"MOMMY, are you okay?"
Mula sa panunungaw sa bintana ay nilingon ni Caroline ang anak. "Yes, darling. Why do you ask?"
"You look worried. Inom ka nang inom ng kape. Three cups na, saka kanina ka pa sa bintana," wika ng bata na saglit siyang tinapunan ng tingin at ibinalik ang atensiyon sa laruan.
"I'm okay, darling." Sinulyapan niya ang relo sa dingding sa ibabaw ng bureau. "Alas-otso na, Erick. Oras na ng patulog mo."
"Tomorrow's a Saturday, Mommy. Walang school," protesta nito.
Sa sinabi ng anak ay ipinaalala lang nito na hanggang Lunes pa ang mag-anak na Malvar. At na bukas ay darating si Shane. Sana ay dumating ang mga ito na may school si Erick. Nakatakda nang pumasok sa school ang anak sa pasukan. Preparatory. Kahit paano ay may tsansang hindi magkikita ang mga ito.
Nagkamali ba siyang ialok sa mga Malvar ang mga kuwarto sa bahay niya? Makikita at makikita ng mga ito si Erick, malibang ikulong niya ang anak sa silid nito kasama ang yaya pagdating ng alas-sais ng gabi. Sa unang gabi, tulad ngayon ay posible ang gusto niyang mangyari. Subalit sa susunod na mga gabi ay mag-aalma na ang bata kung bakit hindi niya ito gustong palabasin.
At siya, magagawa ba niyang huwag makipagkita kay Shane sa duration ng bakasyon ng mga Malvar dito sa Coron? May asawa na ba ito?
Hindi niya maipaliwanag ang hapding naramdaman sa naisip na posible itong may asawa na gayong kahit siya sa sarili niya ay hindi siya nakatitiyak ng sariling reaksiyon sa sandaling magkikita silang muli.
"Mommy, sige na, please. Dito muna ako."
"Okay, darling. Another hour then off to bed."
KINABUKASAN, maaga pa lang ay ginising na ni Caroline ang anak. Dadalhin niya ito sa mga magulang ni Raquel. Bagaman inaantok pa, nang marinig ni Erick kung saan sila pupunta ay pupungas-pungas itong agad na bumangon.
Inutusan niya ang yaya nito na ipagdala ang anak ng dalawang damit para sa buong maghapon. Alas-siyete y media ay nasa bahay na sila ng mga magulang ni Raquel. "Iiwan ko po muna si Erick dito sa inyo, Nanay Lolit. Nariyan naman ang yaya niya. Hindi kayo mahihirapan masyado." Sinulyapan nito ang anak niya na agad tumakbo kay Tatay Peping na nagpapakain ng mga manok.
"Ano bang mahihirapan ang sinasabi mo, Caroline? Alam mo namang welcome na welcome kayo ng anak mo rito. Tingnan mo nga si Peping at nakatawa nang makita si Erick." Ito man ay sumulyap sa dako ng asawa. "Kung puwede nga lang araw-araw dito ang batang iyan, eh."
"Marami pong salamat. Susunduin ko po mamayang gabi at bukas po uli ng umaga ay ihahatid ko rito. Hanggang bukas lang naman po."
"Kahit hanggang kailan," wika ni Nanay Lolit. "Nag-almusal na ba kayo? Nagprito ako ng itlog at daing na pusit."
Her smile was wide. "I love daing na pusit. Si Erick din ay gusto iyan."
"Hala, sige, doon na kayo sa mesa ng yaya at dadagdagan ko ang pritong pusit."
"Ako na po, Nanay Lolit," alok ng yaya na wasiwas ng kamay ang sagot ng matandang babae.
Bumalik sa hotel si Caroline nang bandang alas-dies at sa bahay nagtuloy. Nagbilin sa desk na kung ano man ang problema, kung kaya rin lang i-handle ng mga ito ay huwag na siyang tawagin. Kaninang alas-nueve ay dumating na ang eroplano mula Manila sa Busuanga airport. Natitiyak niyang nasa hotel na si Shane.
Caroline dreaded the moment she had to meet Shane. Bagaman sa kaibuturan ng kanyang puso ay naroroon ang pananabik na nais niyang ikaila sa sarili.
BINABASA MO ANG
Coron, Iisa lang Ang Puso Ko (UNEDITED)(COMPLETED)
RomanceIsang tatsulok na pag-ibig. Dalawang lalaking parehong umiibig sa isang babae at walang nais magparaya. Ang sabi ni Shane: "Ako ang mahal ni Caroline! Bakit gusto mong magpakasal sa isang babaeng ibang lalaki ang mahal?" "Si Caroline ang mahal ko. A...