KUNG literal na dumudugo ang puso ay kanina pa umagos iyon mula sa dibdib ni Shane. Nasa isang sulok na bahagi siya ng hardin malapit sa entrada, tinatakpan ng malagong halaman.
Subalit kung lumingon si Caroline sa kaliwa nito ay makikita siya nito.
And he didn't care if he ruined this day just because Caroline might have taken a glance at him. Lumapag ang eroplanong sinasakyan niya sa Busuanga airport kaninang umaga. Nag-check in siya sa Hotel Hannah kung saan alam niyang sa hardin niyon ikakasal sina Matt at Caroline.
Nang magsimulang lumakad si Caroline kasama ang matandang babae na natitiyak ni Shane na lola nito ay biglang nagsikip ang hininga niya.
There goes my heart, there goes the one I love. There goes the girl he wasn't worthy of There goes my happiness, it couldn't be. There goes somebody else in place of me...
Sunod-sunod na paghinga ang ginawa niya upang paluwagin ang dibdib. At nang muli siyang mag-angat ng tingin ay inabot na ni Matt si Caroline mula sa lola nito. Pabalik na sa puwesto nito si Lola Serafina nang may sumigaw.
"Caroline!" wika ng tinig mula sa kung saan.
Shane blinked. The voice was familiar. Mula sa grupo ng mga empleyado ng hotel ay lumitaw si Chanelle. Lumakad ito patungo sa makeshift altar sa paraang tila binibilang ang mga hakbang.
Napilitang lumabas mula sa likuran ng mga halaman si Shane at humakbang patungo sa karamihan ng mga tao. Kapagkuwa'y nakita niyang may isa pang babaeng nakigitgit sa mga tao.
"Chanelle, anak. Nakikiusap ako!"
Nilingon ito ni Chanelle. "Shut up, Mommy! Kahit kailan ay duwag ka! Magsiksik ka na lang sa sulok! Ginagawa ko ito para sa iyo!"
What was Chanelle thinking? Ano ang ginagawa nito sa kasal nina Matt at Caroline? Kinakabahang hindi mawari si Shane. Nakita niya ang panlilisik ng mga mata ni Chanelle.
Ibinalik ni Chanelle ang tingin sa dalawang nasa makeshift altar. "Hindi ako papayag na pakasalan mo si Caroline, Matt. Hindi!"
"Nelly, ano ang ginagawa mo?" tanong ni Matt sa pinagsamang kalituhan at naguguluhang tinig.
"Si Mommy dapat ang nasa lugar ni Caroline, Matt," patuloy nito. "Patatawarin kita kung paaalisin mo si Caroline ngayon din at ihalili si Mommy bilang bride mo."
"Nasisiraan ka na ba ng bait, Nelly? Imposible ang gusto mong mangyari. Wala kaming pagtingin sa isa't isa ni Janet. Si Caroline ang mahal ko at mag-asawa na kami..."
Tumaas ang tingin ni Matt at ilang sandali pa ay dalawang security ng hotel ang lumapit kay Chanelle mula sa likuran upang akayin ito palabas. "Ilabas ninyo siya!" utos ni Matt.
Marahas na nilingon ni Chanelle ang dalawang security. At mula sa loob ng shawl ay inilabas ni Chanelle ang isang baril at pinaputukan ang dalawang security. Parehong tinamaan ang dalawa at paatras na natumba.
Nagtilian ang mga tao. Humakbang patungo sa kinatatayuan nina Matt at Caroline si Chanelle. Poot na itinutok nito ang baril kay Caroline.
"Itinulak ko sa hagdan si Adelle, Matt!" sigaw nito. Halos magkasabay ang singhap na narinig mula sa mga tao. "Itinulak ko si Adelle sa hagdan upang mabaling ang tingin mo kay Mommy..."
Nanlaki ang mga mata ni Matt sa narinig. "Pinatay... mo si Adelle?"
"Dahil hindi siya dapat masaya sa piling mo kundi si Mommy. Inagaw na ng nanay niya ang pagtingin ni Lolo sa amin ni Mommy. Wala siyang karapatang maging masaya sa iyo! Lalo nang walang karapatan si Caroline sa iyo. Para ka kay Mommy, Matt!"
BINABASA MO ANG
Coron, Iisa lang Ang Puso Ko (UNEDITED)(COMPLETED)
RomanceIsang tatsulok na pag-ibig. Dalawang lalaking parehong umiibig sa isang babae at walang nais magparaya. Ang sabi ni Shane: "Ako ang mahal ni Caroline! Bakit gusto mong magpakasal sa isang babaeng ibang lalaki ang mahal?" "Si Caroline ang mahal ko. A...