22

7.7K 219 5
                                    


NANG makaalis ang dalawa ay isinara ni Caroline ang pinto at pumanhik sa itaas. Sa silid nina Raquel at Lovelle siya pumasok. Malungkot na naisip niyang sa susunod na mga araw ay si Raquel na lang ang matutulog sa silid na iyon. Kunsabagay ay wala pa namang dinadalang mahahalagang gamit si Lovelle.

Katunayan ay iniwan pa nito ang TV set at DVD player. Si Lovelle lang ang nagkaroon ng kakayahang bumili ng maliit na telebisyon at isang di-kamahalang DVD player dahil ito pa lang naman ang may trabaho sa kanilang tatlo.

At ngayong lilipat na ito ng tirahan ay malamang na wala na silang telebisyong panonooran ni Raquel. Bukod pa sa dalawa na lang silang maghahati sa bayad sa apartment at sa suweldo ni Nemia. Somehow, dagdag-gastos iyon.

Ipinasya niyang panoorin ang isang DVD na binili niya may isang buwan na ang nakalipas at ngayon lang niya mapapanahunan. Ang Somewhere in Time. Mura na lang kaya nabili niya.

Nasa kalagitnaan siya ng palabas nang makaramdam ng kalam ng sikmura. Nang tingnan niya ang maliit na alarm clock sa ibabaw ng TV ni Lovelle ay alas-siyete pasado na. Inilagay niya sa "pause" ang pinapanood. Bumaba siya sa kusina at ipinasyang initin ang lugaw na niluto ni Nemia. Nagulat pa siya nang makitang sa maliit na kaldero lang at sa wari ay para lang talaga sa kanya ang niluto nito.

How thoughtful, she thought.

Nang mainit niya ang lugaw ay nagsalin siya sa malaking mangkok. She grinned at herself. Sa malaking mangkok talaga, ha. Bangong-bango siya sa bawang na binusa ni Nemia na nasa platito.

Muli siyang nangiti nang makitang nagtadtad din ito ng spring onions. Kompletos recados. Inilagay niyang lahat ang mga iyon sa malaking mangkok. Ilang sandali pa'y pumanhik na siyang muli at ipinagpatuloy ang panonood sa pelikula habang kumakain.

HINDI alam ni Caroline kung anong ingay ang nagpagising sa kanya. Hindi niya gustong magmulat ng mga mata at antok na antok pa siya. But the sound was persistent. Unti-unti ay nagmulat siya ng mga mata. Nasilaw pa siya sa liwanag ng araw mula sa bintana.

Hanggang sa matanto niyang ang landline nila sa ibaba sa sala ang nagri-ring.

Napabalikwas siya upang mapaungol lamang. Masakit ang buong katawan niya. Napuna niyang sa ibaba ng dulo ng kama nina Lovelle at Raquel siya nakatulog nang sa kung paano na lang. Sa sahig mismo. Hindi nakapagtatakang nananakit ang buong katawan niya.

Bakit siya sa sahig nakatulog? Nang bigla'y may pumasok sa isip na nagpahugot ng hininga niya.

Hindi ba at may usapan silang susunduin siya ni Shane kagabi?Hindi ba siya sinundo nito? Nakatulog ba siya sa paghihintay? Natatandaan niyang sa paanan ng kama sa ibaba siya sumalampak sa panonood habang kumakain.

Nagmamadali siyang tumayo nang may matamaan ang paa niya sa sahig. Ang mangkok!

She shook her head. Inihilamos ang mga palad sa mukha. Natatandaan niyang naubos niya ang lugaw. Nasa kagandahan siya ng panonood nang hilahin siya ng matinding antok. Subalit hindi niya gustong matulog at gusto niyang tapusin ang palabas.Iyon ang huling nasa isip niya.

Nilinga niya ang DVD player. Naka-on pa rin iyon pati ang TV na asul ang buong screen. At ang oras na nakabadya sa alarm clock sa ibabaw ng TV ay alas-siyete kinse ng umaga!

Ang akma niyang paglabas sa nakabukas na pinto ng silid nina Lovelle at Raquel upang sagutin ang telepono sa ibaba ay napigil nang matanto niyang hindi na nagri-ring iyon. Dumiretso siya sa silid niya at hinanap ang cell phone niya. Naroon iyon sa ibabaw ng vanity mirror katabi ng charger.

She shook her head. Low batt na siya kahapon at talagang magtsa-charge siya. Nalimutan na niyang gawin iyon. Naka-off na ang cell phone at nagmamadali siyang i-charge iyon. Kumuha ng tuwalya at halos takbuhin pababa ang banyo sa ibaba at naligo. Hindi siya makapaniwalang hindi siya sinundo ni Shane.

Coron, Iisa lang Ang Puso Ko (UNEDITED)(COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon