21

7.4K 195 0
                                    


PAGLABAS ni Caroline ng unibersidad nang hapong iyon ay muli niyang natanaw si Mike. Marahil ay pauwi na rin mula sa opisina. Kinawayan pa siya nito. Kahit malayo ay nginitian niya ito. Hindi na nakadaan si Shane sa apartment nang gabing iyon. Maghahatinggabi na nang umuwi ang mag-ama mula sa opisina.

Lumipas ang ilang araw at smooth naman ang relasyon nila ng kasintahan. Nagkita pa silang minsan ni Jessie sa canteen ng unibersidad. Sandali lang silang nakapag-usap at ayon dito ay pauwi na rin ito sa Silang at babalik na lang sa Maynila pagdating ng enrollment.

Dahil natapos na ang sinasalihang bidding ng construction firm ng ama ni Shane ay sunod-sunod na dalawang araw na sinundo siya nito sa unibersidad at inihahatid sa apartment. Niyaya siya nitong minsang manood sila ng sine o lumabas. Pero dahil labis ang pagod niya sa school at sa ilang projects ay hindi niya ito napagbigyan.

Dalawang linggo na lang at tapos na ang semester. Biyernes ng gabi ay usapan nilang magkasintahan na susunduin siya ni Shane sa apartment upang magtungo sa bagong apartment na nilipatan ni Lovelle sa Libis sa Quezon City. Wala pang sampung minuto sa jeep ang biyahe ni Lovelle patungo sa bago nitong trabaho.

May pasinaya ito sa bagong nakuhang tirahan at imbitado sina Shane at Mike. At dahil kailangan pa niyang hintayin si Shane na alas-nueve na makakalabas sa opisina ay nauna na sa kanya si Raquel kasabay si Nemia.

"Ate Caroline," sabi ni Nemia bago lumabas ng pinto. "May niluto akong lugaw-goto. Initin mo na lang. Malambot na malambot iyong tuwalya at marami akong ginisang bawang."

"Wow!" aniya. Gusto niya ng lugaw, lalo at goto. "Mamaya ay kakain ako. Alas-nueve pa naman ang dating ni Shane."

"Huwag kang magpapakabusog at maraming in-order si Lovelle," bilin ni Raquel.

"Sino-sino ba ang mga bisita niya?"

"Tayo at iyong dalawang katrabaho niya na makakasama niya sa bahay. Share sila sa handaang ito. At magdamagang kainan, inuman, at kantahan. Nag-rent din si Lovi at ang mga kasama niya ng videoke."

"Parang ayokong isiping pinalitan tayo ni Lovelle ng mga bagong kaibigan niya," magkahalong biro at totoong sabi niya. Parang nakakalungkot isipin na tatlong taong mahigit silang magkasama sa apartment pagkatapos ay bigla sa iba na titira si Lovelle.

"Huwag ka ngang mag-isip nang ganyan. Hindi ko nga gustong ipasok sa isip iyan at nagseselos lang ako sa mga bago niyang kaibigan."

"'Sensiya na. Naisip ko lang. Pero kilala naman natin si Lovelle. Mahal tayo n'on."

"Tama ka diyan. And mind you, imina-matchmake ni Lovelle iyong isang kasama niya kay Mike..."

Isang malakas na tawa ang pinakawalan niya.

Coron, Iisa lang Ang Puso Ko (UNEDITED)(COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon