MUNTIK nang mabitiwan ni Caroline ang tinidor sa narinig sa ikatlong mesa. Nanlalaki ang mga mata niyang napatitig kay Raquel. Bago pa man sila makaisip ng sasabihin sa isa't isa tungkol sa narinig ay muling nagsalita si Chanelle.
Inilapit ang tainga kay Luchie upang bumulong pero lahat yata ng nasa kalapit na mesa ay intensiyon nitong mapakinggan ang sinabi. Lalo na siya.
"Girl, ang sarap humalik ni Shane. Promise," anito.
"Halik lang?" sabat naman ni Amy. "Ang tagal n'yo kayang nakakulong sa cottage, ha. And your... ehem... scream was heard outside."
"Ang halay mo, bakla..." nakatawang sabi ni Luchie na sinundan ng tawanan ng iba pa.
"Oh, well..." pa-demure na sabi ni Chanelle, saka sinabayan ng nasisiyahang tawa. "'Kaloka nga si Shane. Super possessive. Pagdating namin dito sa Maynila ay ilang oras lang kaming naghiwalay at pagkatapos ay nagyaya na sa Enchanted Kingdom. Siyempre, kami lang dalawa. Hindi na kasama iyang mga asungot na iyan."
Caroline gasped. Pinamukalan ng mga luha sa mga mata.
"Kapag umiyak ka ngayon ay iiwanan kita rito," babala ni Raquel sa naniningkit na mga mata. "Bibigyan mo lang ng kasiyahan ang mga luka-lukang iyan! They're doing it to rile you!"
Nanatili siyang nakayuko sa pagkain. Ni hindi niya magawang magsalita dahil baka nga mapabulalas siya ng iyak. Paano ba niya uubusin ang cassava cake?
"Ayusin mo ang sarili at ubusin mo ang pagkain mo," patuloy ni Raquel. "Ako na ang nakikiusap sa iyo."
Caroline took a few bites. Sinundan iyon ng sipsip ng soft drink upang lumampas sa lalamunan niya ang pagkain. Patuloy rin sa tahimik na pagkain si Raquel. Hindi pa man lang siya makakaisip ng sasabihin sa kaibigan nang maramdaman nila ang pagtunog ng mga silyang nauusog.
At pagkatapos ang presensiya ni Chanelle sa tabi ng mesa nila ni Raquel.
"Hi, girls. Naka-enroll na ba kayo?" she asked cheerfully.
Si Raquel ang nag-angat ng ulo. "Maaga kaming nakatapos, Chanelle."
Niyuko nito si Caroline. "How are you, Caroline? Siguro ay hindi mo mamasamaing magkasama kami ni Shane sa Mariveles? Balita ko'y break na kayo bago pa man natapos ang nakaraang semester. May bago ka na raw boyfriend. Jessie yata ang pangalan..."
Raquel smiled sarcastically. "Jessie's a thing of the past, Chanelle. May bago nang boyfriend uli si Caroline. A rich businessman. A George Clooney look-alike. You know, hindi ang uri ni Caroline ang naghahabol sa lalaki. Hindi tulad ng iba diyan."
Huling-huli ni Caroline ang biglang paniningkit ng mga mata ni Chanelle. Pero sandali lang iyon at muli itong ngumiti. "Well, that's good. At least, hindi ako magi-guilty na kami na ni Shane ang mag-boyfriend."
Sa kabila ng lahat ay nakuha ni Caroline na gayahin si Raquel at sarkastikong ngumiti. "Mag-boyfriend pa kaming dalawa ay matagal mo nang ninanasa si Shane, 'di ba? I'm sure you're happy now. He's all yours."
Hindi agad nakaapuhap ng sasabihin si Chanelle. Mamaya pa'y tumalikod na ito at bumalik sa grupo. Naunang tumayo si Raquel at sumunod si Caroline.
"Ngumiti ka at kawayan mo sila," utos ni Raquel sa mahinang tinig.
Tila robot na sumunod si Caroline. Kung paano siyang nakangiti ay hindi niya alam. Malayo pa ang gate mula sa canteen subalit nakarating siya roon bago siya bumulalas ng iyak. Isang taxi ang pinara ni Raquel at hinila siya patungo roon.
Nasa loob na sila nang magsalita siya. "A-akala ko ba... nagtitipid tayo..." pahikbing sabi niya.
Huminga nang malalim si Raquel. "You'll break into pieces, Caroline. Anytime. Kailangan nating mag-taxi."
BINABASA MO ANG
Coron, Iisa lang Ang Puso Ko (UNEDITED)(COMPLETED)
RomanceIsang tatsulok na pag-ibig. Dalawang lalaking parehong umiibig sa isang babae at walang nais magparaya. Ang sabi ni Shane: "Ako ang mahal ni Caroline! Bakit gusto mong magpakasal sa isang babaeng ibang lalaki ang mahal?" "Si Caroline ang mahal ko. A...