigan at katrabaho ng mga magulang ni Shane.

Tuluyan nang naalis ang pangamba sa dibdib ni Caroline nang mainit siyang tanggapin ng mga magulang ni Shane na sina Mr. David at Mrs. Soledad Malvar. Ipinakilala rin siya nito sa ilang mga bisitang naroroon. At maraming tukso ang tinanggap ni Shane. Na ang susunod na pagtitipon ay ang kanila nang kasal.

Maraming beses na nag-blush si Caroline sa mga papuring tinanggap niya mula sa mga kaibigan ng mga magulang ni Shane. Ilang sandali pa ay tinungo nilang tatlo nina Mike ang likod-bahay at ipinakita sa kanya ang isang tree house sa may malaking puno ng sampalok. At dahil gabi na ay naiilawan iyon ng ilang bombilyang nakakabit patungo roon. Nauna nang pumanhik si Mike sa isang makitid na hagdan na nakapako sa malaking puno.

"Wow, ang ganda naman!" she exclaimed. Itinalukbong sa kanya ni Shane ang jacket nito para hindi siya mabasa sa mahinang ambon.

"I know you will like it," nakangising sabi ni Shane. Hinawakan siya nito sa kamay at inakay patungo sa may puno ng hagdan. "Mauna ka."

She stared at him. Umangat ang kilay niya. "Para mabosohan mo ako? Lumang trick na iyan. Ikaw ang mauna."

He laughed. "Hindi ko naisip iyon. Malisyosa ka. Paano kung madulas ka, sino ang sasalo sa iyo?"

Lumabi siya. "Laking probinsiya ito, Mister. College na nang mag-Maynila ako. Walang binatbat iyang hagdang kahoy na iyan sa mga puno ng niyog na inaakyat ko sa amin sa Cavite."

A mixture of curiosity and disbelief crossed his eyes. "Really? I never thought of you as probinsiyana. Gusto kitang panooring pumanhik ng puno." He laughed.

She rolled her eyes. "Pumanhik ka na. Susunod ako."

Nakatawa pa ring naunang pumanhik si Shane bagaman nililingon siya manaka-naka at tinitiyak na maayos siyang nakakapanhik. Ilang sandali pa'y nasa balkon na sila ng tree house at sa kuwadradong mesang yari sa kawayan ay nakalatag na ang mga pagkain at tumpok-tumpok na nakalagay sa malalapad na dahon ng saging.

"Nagpapanhik na ako ng pagkain dito kaninang pagdating natin," ani Shane at itinuro sa kanya ang isang sink counter at yari din sa kawayan, isang di-kalakihang stainless steel sink ang nakalagay at may gripong nakakabit doon. "You can wash your hands. Kamayan ito."

Napansin niyang puro seafood halos ang mga pagkain. Grilled sugpo, inihaw na malaking isda, tahong, talaba, nilagang talong, bagoong, tinadtad na manggang hilaw, sibuyas at kamatis, at toyong may sili na.

At sa tingin niya ay kaldereta ay nasa isang babasaging bowl. Biglang kumalam ang sikmura ni Caroline. Lahat ng nakahaing pagkain ay gusto niya. Tinungo ang lababo na mayroon na ring maliit na sabon at naghugas ng mga kamay.

Tinabihan siya ni Shane at naghugas din ng kamay. "This is so convenient, Shane. I'm impressed. Ngayon lang ako nakakita ng kubong may gripo pa para hugasan ng kamay." Sinundan niyang tingin ang water pipe at napuna niyang sa likod ng puno iyon nakakabit, gayundin ang tubo ng gripo.

Tinanaw niya ang ilang puno at malalaking halaman sa likod-bahay. May puno ng guyabano, kaymito, santol, at kung ano-ano pang hindi na niya maalalang bigyan ng pangalan.

Coron, Iisa lang Ang Puso Ko (UNEDITED)(COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon