Present
HUMINTO ang van sa tapat ng nag-iisang ospital sa Coron.
"Ma'am, heto na po iyong ospital na sinasabi ninyo," wika ng driver kay Caroline na nagpamulat bigla ng mga mata niya at magbalik ang isip sa kasalukuyan. Ikinurap niya ang mga luhang nagsimulang mamuo sa mga mata. Then she realized that she was clutching her tummy. Inalis niyang bigla ang kamay sa tiyan.
Nilinga niya ang paligid. Hindi alam ni Raquel na darating siya. Hindi niya gustong magpasundo. Tutal ibinigay naman nito sa kanya ang direksiyon bago ito umalis kung sakaling magbago ang isip niya.
"S-salamat," aniya sa driver at naglabas ng pera mula sa maliit na bag at binayaran ito. Ang driver ay bumaba at kinuha ang di-kalakihang maleta niya mula sa likuran at ibinaba iyon sa tabi ng kalsada.
Ginalugad niya ng tingin ang kabilang kalsada. Sabi ni Raquel ay may tulay na kawayan patungo sa kanila at sa tabi niyon ay isang munting botika. Natanaw niya kaagad ang tulay na kawayan. Hila-hila ang de-gulong na maleta ay tinawid niya ang kalye.
Pagdating sa may bungad ng makitid at mahaba at palikong tulay na kawayan ay tinawagan niya si Raquel.
"Caroline," agad nitong sabi. "May problema ba? O may maganda kang balita?"
"I'm here..."
Sandaling namagitan ang katahimikan sa kabilang linya. "Here where?"
"Dito sa may bungad ng tulay na kawayan. Hindi ko matanaw ang bahay ninyo at takot akong tawirin ang tulay. Mukhang marupok. Baka ihulog ako sa creek at malunod ako."
"Oh, my god!"
Iyon lang at namatay na ang linya sa kabila. She smiled and waited for less than a minute. Mula sa mga nagtatayugang halaman ay lumitaw sa kabilang dulo ng tulay si Raquel. Nakatawa.Tinatakbo nito ang pagbaybay sa tulay na kinabahan si Caroline na ano mang oras ay may mabaling kawayan doon at sa creek pulutin si Raquel.
Subalit nakarating ito sa kinatatayuan niya nang walang kahirap-hirap. Niyakap siya ng kaibigan.
"Bakit hindi mo man lang ako tinawagang darating ka?"
"O, eh, di hindi kita nasorpresang ganyan," she said grinning.
Kumawala si Raquel at inilayo siya nang bahagya at tinitigan. "Kahit tumatawa ka'y malamlam ang mga mata mo. Hindi pa rin ba nagpapakita si Shane?"
Biglang naglaho ang ano mang hibla ng ngiti sa mga labi niya. "Ayoko muna siyang pag-usapan, Raqs," aniya sa nababasag na tinig.
"Siya... siya... Halika na at nang maipakilala kita kay Nanay. Akina iyang bagahe mo at ako ang magbibitbit. Kumapit ka riyan sa hawakan. Matibay iyan."
Nauna ito sa pagtawid sa tulay at kasunod siya. Mariin ang pagkakahawak niya sa kapitan habang nakatitig sa ibaba ng creek. May kaunting tubig doon na umaagos. Kung saan patungo ay wala siyang ideya. Isang malaking kalokohan sa bahagi niya ang maisip na malulunod siya roon kung mahuhulog siya. Hindi pa yata aabot sa tuhod ang tubig sa creek. And that was it. Nakilala niya ang mga magulang ni Raquel, sina Tatay Peping at Nanay Lolit.
Mainit siyang tinanggap ng mga ito; na matagal nang alam ng mga ito na magkaibigan sila ni Raquel at ni Lovelle.
Wala pang dalawang oras pagkarating niya ay nagtanong na siya kay Raquel kung ano ang maaari nilang puntahan. At dahil hapon na ay sa hot spring siya nito dinala.
SUMAKAY sila ng tricycle patungo sa lugar kung saan naroon ang hot spring. Napangiti si Caroline sa uri ng pedicab na sinakyan nila. Tila iyon isang miniature jeep. Dalawang pasahero sa harap at apat sa likuran.
Iyon ang unang pagkakataong nakaranas siya ng ganoon at totoo siyang nakadama ng pagkamangha sa lugar. Ang hot spring ay karugtong ng dagat. Napakainit ng tubig sa lugar na nakalubog sila at kailangan pa ng ilang sandali upang masanay ang balat niya sa init bago siya tuluyang nag-enjoy.
At ilang metro lang patungo sa dagat ay nag-iiba ang temperatura ng tubig. Unti-unti ay lumalamig iyon. She was truly amazed. Nanatili sila sa mainit na tubig sa loob ng tatlumpung minuto. Gusto pa sana niyang magbabad pa pero inawat siya ni Raquel. Ayon dito ay tama na ang tatlumpong minutong pagbabad sa mainit na tubig-dagat dahil mamumula ang balat niya kung magtatagal pa.
Sumang-ayon na rin si Caroline dahil papadilim na. Pagkabanlaw at pagkabihis sa shower room ay umuwi na sila.
Pagkakain ng hapunan ay nakapagtatakang hinila na siya ng antok gayong wala pang alas-otso ng gabi. Hindi nagkapuwang sa isip niya si Shane sa kauna-unahang pagkakataon mula nang hindi na ito makipagkita sa kanya. Agad siyang nakatulog pagkalapat ng katawan niya sa kama.
Nagising siya nang mag-aalas-otso na. Bakante na ang kabilang kama ni Raquel. Hindi siya agad bumangon. Muli, tulad ng nagdaang mga umaga, si Shane ang unang pumasok sa isipan niya. Nabigyan lang siya ng ilang oras ding reprieve. Hindi niya mapigil ang mapahikbi at isinubsob ang mukha sa unan.
Kung hindi lang siya nag-aalalang baka mapasukan siya ni Raquel na umiiyak ay malamang na mananatili siya sa higaan at ubusin ang maghapon sa pag-iisip sa nobyo. Muli ay bigla niyang naalalang hindi siya dapat ma-stress dahil sa baby niya. Iyon ang mahigpit na bilin ng doktor sa kanya.
Inaayos niya ang ilang gamit niya nang bumukas ang pinto at pumasok si Raquel. Nakangiti ito. "Akala ko'y tulog ka pa."
She smiled sheepishly. "Tinanghali nga ako ng gising."
"Yeah. You slept like a log," anito, natutuwang hinagod siya ng tingin. "Nakatulong sa iyo ang pagbabad sa hot spring kagabi."
Tumango si Caroline. "Nakabuti sa akin," she said with a faint smile. Kinuha niya mula sa tokador ang clamp at itinaas ang buhok. "Ulitin natin one time."
Natawa si Raquel. "Goodness, I even tiptoed around this morning dahil ayokong magising kita. Mula nang magkagalit kayo ni Shane ay parang puro iyak na lang ang ginagawa mo sa gabi."
Nahinto siya sa ginagawa. "'Can't help myself, Raquel." Tumingala siya sa kaibigan. "Hindi ko siya magawang alisin sa isip ko sa kabila ng ginawa niya." Her voice broke.
Isang marahang mura ang pinakawalan ni Raquel. "Alalahanin mong hindi ka dapat nagkakaganyan dahil diyan sa dinadala mo."
"Yeah..." she said with a sigh, dumako ang isang kamay sa tiyan niya at nginitian ang kaibigan.
"Gusto kong ikutin ang ipinagyayabang mong mga isla dito sa Coron."
"Mag-almusal na muna tayo."
"MAAGA pa naman," ani Raquel nang bumalik sila sa silid pagkatapos kumain. "Iyong kinontrata kong bangka ay tayo lang ang pasahero. Naisip kong dalawa o tatlong isla ang lilibutin natin ngayon at bukas naman ang iba..." ani Raquel habang tinititigan siyang nagsusuot ng bathing suit at pagkatapos ay sinuotan ng shorts at pinaibabawan ng polo shirt.
"Props lang iyan," nakangising sabi niya sa kaibigan. Ang tinutukoy ay ang suot na bathing suit. Siya man ay pinagtakhan ang sarili sa biglaan niyang pagbili ng bathing suit gayong alam niyang hindi naman siya lulubog man lang sa dagat. "Hindi ako marunong lumangoy."
"Oh, don't worry. May mga life vest naman sa bangka," ani Raquel sa tonong hindi iniintindi ang sinabi niyang hindi siya marunong lumangoy."Tara na nga." Kinuha nito ang sumbrerong buli sa ibabaw ng tokador. "Sana'y makalimot ka kahit ilang araw man lang—" pinutol nito ang sinasabi. "Wrong statement. Sana'y makatagpo ka ng bagong pag-ibig dito sa Coron sa susunod na mga araw."
Kahit paano ay natawa siya sa sinabi ng kaibigan. "Paano mo namang naisip iyan gayong alam mong preggy ako?"
Nagkibit si Raquel. "Basta ang gusto ko'y mag-enjoy ka sa bakasyon mong ito."
Hindi na niya sinagot iyon. Siya man ay umaasang sana'y hindi na niya maramdaman ang masaktan nang labis. Sana ay mamanhid na ang buong pagkatao niya, alang-alang sa dinadala niya.
"It's too early to ask you," ani Raquel pagkatapos nilang magpaalam sa mga magulang nito. "Ano ang ipapangalan mo sa baby mo?"
She frowned. Sandaling nahinto sa bukana ng tulay na kawayan. "I haven't thought of it. But I'll name my baby Shane. Mapalalaki man o mapababae."
BINABASA MO ANG
Coron, Iisa lang Ang Puso Ko (UNEDITED)(COMPLETED)
RomanceIsang tatsulok na pag-ibig. Dalawang lalaking parehong umiibig sa isang babae at walang nais magparaya. Ang sabi ni Shane: "Ako ang mahal ni Caroline! Bakit gusto mong magpakasal sa isang babaeng ibang lalaki ang mahal?" "Si Caroline ang mahal ko. A...