ANG BUONG Sabado at Linggo ay ginugol ni Caroline sa loob ng silid niya sa pag-iyak at sa pagtawag at pagte-text kay Shane. Subalit wala itong sinagot sa mga tawag at text niya. Kung tutuusin ay baka pinatay nito ang cell phone dahil hindi naman nagri-ring kada siya tatawag. At ano ba ang malay niya na baka sa galit ay itinapon nito ang cell phone.
Kung hindi niya pinipigil ang sarili ay nais niya itong puntahan sa bahay ng mga magulang nito sa Tagaytay. Pero hindi niya bibigyan ng kahihiyan ang sarili sa paggawa niyon.
Sa loob ng sumunod na dalawang araw ay pumasok si Caroline. Umaasang susunduin siya ni Shane at makikipagpayapaan ito. Subalit walang Shane na nagpakita o tumatawag o nagte-text.
Nasa dibdib na niya ang pagnanais na sugurin si Mike sa kabilang unibersidad.
Subalit hindi si Mike ang problema niya kundi si Shane. He should have trusted her. At pinaniwalaan siya. Nasa banyo siya nang umaga ng Miyerkules nang humiyaw siya sa malaking gulat ng mga kaibigan niya.
"Ano ang nangyari, Caroline?" bungad ni Lovelle sa entrada ng maliit na banyo.
"Bakit ka sumigaw?" It was Raquel.
Nanlalaki ang mga matang napatitig siya sa mga kaibigan. "D-dalhin ninyo ako sa ospital..." pahikbing sabi niya, nakabalatay sa mukha ang takot.
"Bakit?" sabay na tanong ng dalawa.
"N-nag-i-spotting ako."
"BAKIT hindi mo sinabi sa aming nagdadalang-tao ka, Caroline?" tanong ni Raquel. Si Lovelle ay nanatiling tahimik at nakaupo sa paanan ng hospital bed niya.
"K-kailan ko lang natanto. Nang mag-miss ako ng period. I... I never missed my period. I would have told you both, pero binalak kong unang sabihin kay Shane. Sa party mo dapat, Lovelle, ay sasabihin ko sa kanya."
"Kailangang malaman ni Shane ang bagay na ito, Caroline," ani Raquel. "Lalo at mananatili ka rito hanggang bukas upang masubaybayan na hindi malalaglag ang dinadala mo."
Bewildered, she shook her head. "Huwag ninyong gagawin iyon, nakikiusap ako. Kung gusto niyang bumalik ay gawin niya nang hindi napipilitan lamang dahil lamang nagdadalang-tao ako."
"Kailangan niyang malaman, Caroline," giit ni Raquel.
"No. Please." Puno ng kombiksiyon ang tinig niya. "Let him come back because he realized he was wrong. That he loves me. Na gusto niya akong paniwalaan, giving me the benefit of the doubt."
"Pero paano kung hindi magbalik si Shane?" tanong ni Lovelle sa nagagalit na tinig.
"Please, Lovelle..." pakiusap ni Caroline, tuluyang nalaglag ang pinipigil niyang luha. Hindi niya gustong marinig iyon mula sa kaibigan. Mahal siya ni Shane tulad ng pagmamahal niya rito. Babalik ito kapag nawala na ang galit nito. "Alam kong mahal ako ni Shane. Nabubulagan lang siya sa galit. Nagpapalipas lang siya ng galit. Babalik siya."
Hindi na nagsalita ang dalawa pa tungkol kay Shane. Kinakabahang baka lalong makasama sa kalagayan niya. "If you want to keep that baby..." Lovelle paused. "Although that's not a baby yet, then stop stressing yourself, Caroline. Sundin mo ang sinabi ng doktor. Don't worry yourself. Stop crying."
Buong pagsuyong dinama niya ang tiyan. Agad na nagmaliw ang mga luha sa mga mata. "I want to keep the baby, Lovelle." Tulad din ng kung paano siyang hindi ipinalaglag ng kanyang ina sa kabila ng lahat.
Nang maalala ang lola niya ay muling bumukal ang mga luha sa mga mata niya subalit hindi niya gustong pumatak ang mga iyon. She had betrayed her grandmother. Sinundan niya ang yapak ng kanyang ina. Pero natitiyak niyang magbabalik si Shane. Iyon ang magiging kaibahan niya sa nanay niya. Pakakasalan siya ng ama ng kanyang magiging anak.
"Umiiyak ka na naman," ani Raquel sa sumasaway na tinig. Hindi niya namalayang umagos ang mga luha mula sa mga mata niya.
Tiningnan niya ang kaibigan. "Ano ang sasabihin ko kay Lola? Sasama ang loob niya. Sasaktan ko siya..."
"Don't tell her," mariing wika ni Lovelle. "Marami namang paraan para maglihim, lalo at hindi naman lumuluwas ang lola mo rito sa Manila. Bago ang enrollment para sa next sem ay umuwi ka sa Silang para hindi gaanong matagal na hindi kayo nagkikita. Maiintindihan niya na hindi kayo magkikita nang buong dalawang semester hanggang graduation mo. Super busy ka.
"At sabi mo nga ay babalik si Shane..." Tinitigan siya nito at saka nagbuntong-hininga. "Sana nga. At kung hindi man, next year pa ang graduation mo. By that time, nakapanganak ka na. Ang konsolasyon, nakapagtapos ka. Makakakita ng magandang trabaho. At nandiyan si Nemia para mag-alaga ng baby mo pagkapanganak mo."
"Tama si Lovelle, Caroline. Hindi mo gustong masaktan ang lola mo, so ilihim mo."
Hindi na siya kumibo at tumingin sa kawalan. Deep in her heart, alam niyang babalik si Shane. Magpapakasal sila tulad ng sabi nito. Hindi magdaramdam ang lola niya dahil nag-asawa naman siya nang maayos at makapagtatapos pa.
Kinalunesan ay si Raquel na rin ang nag-ayos ng pagsusumite ng mga thesis niya. Hindi na niya magawang pasukan ang huling linggo nila sa unibersidad. Ipinagpasalamat niyang natapos niya ang lahat ng requirements sa unibersidad.
Lunes din ng gabi nang magpaalam si Raquel na uuwi sa Coron dahil inaasahan ng mga magulang nito ang pag-uwi niya tuwing semestral break. Napaaga nga lang iyon nang isang linggo dahil nga sa nangyari kay Caroline. Niyaya nito si Caroline na sa Coron na palipasin ang natitirang halos tatlong linggo.
Umaasa itong papayag siya. Subalit tumanggi si Caroline.
"Hindi mo maaaring gugulin ang buong tatlong linggong bakasyon sa pagmumukmok, Caroline," ani Raquel.
"Gusto kong narito ako kapag dumalaw si Shane," she said firmly.
Lovelle sighed. "Don't worry, Raqs. Ipagpapaliban ko ang paglipat ko sa Libis hanggang sa nakabalik ka na. Ako na ang kasama ni Caroline dito. Kami ni Nemia."
Tinitigan siya ng mga kaibigan subalit umiwas siya ng tingin. Gusto niyang itaboy ang mga itong iwan siya. Gusto niyang mapag-isa. Umiyak. No. No. Hindi siya dapat umiyak. Alang-alang sa baby niya. Kailangang tatagan niya ang sarili. Kapag nalaglag ang ipinagdadalang-tao niya ay hindi niya mapapatawad ang sarili.
BINABASA MO ANG
Coron, Iisa lang Ang Puso Ko (UNEDITED)(COMPLETED)
RomanceIsang tatsulok na pag-ibig. Dalawang lalaking parehong umiibig sa isang babae at walang nais magparaya. Ang sabi ni Shane: "Ako ang mahal ni Caroline! Bakit gusto mong magpakasal sa isang babaeng ibang lalaki ang mahal?" "Si Caroline ang mahal ko. A...