39

9.6K 272 74
                                    


HINDI napansin ni Caroline na nakarating na sila. Nasa tapat sila ng isang malaking bungalow. 

May pantay-tao na bakod at wrought iron gates. Tahimik ang buong kalye at sa uri ng mga bahay na nakikita niya sa paligid ay nasa middle-class family ang mga homeowners.

Nang magbukas ng pinto ng sasakyan si Matt ay sinabayan niya. Lumakad sila patungo sa gate at nag-buzzer ito. Ilang sandali pa ay may lumabas na kabataang babae na sa tingin ni Caroline ay ang kasambahay.

"Sir Matt..." bati ng kasambahay at binuksan ang gate. Sinulyapan nito si Caroline sandali.

"Nariyan ba sina Janet at Nelly?"

"Hindi po umalis si ma'am Janet. Darating nga raw po kayo. Si ma'am Nelly po ay kararating lang at mainit nga po ang ulo, eh."

Matt frowned. "Kararating lang? Mamaya pang alas-sais ang tapos ng klase niya. Alas-tres pa lang."

Hindi kumibo ang kasambahay at isinara ang gate. Hinawakan ni Matt si Caroline sa siko at iginiya. Hindi malaman ni Caroline kung kakabahan siyang 'di mawari. Wala naman sana siyang dapat ipangamba. Sa malaking sala ay naroon ang isang babae sa bahagi ng bar at nagsasalin ng alak.

Sa tantiya ni Caroline, base sa sinabi nitong katandaan sa asawa ni Matt ay marahil nasa kuwarenta y uno. Maganda at mestisahin ito. Naka-dye ang buhok ng light brown. Naka-tight body hugging black jeans at mahabang blusang bulaklakin. Naka-three-inch heels na sandalyas. The woman was good-looking.

"Matt!" she exclaimed. Pero ang mga mata'y agad na natuon kay Caroline. Nagtagal nang ilang sandali bago ibinalik kay Matt ang mga mata. "Ang akala ko'y makapananghalian ka darating. Balak ko na ngang umalis at baka hindi ka na dumating."

"Hello, Janet. Hindi ba maaga pa para diyan?" Ang tinutukoy nito ay ang baso ng alak na hawak nito.

Niyuko iyon ni Janet, saka humalakhak. "Para kang bago nang bago sa akin, Matt." Muli nitong sinulyapan si Caroline. "Sino ang kasama mo?"

"This is Caroline. Caroline, si Janet, my stepsister-in-law," pagpapakilala ni Matt.

"Hello, Janet..." aniya. Nang hindi lumapit si Janet para makipagkamay ay hindi rin kumilos si Caroline. Napansin niya ang biglang pag-ilap ng mga mata nito. Ni hindi sumagot sa bati niya.

"Did I hear Matt's voice, Mommy?" wika ng papalapit na tinig mula sa isang bahagi ng bahay na nang lingunin ni Caroline ay napahugot siya ng hininga. Napaatras nang wala sa oras at napakapit sa braso ni Matt.

"Nelly..."

"Matt!" nakangising akma itong tatakbo patungo kay Matt. Ilang hakbang mula rito ay bigla itong huminto nang matuunan ng tingin si Caroline. "C-Caroline?"

"Hello, Chanelle..." Sunod-sunod ang dagundong ng dibdib niya. Si Chanelle ang "Nelly" na tinutukoy ni Matt. Napakaliit naman ng mundo, may panlulumong naisip niya.

Nagpalipat-lipat ang tingin ni Chanelle kina Matt at Caroline. Nagtagal ang tingin nito sa kamay niya na nakakapit kay Matt. "W-what are you doing here, Caroline? Bakit... magkasama kayo ni Matt? Ma... mag... kakilala ba kayo?"

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita ni Caroline ang sunod-sunod na pagkautal ni Chanelle. At totoong namangha ito nang labis. Kung hindi siya kinakabahan ay baka mangiti siya.

"So, you know each other?" tanong ni Matt at niyuko si Caroline.

Tumango siya at bumitaw sa pagkakahawak sa braso ni Matt. "Magkaklase kami noong nakaraang dalawang semester sa dalawang subject, Matt."

Coron, Iisa lang Ang Puso Ko (UNEDITED)(COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon